Wala kaming planong kumain dito, napadaan lang talaga kami at nagkataon na may bakanteng paradahan kaya napagpasyahan namin na bumaba ng sasakyan at pumasok sa Middle Eats Bistro kung saan nakalagay sa harap nilang karatola na ang pagkain nila ay Mediterranean.
Namangha kami pagpasok kasi maaliwalas at maganda ang mga muebles. Hindi masyadong malaki pero walang amoy (minsan kasi pag maliit yung lugar, naiiwan at naiipit sa loob ang amoy ng pagkain). Meron din silang hooka na pwedeng gamitin sa halagang 120 piso. Inirekomenda sa amin ng nagsisilbi itong Mezze Platter nila kasi sabi namin medyo busog pa kami.
Humanga ako sa pagkaka-presenta ng pagkain sa amin, ang linis tingnan at yung pita bread na nakabalot sa tela, pagbukas ko, umuusok sila! Ang sarap, ang sari-sariwa! Yang mga kasalo, lahat masarap. Yung puting-puti, yan yung Tzatziki - maasim-asim na ma-sibuyas ang lasa. Yung katabi nyan, yan yung Baba Ganoush - sa aking sariling paglalarawan, malapit siya sa lasa ng kulawo. Para siyang nilutong talong na may lasa ng usok at ma-sibuyas din sa panlasa ko. Yung manilaw-nilaw ay yung Hummus - para siyang makeso (cheesy) na ma-bawang ang lasa. Yung nasa taas ay mga hiniwang pipino, kamatis at bawang. Tingin ko ang silbi nun ay para ma-refresh ang dila kapag masyado nang natapangan sa lasa nung tatlong kasalo. Yung may takip naman ay chili oil, hindi namin nagamit iyon.
Tumatanggap sila ng credit card na pambayad dito. Ang presyo nitong Mezze Platter na ito ay 188 piso. May mga natira kami nitong mga kasalo (inubos namin ang pita bread kasi akala ko hindi pwedeng iuwi) at ibinalot ang mga ito para maiuwi namin. Kinabukasan, kinain namin yung mga kasalong yan kasama ng Sky Flakes Crackers - pasok din, ang sarap!
No comments:
Post a Comment