Friday, November 30, 2012

2go's St. Ignatius of Loyola

Naisulat ko na minsan dito na sabik na akong makabalik ng Boracay at makasakay ng isang barko.  nabanggit ko rin na merong bumabyaheng barko ang 2go papuntang Caticlan na nanggagaling sa daungan ng Batangas.
Sa wakas natupad din ito!  Nakasakay kami sa kanilang St. Ignatius of Loyola.  Pasado alas-8 ng gabi kami nakaakyat at nakapwesto sa loob ng barko.  Ang binili naming tiket ay yung pinakamura at ang lugar nito sa barko ay sa banda taas at may malalaking bintana sa magkabilang gilid.  Mga double-deck na higaan ang nandito sa halip na mga upuan.  Maraming telebisyon na nakapaligid kaya't di kami nakalampas sa mga balita at mga pinapanood naming palabas sa gabi.  Walang air con sa lugar na ito.  Alas-9 ng gabi umandar ang barkong ito.  Ni hindi ko naramdaman na umuusad na pala kami.
Bago kami sumakay sa barko ay wala akong ideya kung gaano nga ba ka-galaw sumakay ng barko.  Sabi kasi noon ng nanay ko, parang wala lang daw noong sumakay sila ng Superferry noong dekada 90.  Naisip ko baka mas magalaw itong sasakyan namin kasi mas maliit ata ito kumpara sa Superferry.  Iminungkahi na rin ng asawa ko na uminom kami ng Bonamine bago bumyahe para sigurado.  Maayos naman kasi chewable ito at hindi masama ang lasa.  Mainam yun dahil napakain namin iyon ng walang problema sa 4-na-taong-gulang kong anak.
Hindi ako nakatulog agad dahil first time kong sumakay nga ng barko noon at medyo kinabahan ako noon ng kaunti.  Siguro talagang normal lang iyon para sa mga bagay na first time mong gagawin.  Inalala ko noong unang beses din akong sumakay ng eroplano, meron din akong kaunting kaba noon, tapos may pagkakataon pa na nararamdaman din ang paggewang o yung parang bahagyang nahuhulog ang eroplano.  Isa pang dahilan na hindi ako nakatulog agad ay dahil pinapawisan nang kaunti ang anak ko maya't maya.  Ayokong makatulog na pinapawis siya kasi baka malamigan ang kanyang likuran.  Nakatulog din ako nang diretso mula pasado ala-1 ng umaga hanggang alas-4 ng umaga.
Paggising ko ng alas-4 ng umaga ay may ilan na ding gising na pasahero (yung ibang nakita ko na nauna pa sa aking nakatulog).  Yung mga kasama ko ay tulog pa rin (nakatulog sila mga alas-10 ng gabi).  Meron pa rin akong kaunting kaba nang oras na iyon pero mas lamang yung pananabik na malapit na kaming dumating sa paroroonan.  Nagising na rin ang mga kasama ko bago mag-alas-5 ng umaga.  Nung oras na iyon ay may umiikot na kawani ng barko na naglalako ng mainit na tubig, kape, cup noodles, at pulbos na tsokolate.  May dala kaming sariling papel na baso na pwedeng timplahan ng kape, pati kape at cup noodles may dala rin kami.  Nakabili kami ng mainit na tubig sa halagang 5 piso isang salin.
Maya-maya pa'y lumiwanag na at  may nakikita na kaming malapit na isla.  Naisip namin na malamang iyon na ang paroroonan dahil ang tantiyang oras ng pagdating namin, ayon sa tiket, ay alas-6 ng umaga.  Di nagtagal ay naramdaman naming umti-unti kaming bumagal hanggang sa naging halos di na kami umuusad.  Nang inusisa ng asawa ko sa bintana, nagtaka siya kung bakit kami'y nakatigil sa kalagitnaan ng dagat.  Nalaman din namin na kaya pala ganon ay dahil may naka-daong pa sa aming dadaungan sa Caticlan.  Iisa lang pala ang pwedeng daungan ng mga medyo malalaking sasakyang pandagat na kagaya ng sinakyan namin doon sa Caticlan.
