Namili kahapon ang nanay ko at nakabili siya nitong Ludy's Brown Coffee. Humingi ako para masubukan. Ayos din, medyo mapait para sa timpla kong makrema at matamis. Akala ko dati peanut butter lang ang ginagawa ng Ludy's, pero ito, mukhang gumagawa na rin sila ng 3-in-1 na kape. Nakalimutan ko na kung magkano eksakto ang bili ng nanay ko dito, pero hindi ito bababa sa 4 na piso.
Pasensya na pero medyo iibahin ko ang usapan. Kahapon kasi yung laban ni Manny Pacquiao, Nitong mga huling taon ay hindi ko pinapalampas ang live coverage ng mga laban niya. Itong laban niya kahapon, hindi ako gaanong nasabik na kaya ko iyon ay tablahin. Kung dati pagdating ng araw ng laban niya, wala na akong gagawing iba kundi humarap lamang sa telebisyon at maghintay mula sa mga undercard hanggang sa matapos ang laban niya. Dati pagdating ng araw ng laban niya, kailangan walang lakad dahil manonood ako ng laban. Tinabangan o hindi na ako gaanong nasabik para sa laban niya kahapon kasi nitong mga huli parang hindi naman gaanong maaksyon ang mga laban. Para bang mga pitikan lang ang nangyayari. Tapos parating si Manny ang panalo. Maliban noong tag-araw ng taon na ito kung saan nakalaban niya si Timothy Bradley, kung saan natalo si Manny. Para bang ang pakiramdam ko sa mga huling laban ni Manny ay itinanghal o isinagawa lang para kumita ng pera mula sa mga manonood. Para bang hindi totoo ang mga labanan. Dahil hindi ako nasabik manood sa laban ni Manny kontra kay Juan Manuel Marquez sa ikaapat na pagkakataon, gumawa kami ng lakad. Habang nasa sasakyan, nakasubaybay din naman kami sa radyo para sa mga kaganapan sa laban. Bago kami makarating sa aming patutunguhan, narinig namin na tumumba si Manny. Medyo nagulat ako kasi parang pangalwang round pa lang iyon. Halos hindi rin ako makapaniwala. Hindi pa rin kami nanood sa telebisyon nang makarating kami sa aming pinuntahan. Maya-maya ay ibinalita ng isang myembro ng bahay na bumagsak daw si Manny at nawalan ng malay na katulad nang nangyari noon kay Ricky Hatton (halos wala atang Pilipinong makalimot sa sinapit ni Hatton sa laban nila ni Manny noon). Isa pang nakakagulat sa ibinalita niya ay ika-anim na round pa lang nung tumumba at mawalan ng malay si Manny. Hindi na ako nakatiis sa puntong ito, pumunta ako sa telebisyon at nanood sa GMA7 kung saan medyo nahuhuli ang pagpapalabas ng laban. Naabutan ko ang katapusan ng ikatlong round kung saan unang napaupo si Manny sa labang ito. Napanood ko pa ang ika-apat at ikalimang round. Dahil alam ko na ang mangyayari, sabik ko nang makita ang ika-anim na round. Hindi pa rin ako makapaniwala sa balitang natanggap ko, baka kako pinagtsismisan nang maigi sa internet ang labang ito (sa internet daw kasi nabalitaan). Hindi pa rin ako makapaniwala, kasi sa ikalamang round ay kita kong nakakalamang si Manny kung puntos ang pag-uusapan. Dumating na ang ika-anim na round, pareho silang maliksing lumalaban. Nag-aabang ako ng sinyales ng pagtumba, pero wala akong nakikita at nadaramang sinyales na may matutumba sa round na ito. Isang minuto na lang, maliksi pa ring naglalaban ang dalawa. Sa loob ko, baka naman hindi totoo yung nabalitaan namin, konti na lang at matatapos na itong round pero pantay at mukha talagang walang nakakalamang sa suntukang ito. Tatlumpung segundo na lang, pantay pa rin ang suntukan sa paningin ko. Sampung segundo na lang, sabi ko "wala namang matutumba dito." Sobrang nagulat ako dahil walang anu-ano'y bumagsak si Manny paharap! Akala ko babangon siya agad, pero hindi! Ilang segundo pa siyang nakadapa lamang at hindi gumagalaw! Iniisip kong nang-"gu-good time" lamang siya, o di kaya'y namamahinga kasi napagod siya. Pero maya-maya'y nadama ko na talagang wala siyang malay. Banda huli ay nagising at nakausap din naman siya, napanatag ako sa puntong iyon. Sobrang nag-alala ako nang hindi siya bumangon agad, kasi talagang mapanganib ang ganoon na merong ibang na-comatose sa pagtanggap ng ganung suntok o di kaya'y nagkakaroon ng permanenteng pinsala sa utak. nais kong panoorin ang replay ng laban na ito. Sana'y maging maayos lang si Manny..
No comments:
Post a Comment