Saturday, October 18, 2014

Sun Cellular

Siguro mga 4 na taon na din kaming subscriber ng Sun Postpaid.  Unang plan ay yung tig-P350 isang buwan na "unli call & text to Sun + 250 texts to other networks."  Pagkatapos ng 2 taon ay kumuha pa kami ng isang plan na tig-P600 isang buwan.  Bale dalawa na ang plan namin sa kanila.  Kada 2 taon ay may "kontratang" natatapos at kung ipagpapatuloy pa ang plan sa kanila ay nagbibigay sila ng libreng cellphone.  Kamakailan ay tapos na ang 2-taong kontrata nung isang plan namin, ang eksaktong petsa ay a-25 ng Setyembre.  Unang linggo pa lamang ng Setyembre ay nagbaka-sakali na kami sa isang Sun Shop dito sa lugar namin, baka kasi pwede na kaming makakuha nung libreng cellphone tutal malapit na yung katapusan ng kontrata namin.  Hindi pa daw kami pwedeng makakuha ng cellphone nung panahong iyon, pero meron daw silang pwedeng ibigay sa amin na libre ding cellphone na may kasamang isa pang cellphone na may tig-P150 na plan.  Hindi kami pumayag kasi dagdag P150 na bayarin din yun buwan-buwan, tapos di naman namin gaanong magagamit ang sobrang cellphone at serbisyong yun, sayang lang.  Subukan daw namin sa susunod na linggo kung pwede na namin makuha yung cellphone na hinahanap namin.  Bumalik kami ng ikalawang linggo ng Setyembre, pero ganun din ang isinagot nila.  Sunod na balik namin ay ika-27 ng Setyembre, pero wala pa daw yung cellphone na hinihiling namin!  Medyo nakakainit ng ulo kasi lagpas na sa kontrata namin tapos wala pa rin yung cellphone.  Parang ang gusto nila ay magpaputol na lang kami ng serbisyo, sa halip na i-retain kami.

Teka, may isa pang kwento na magiging kaugnay din ng kwento ko diyan sa itaas.  Kapupunta nga namin nung mga panahon na bago at hanggang unang linggo ng Setyembre, nakikita ko yung mga flyers nila.  Nabasa ko na yung plan 350 ay may 10 oras daw ng mobile internet.  Sinubukan ko kung gagana sa cellphone kong hindi naman masyadong bago.  Pumunta ako sa "settings" tapos sa "mobile networks."  Naghahanap ako ng "turn on mobile data" pero wala namang ganun dito sa cellphone ko.  Ang nakita ko "Use packet data, activate data network," sabi ko ito na siguro yun.  Nang naka-on na yon, ini-off ko yung WiFi ng cellphone tapos sinubukan ko mag-internet.  Hindi naman gumana!  Binuksan ko na lang uli yung WiFi.  Hindi ko na rin naman masyado ginagamit ang mga apps ng phone na yun kasi nga may kalumaan na.

Mga bandang katapusan ng Setyembre ay pinutol nila ang "outgoing services" ko, ibig sabihin hindi ako makakatawag at makakatext.  Nalaman namin na umabot daw sa mahigit P1000 ang bayarin namin, eh kababayad lang namin ng mahigit P800 nung ikalawang linggo ng Setyembre.  Nakakagulat kasi P350 lang dapat binabayaran nami sa isang buwan.  Kung may buwan man akong maligtangan, isa lang kaya di ako magugulat kung singilan nila kami ng doble, mga P700.  Kung may sumobra mang mga P100-200 ay siguro dahil baka may mga natawagan ako na hindi Sun.  Pero mahigit P1000???  Kaya tinawagan namin ang customer hotline ng Sun at nalaman namin na "data charges" daw ang nagpataas sa bayarin namin.  ANO DAW?!?

Sa totoo lang nawala na sa loob ko na binuksan ko yung "Use packet data, activate data network" sa phone ko kasi nga hindi naman siya gumana.  Sa kakaisip ko lang kung bakit ako magkakaroon ng ganung data charges ay tsaka ko lang naalala na nabuksan ko nga iyon.  Nakiusap kami sa Sun na i-reverse o huwag nang pabayaran sa amin yun kasi hindi naman namin nagamit ang serbisyong yun. Titingnan daw nila, at habang tinitingnan nila ay ibinalik nila ang "outgoing services" ko.   Pagkatapos ng ilang araw ay natanggap ko ang text na iyang nasa larawan sa itaas (screenshot yan sa cellphone ko).  Lumuwag ang pakiramdam ko.

Pagkatapos ng ilang araw pagkatanggap ko ng mensaheng yan, naputol na naman ang "outgoing services" ko.  Pagtawag namin sa customer hotline ay sinabi nilang meron daw kaming mahigit P1000 na hindi nabayaran.  Sa isip ko, bakit pa sila nagmensahe ng ganito (yang nasa larawan)??  Sinabi namin yung tungkol dito sa text/mensahe, kaya sabi nung nakausap namin na ibabalik daw niya yung serbisyo ko.  Kinagabihan nung araw na yun, wala pa rin ang serbisyo namin!  Pagtawag namin uli sa customer hotline para itanong kung bakit hindi ibinalik ang serbisyo, pumunta daw kami sa Sun Shop para daw mas malinawan kami.

Grabe pagpunta namin sa Sun Shop pinababayaran sa amin ang kalahati nung "data charges" na na-charge sa account namin!!  Eh bakit pa nag-message sila at nalaman nilang hindi naman talaga namin nagamit yung serbisyong yun????  Alam nila diba na hindi namin nagamit??  Sabi ng Sun Shop nagastusan din daw sila sa pag-on ng mobile internet sa numero namin.  Pwede naman daw namin hindi bayaran pero i-e-extend daw nila ang aming kontrata ng 4 na buwan.  Grabe, hindi ako makapaniwala sa mga sinabi nilang ito sa amin.  Pagkatapos naming maging "loyal customer" nila ng mahigit 5 taon (as in wala kaming ibang numero/sim/network na ginagamit), ganito ang gagawin nila sa amin??  Meron kami kilala na parang ganito din ang nangyari sa kanila sa ibang network, pero hindi nila ginanito.  Naintindihan nila na nagkamali ang customer kaya hindi nila pinabayaran yung data charges.  Pero itong aming Sun...di naman namin paulit-ulit na ginagawa ito, first time (o "first offense") nga lang nangyari sa amin ito eh, tapos ganyan agad, parusa agad?  Gusto na talaga namin ipaputol, kaso kauumpisa lang ng bagong 30-buwan na kontrata namin at kapag ganun ay malaki ang halaga na kailangang bayaran.

1 comment:

  1. Great article, Thanks for your great information, the content is quiet interesting. I will be waiting for your next post.

    ReplyDelete