Ilang beses na kaming nakapunta dito pero di pa rin kami nakakaakyat hanggang sa pinakataas. Hanggang sa may unang set ng mga rebulto pa lang, o sa may paanan ng hagdanang paakyat sa malaking rebulto ni Hesus. Ngayon ay hindi na naman kami makaakyat dahil umuulan at kulang ang aming payong. Maya-maya ay nagutom kami (kahihintay tumila ang ulan) at naisip naming lumabas para sumubo kahit kaunti. Maraming tindahan at karinderya sa labas, at lagi ring merong pansit habhab! Sampung piso ang isang order nito, naka-dalawang order ang asawa ko! Ayos lang, bente lang ang pansit niya. Dito lang talaga ako sa Lucban, Quezon nakakakain ng pansit na ito. Ibang-iba talaga siya sa mga pansit na madalas kong nakakain (bihon, canton, malabon, palabok, miki). Mas manipis ito sa miki at parang "starchy" ang texture pag kinagat at nginuya. Yung timpla nila dito, masabaw o may kaunting sarsa. Tapos bagay talaga taktakan ng suka. Masarap talagang maranasan. Naghabhab (kinain ng hindi ginagamitan ng kubyertos) din ako nito noong una akong nakasubok nito, pero ngayon ay nagtinidor na ako :D
No comments:
Post a Comment