Monday, March 4, 2013

Camel Crush

Bago ako naging nanay at asawa, isa akong "yosi girl."  Nang mabuntis ako, natigil ang paninigarilyo ko.  Emosyonal akong matatawag noong buntis ako.  Inintindi ako ng asawa ko dahil sabi nga nila ay nagiging mas emosyonal daw ang mga babae kapag buntis.  Pagkapanganak ko, hanggang ngayon ay emosyonal pa rin ako.  Iniisip ko na kaya siguro ganoon ay dahil biglang nagbago ang pamumuhay ko.  Nagkaroon ako ng dagdag na responsibilidad dahil naging ina at asawa ako, mas marami akong inintindi at inisip kaysa noong dalaga at nag-iisa pa ako.  Madalas ako umiiyak, minsan kahit maliit na bagay lang ay naiiyak ako.  Kapag malinaw ang isip ko, napapagtanto ko na inilalabas ko ang nararamdaman ko sa pamamagitan ng pag-iyak.  Kinukumpara ko noong dalaga pa ako, mas madalas talaga ako maiyak at magalit ngayon.  Minsan kapag naiyak na ako sa sobrang galit, gusto ko pala magyosi.
Nitong huling nagalit nga ako ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapag-isa at nakaalis ako ng bahay.  Dahil wala akong kasama, naisip kong bumili ng yosi.  Pagkatapos kong magyosi ay mas lumuwag ang pakiramdam ko.  Nagkaroon ako ng pakiramdam na "guilt" dahil pakiramdam ko ay trinaydor ko ang anak ko.  Pagkatapos nito ay umuwi ang asawa ko galing Estados Unidos at may dala siya nitong Camel Crush.  Doon niya ito nabili.  Namangha ako dun sa "click" nito, kung saan may pinipisil o kinakagat sa filter nito at kapag lumagitik o nabasag na yung kini-click na iyon sa loob ng filter ay nagiging menthol na ito.  Bumili rin siya ng Dunhill na may ganun.  Sinubukan ko iyon at totoo nga, nagiging menthol ang hindi menthol na sigarilyo.  Hindi ko akalain na may malilinang na ganitong teknolohiya sa sigarilyo, ang galing.

No comments:

Post a Comment