Bumili kami ng kangkong para madagdagan ang madahong gulay na pang-ulam namin. Naisip ng asawa ko na igisa ito sa bawang. May tira pa kaming sinaing na tambakol na nahihirapan kaming ubusin dahil medyo sawa na kami dito. Naisip ko tuloy na samahan ng hinimay na sinaing na tambakol yung lulutuin ng asawa ko. Pumayag naman siya. Ang iniisip ko, pag medyo luto na yung bawang sa mantika, tsaka ilalagay ang hinimay kong tambakol, tapos tsaka pa lang ilalagay yung kangkong kapag medyo tumalab sa isda yung lasa ng bawang na ginisa. Nung iniabot ko sa asawa ko yung hinimay ko, nakapaglagay na siya ng konting kangkong, pero ihinulog na din niya yung hinimay kong isda, tsaka niya itinuloy yung natitira pang kangkong. Nasarapan kami sa kinalabasan! Nagkabuhay ang lasa. Nasasarapan na din naman ako sa ginisa lang na kangkong sa bawang, pero nang magkaroon ng laman ng isda, mas sumarap pa siya. Pinag-experiment-ohan lang namin ito pero mukhang regular na lutuin na ito sa amin.
No comments:
Post a Comment