Gusto kong maalala na ngayong mga araw na ito ay kumikirot ang hinliliit ko. Meron kasi itong sugat dahil napasok ko ito nang hindi sinasadya sa bentilador na umaandar. Parang ironic nga kasi palagi kong pinapaalalahanan ang anak ko na wag lumapit sa bentilador para maiwasan ang aksidenteng gaya ng pagdali ng umiikot na elisi sa mga daliri. Nangyari kasi ito isang umaga nang kailangan kong maghanda para sa pagpasok ng asawa ko sa trabaho. Pasado alas-5 ng umaga noon, madilim pa nang bumangon ako. Bago ako lumabas ng kwarto ay naisip kong patayin ang bentilador dahil malamig at baka ginawin ng husto ang mag-ama. Hindi ko nakikita, nilapit ko ang kamay ko sa bentilador para maabot ang patayan o switch nito. Pero mali pala ang tantiya ko at papasok pala sa elisi ang mga daliri ko. Sa sobrang sakit ng pagkakadali ng hinliliit ko sa elisi, namanhid ito ng siguro humigit-kumulang isang minuto. Tapos natiklap pa ng konti yung balat. Naisip namin ng asawa ko na balutan ng kuritas ito, kaya lang sabi ko matatanggal lang din yun lagi dahil sa paghuhugas ko ng plato at paglalaba. Baka medyo matagalan pa bago ito matuyo at gumaling dahil nga sa mga gawaing basa na ginagawa ko.
No comments:
Post a Comment