Tuluyan din kaming nakadaong ng pasado alas-7 ng umaga.  Sabay naming binili ang tiket naming papunta at pabalik, at ang schedule ng alis ng barko sa aming pagbalik ay alas-8 ng umaga pagkatapos ng 3 gabi mula nang kami'y dumating sa Caticlan.
Sa aming pagbalik, pasado alas-8 na rin nang kami'y makasakay.  Noong papunta pa lang kaming Caticlan, iniisip ko nang mag-abang ng dolphins sa byahe naming pabalik ng Batangas kasi maliwanag at buong araw ang byahe namin.  Pero pagsakay namin, hindi pa man nakakaandar ang barko ay gusto ko nang matulog sa sobrang antok.  Palagay ko tuluyan nang nawala ang kaba ko, di gaya noong unang sakay ko noong papunta pa lang kaming Caticlan.
Nasa Tourist Class kami pabalik dahil ito ang naisip naming bilhing tiket.  Itong Tourist Class nila ay sa ibaba noong una naming pwesto (noong papunta pa lang kaming Caticlan) at mga double-deck na higaan din ang mga nakalagay dito.  Air con ang lugar na ito at meron din namang mga bintana pero maliliit at madalang lang.  Naisip namin ito dahil maghapon ang byahe namin at naisip namin na baka mainit ang byahe kapag ganon.  Isa pang dahilan ay para maranasan namin ang magkaibang lugar na ito.
Inaantok talaga ako pagsakay pa lang pero pinilit ko pa ring huwag matulog at mag-abang ng dolphins sa pagtingin sa bintana (nakakuha kami ng pwesto na may katabing bintana).  Nakatulog ang anak namin (masarap ang tulog niya at hindi mainit).  Nagising din naman siya tamang-tama sa oras ng tanghalian.
Pumunta kami sa kainan ng barko kung saan may nabibiling pagkain.  Ang bili namin sa 1 tasang kanin, 1 side dish (buttered vegetables/corn, carrot, green peas, 1 ulam, at 1 inumin (1 set meal ang tawag nila dito) ay 115 piso. Naging maayos naman ang pagkain namin.
Pagkatapos ng tanghalian ay hindi ko na kinaya ang antok.  Sa  totoo lang ay masakit na nga ang ulo ko sa antok.  Nagising ako mga alas-3:30 ng hapon.  Nakita ko ang sarap pa ng tulog ng mag-ama ko.  Naisip kong magkape (may dala kaming sariling baso at 3-in-1 na kape) para mawala ang sakit ng ulo ko.  Tsaka nagising ata ako sa sobrang ginaw (nakalimutan kong gamitin ang kumot na pagamit ng barko kung kasama ito sa binayaran sa tiket).
Lumabas ako sa "lobby" kung saan may tindahan.  Nakabili ako ng mainit na tubig para sa aking kape sa halagang 5 piso.  Ininom ko ang kape habang nakaupo sa "lobby" kung saan kabi-kabila din ang telebisyon.  Hindi talaga ako nainip.  Nang maubos ko ang kape ay natakam ako sa cup noodles na kinakain ng ilang pasaherong nakaupo din habang umiinom ako ng aking kape.  Bumalik ako sa pwesto namin at naisip kong kainin ang dala naming cup noodles at sa pagkakataong ito ay gusto ko na sanang makasama ang mag-ama ko.  Pero pagbalik ko ay masarap pa rin ang tulog nila.  Sinabi ko sa asawa ko na nagkape na ako, pero bumalik uli siya sa pagtulog.  Hihintayin ko na lang sana silang gumising, pero hindi ko kayang tagalan ang lamig ng air con sa pwesto naming iyon.  Bumalik ako sa "lobby" at pinabuhusan ko ng mainit na tubig ang cup noodles ko (sa totoo lang bowl noodles ata dapat ang tawag doon dahil mas malaki talaga iyon sa karaniwang cup noodles) at 5 piso pa rin ang bayad sa mainit na tubig na iyon.  Ipagpapatuloy ko ang aking kwento sa susunod kong post/paskil.

