Tuesday, January 1, 2013

Tori Kara - Age Don: Ryuma Restaurant

Tuwing nasa Sta. Rosa, Laguna kami, laging dito nagyayayang kumain ang 4-na-taong-gulang kong anak: sa Ryuma Restaurant sa Paseo de Sta. Rosa.  Kasi tuwing kumakain kami dito, nakakapaglikot siya nang mas malaya (kaysa mga pangkaraniwang kainan) at nakakakuha siya ng laruan.  Sa mga bata kasi, may palaro silang roleta na kung anong mabunot sa roleta ay may katumbas iyon na premyong laruan.  Pagdating pa lang doon ay may place mat na may mga gawain sa likod kung saan pwede siyang magkulay at magsulat (nagpapahiram ang mga tagapagsilbi ng mga krayola).  Hindi rin niya nalilimutan na binibigyan siya ng sorbetes na panghimagas.  Dati din ay binigyan siya ng lobo at popcorn.  Lahat ng ito ay hindi binabayaran nang higit pa sa kukunin mong pagkain.
Nito ngang huli ay napadpad na naman kami doon at isa sa mga kinuha naming pagkain ay itong kanilang Tori Kara - Age Don na nagkakahalaga ng 200 piso.  May kasama itong ensaladang gulay na estilo ng Hapon na may pulang repolyo, repolyo, kamatis, at pipino.  Piniritong manok nga pala ito na nakapatong sa kanin.  Isa ito sa kanilang mga espesyal para sa araw na iyon.  Masarap ito at pwede itong pagsaluhan ng dalawang tao (kung hindi gaanong malakas kumain o kaya naman ay para doon sa mga gustong magbawas ng pagkain/gustong magdyeta).  Nagustuhan din ito ng aking anak (kahit saang piniritong manok siguro ay talagang patok sa bata).  Ang nakikitang puti na nakabudbod sa ibabaw ay lasang makremang keso, kaya naman lalong nagustuhan ng anak ko.  Ang nasa ilalim naman ng manok ay mga repolyong hiniwa nang maninipis at mahahaba.

No comments:

Post a Comment