Monday, January 7, 2013

Tanawin: Enchanted Kingdom

Una akong nakapunta sa Enchanted Kingdom noong 1996.  Parang mga 450 piso ang bayad sa "ride-all-you-can" na tiket nila.  Halos lahat naman ng rides nung punta kong iyon ay nasakyan ko.  Noon ang pakiramdam ko habang nasa loob ng pasyalang ito ay para bang wala ako sa Pilipinas. 
Ilang beses din akong nakabalik doon kasama ang mga kaibigan at kamag-anak.  Ang huling punta ko doon ay noong...naku, di ko na maalala.  Parang bandang 1999, 2000, 2001 o 2002.  Naalala ko na nakumpara ko ang kapit ng - naku pasensya na pero di ko maalala kung ano eksaktong tawag doon sa parang seat belt ng Space Shuttle -- yung ibinababa at nagsisilbing hawakan na para bang nakakapit sa katawan habang nakasakay.  Naramdaman ko kasi na parang maluwag na iyon kumpara sa kapit non noong 1996 na para bang mahigpit na mahigpit.
Ngayong Disyembre 2013 ay nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta uli sa Enchanted Kingdom kasama ang aking pamilya.  Ang kinuha naming tiket ay yung tig-150 piso na hindi "ride-all-you-can" pero makakasakay din nang paulit-ulit sa Grand Carousel at sa mga sasakyan sa Boulderville.  Sa halaga ding ito ay pwede kang magpaikot-ikot sa buong parke o pasyalan.  Merong ilang rides na pwedeng bayaran ng 50 piso sa loob ng pasyalan.  Hindi pwedeng magdala ng pagkain sa loob pero marami namang pwedeng mabiling pagkain doon. 
Hindi namin kinuha yung tiket na "ride-all-you-can" kasi di namin sigurado kung masusulit iyon ng 4-na-taong-gulang naming anak.  Pero sa mga nasakyan namin sa tig-150 piso ay masayang-masaya na siya.  Merong palaruan na mala-McDonald's Play Place o Jollibee Kiddie Land na pwede nyang paglaruan hanggang sa magsawa siya.  Sa totoo lang sa mga tanawing nakikita niya ay natutuwa na siya.  Kaya ayos na ayos din ang nabili naming tig-150 piso na tiket.
Parang gusto ko ngang bumalik doon kasi halos 2 oras lang kami nandoon.  Tsaka hindi naman pala gaanong masakit sa bulsa ang tiket para makapamasyal at matuwa ang anak namin doon.
Natuwa ang asawa ko sa mabilis na serbisyo sa pagbebenta ng tiket (pumila kami nang mahaba sa pagpasok), lalo na sa pagtanggap nila ng credit card.  Mabilis din ang pagproseso nila ng Senior Citizen Discount (yung 150 piso na tiket, naging 108 piso na lamang sa Senior Citizen).  Yung kasama naming estudyante, hindi nabigyan ng diskwento (kasi siguro sa mas mahal na klase ng tiket lamang pwedeng gamitin ang diskwento ng estudyante).
Noon parang ang pakiramdam ko ay ang laki-laki ng pasyalang ito, pero ngayon ay naikot namin ang buong parke sa mahigit isang oras at para bang nasabi ko sa sarili ko "yun na yun?  buong park na yun?"  Yung nanay ko naman na nakapunta na ng Hong Kong Disneyland ay naliitan na din sa Enchanted Kingdom.  Sabi niya, ang luwag daw sa Hong Kong Disneyland, di gaya dito na ang lalapit ng pagitan  ng mga sasakyan at atraksyon.
Siguro isa pang dahilan kaya nalibot namin ang buong parke sa maikling oras ay dahil hindi naman kami pumila sa maraming sakayan.  Kasi kung naka-"ride-all-you-can" na tiket kami ay kokonsumo din kami ng oras sa pagpila at pagsakay sa halip na makapag-lakad-lakad at malibot ang buong parke.
Noong araw na nagpunta kami ay 600 piso ang "ride-all-you-can" na tiket.  Ang mga bata na mula 31 hanggang 47 inches ang taas ay 320 piso ang kanilang "ride-all-you-can" (may ilang ride o sakayan na hindi sila pwede o kailangang may kasama silang matanda).   Ang mga sanggol na karga ay walang bayad.  Kapag kaarawan mo at nakapagpakita ka ng ID o kahit anong patunay na kaarawan mo ng araw na iyon ay wala kang bayad at ang sampung kasama mo ay may 10% na diskwento.








No comments:

Post a Comment