Thursday, November 29, 2012

Bubble Gum with Tattoo

Di ko na maalala kung saang kasiyahan namin nakuha ang isang "loot bag" na nasa ref namin.  Nakita ito ng apat-na-taong-gulang kong anak at nakiusap sa akin na bigyan ko siya ng kahit isa sa mga laman ng loot bag na iyon.  Ito ang pinakauna kong nakuha, at na-cute-an ako (o na-miss ko lang ang mga ganitong nakikita ko noong bata pa ako).
Pagbukas sa loob meron ngang kapirasong papel na may panuto kung paano ilagay sa balat ang tattoo.
Sa kasamaang palad, hindi tumalab agad sa balat ng anak ko ang tattoo.  Naisip ko baka dahil ang tagal na nitong nakaimbak sa ref, baka nawala na ang bisa.
Sinubukan kong idikit sa balat ko ang tattoo at pinabayaan ko lang ito.  Pagkalipas ng mga 10 minuto ay tinanggal ito ng anak ko mula sa pagkakadikit sa balat ko.  May naiwang kaunting tattoo sa balat ko, pero hindi pa rin ito buong kumapit.

Wednesday, November 28, 2012

Burger na Inipit

Nakabili kami ng Kyowa Burger and Pancake Maker sa halagang mahigit 500 piso.  Naakit ako dito kasi naisip kong hindi na kailangang magpakahirap magbaliktad ng pinipritong pancake kapag gumamit nito.  Ngayon ay napakikinabangan kong ito nang mabuti dahil iniipit ko dito itong mga hamburger buns na may kung anu-anong palaman - peanut butter, hamburger, ham at keso, at iba pa.  Mas natatakam ang pamilya ko kapag iniipi ko nang ganito ang mga tinapay namin (kahit tasty bread naiipit ko dito).

Tuesday, November 27, 2012

Mister Donut Halloween Treats

Binili namin ito isang beses noong bago mag-undas para ipasalubong sa mga bata sa bahay.
Na-cute-tan na naman ako, kaya kinuhanan ko ng litrato.
Tuwang-tuwa naman ang mga bata sa pasalubong na ito.  Di ko na maalala eksakto, pero mga tipong 95 piso ang bili ko dito.

Monday, November 26, 2012

Slush It! - Tea-rrific

Mahilig kami sa mga malalamig na inumin, lalo na ang asawa ko.  Isang beses sinubukan namin itong Green Tea ng Tea-rrific at habang ginagawa iyon ay napansin talaga ng mata ko ang salitang FREE.  Nang binasa ko ang kabuuan, ang sabi ay "Slush It for FREE" kaya kahit hindi ko masyadong alam kung ano kalalabasan non, sinabi ko na rin sa gumagawa na gawin niya iyon (tutal libre naman eh).  Dinagdagan pala iyon ng durog na yelo at konting gatas (kaya yata pumuti).  Ayos naman para sa akin, sa asawa ko, hindi siya natuwa sa pagkakaluto ng sago - hindi raw gaanong makunat o chewy.

Sunday, November 25, 2012

Breaking Dawn Treat - Swirls Ice Cream

Akala ko pa naman sasaya na kami sa halagang 49 piso nyang araw na napagpasyahan naming subukan ang Breaking Dawn Treat Eclipse Special Edition ng Swirls Ice Cream.  Hindi ito nangyari dahil wala na ang sukat na para sa 49 piso.  Ang meron na lang ay yung pag-65 piso.  Sumaya naman kami kasi ang sarap talaga nito, pero 65 piso ang binayaran namin para dito.  Pero sulit naman, malaman at masarap talaga.  Halos kagaya din ito nung una naming sinubukan kasi kape din ang pinaka-nagingibabaw na lasa dito.  Tapos ganun din kasarap yung timpla ng tamis, kape at Coffee-mate.  Sabi ko sa nagsisilbi baliktarin niya uli yung baso pagbigay samin, ala-Dairy Queen.  Pero tumanggi siya kasi baka daw mahulog yung mga kasuy sa ibabaw :D

Saturday, November 24, 2012

Chicken Cacciatore - Middle Eats Bistro

Tinanong ko sa nagsisilbi kung ano bang pwede naming kainin na pwede na naming pagsaluhang mag-anak.  Ang inirekomenda niya ay itong Chicken Cacciatore. 
Masarap siya pero parang hinahanap ko ang tamis, pero hindi naman dapat.  Talagang lumabas yung natural na asim ng kamatis, rich din ang paglalarawan ko sa sarsa nito.  Tapos yang malaking pula sa plato, isang pyesa ng manok yan na balot na balot sa sarsa.

Friday, November 23, 2012

Cold Drinks - Middle Eats Bistro

Ang kinuha naming inumin ay ang kanilang Fruit Lassi.  Mangga ang napili naming prutas at grabeh, ang sarap nito, ang rich!!  Yung Maltese Brewed Iced Tea, masarap din.  Hindi siya lasang instant o pulbos na tinitimpla.  Lasa siyang totoong tsaa na pinalamig, tapos ang galing ng pagkakatimpla nila ng tamis at lemon.

Thursday, November 22, 2012

Mezze Platter - Middle Eats Bistro

 Wala kaming planong kumain dito, napadaan lang talaga kami at nagkataon na may bakanteng paradahan kaya napagpasyahan namin na bumaba ng sasakyan at pumasok sa Middle Eats Bistro kung saan nakalagay sa harap nilang karatola na ang pagkain nila ay Mediterranean.   

