Isang beses nakita na namin sa grocery yung Maggi Magic Meals pero nag-alangan akong sumubok. Pero nung nakita namin ito sa pangalawang pagkakataon, kinuha ko na itong kanilang Lechon Paksiw. Naagaw nito ang atensyon ko nang mabasa ko yung nakalagay na: Just Add 1/2 kilo pork belly. Kaninang umaga ay tinanong ako ng nanay ko kung may ipabibili daw ba ako kasi papunta siya ng palengke. Nagbigay ako ng 100 piso at nagpabili ng kalahating kilo ng liempo. Pagbalik niya, agad akong naggayak para gawin itong "Magic Meal" na ito. Hiniwa ko ang karne, pero nahirapan ako. Kaya iminungkahi ng nanay ko na pakuluan ko ito sandali para mas madali itong hiwain. Mga 10 minuto lang yata yun, at nahiwa ko na nga iyon nang mas madali. Inilagay ko ang nahiwang karne sa supot ng Maggi (kasama iyon sa pakete) at ibinuhos ang pulbos na panimpla (kasama din iyon sa pakete) at 1/4 tasa ng tubig. Ibinuhol ang supot at iminasa-masahe para maghalo ang panimpla karne. Tsaka pa lang ako nagtakal ng bigas, hinugasan iyon at nilagyan ng angkop na taas ng tubig para maisaing iyon. Nilagay ko sa ibabaw ng tubig ang ihinanda kong supot ng "Magic Meal" (lumutang ito). Nakalagay sa panuto na 45 minuto ang kabuuang pagluluto sa kanin at sa "Magic Meal," na sinunod ko naman. At iyan na nga, naluto na ang uulamin naming Lechon Paksiw. Ayos naman kasi medyo napakuluan ko na nga ang karne bago ko pa naisupot kaya di ako nag-aalala na hilaw ito. Nangingibabaw yung lasa ng laurel. Tsaka para sa akin, medyo matapang din yung lasa ng pagka-instant nito - yung para bang kemikal o artificial at hindi natural ang lasa ng timpla. Pero ayos na rin kung nagmamadali sa pagluluto ;)
No comments:
Post a Comment