Naisip ko kasi parang sa TV lang ako nakakakita ng Mediterranean na pagkain kaya medyo nasabik ako dito.  Syempre kalahati ng isip at damdamin ko ay negatibo dahil gastos na naman ito :D Pero mabibili ba ng pera ang halaga ng karanasan at ang madadagdag na kaalaman sa karanasang ito? ;)

Namangha kami pagpasok kasi maaliwalas at maganda ang mga muebles.  Hindi masyadong malaki pero walang amoy (minsan kasi pag maliit yung lugar, naiiwan at naiipit sa loob ang amoy ng pagkain).  Meron din silang hooka na pwedeng gamitin sa halagang 120 piso.  Inirekomenda sa amin ng nagsisilbi itong Mezze Platter nila kasi sabi namin medyo busog pa kami.
Humanga ako sa pagkaka-presenta ng pagkain sa amin, ang linis tingnan at yung pita bread na nakabalot sa tela, pagbukas ko, umuusok sila!  Ang sarap, ang sari-sariwa!  Yang mga kasalo, lahat masarap.  Yung puting-puti, yan yung Tzatziki - maasim-asim na ma-sibuyas ang lasa.  Yung katabi nyan, yan yung Baba Ganoush - sa aking sariling paglalarawan, malapit siya sa lasa ng kulawo.  Para siyang nilutong talong na may lasa ng usok at ma-sibuyas din sa panlasa ko.  Yung manilaw-nilaw ay yung Hummus - para siyang makeso (cheesy) na ma-bawang ang lasa.  Yung nasa taas ay mga hiniwang pipino, kamatis at bawang.  Tingin ko ang silbi nun ay para ma-refresh ang dila kapag masyado nang natapangan sa lasa nung tatlong kasalo.  Yung may takip naman ay chili oil, hindi namin nagamit iyon.
Tumatanggap sila ng credit card na pambayad dito.  Ang presyo nitong Mezze Platter na ito ay 188 piso.  May mga natira kami nitong mga kasalo (inubos namin ang pita bread kasi akala ko hindi pwedeng iuwi) at ibinalot ang mga ito para maiuwi namin.  Kinabukasan, kinain namin yung mga kasalong yan kasama ng Sky Flakes Crackers - pasok din, ang sarap!



Wednesday, November 21, 2012

Spanish Style Sardines Spaghetti

Ilang beses na din namin ginawa ito at masasabi kong simple lang gawin ito.  Iginisa lang namin ang spanish style sardines (bawang, sibuyas) at ihinalo lang namin ang luto nang spaghetti noodles.  Dito sa larawan, makikitang binudburan namin ito ng spring onions (yung maliliit na kulay berde).  Hindi naman talaga iyon kailangan, binudbod lang namin dahil marami kaming sobra mula sa dati naming niluto.  Ang asawa ko ang nagluto at nag-plate nitong nasa larawan na ito.  Mainam ito sa mga taong mahilig sa maanghang.

Tuesday, November 20, 2012

Back From A Loooong Break!

Kung mapapansin, ang tagal kong hindi nakapagsulat/nakapagpaskil dito.  Nagkaroon kasi ng isang mahalagang kaganapan sa aming pamilya at naging abala ako dito.  Sana sa pagbabalik kong ito ay makapagtuloy-tuloy na ako at makapagbigay o makapagbahagi pa ng mas marami pang kaalaman at karanasan.
Nakita ko itong Pure & Best Milk na ito sa supermarket.  Nakuha nito ang atensyon ko kasi mga imported na gatas lang ang alam kong naka-karton ng ganito.  Naalala ko ang isang eksena sa pelikulang GROWN-UPS kung saan nang-agaw ng ganitong karton ng gatas ang isa sa mga bida para ipakita sa apat-na-taong-gulang niyang anak na ayos lang uminom mula sa karton.  Kinuha ko ito at nabili sa halagang 27 piso.  Kinabukasan ko na binuksan ito, at dun ko lang nabasa na sa Calauan pala ito ginawa!  Ang mga baka daw na pinanggalingan ng gatas ay galing daw sa Australia at New Zealand.  Sa lasa naman, masarap siya.  Hindi gaanong matapang ang lasa ng melon, hindi gaya ng sa Magnolia.  Hindi rin gaanong matamis, at iyon ang mas gusto ko sa gatas.  Nakakabilib na dito lang ito galing sa atin sa Pilipinas.