Tuesday, July 31, 2012

Halo-halo: Isdaan

Ang una kong napuntahang Isdaan noong 2007 ay yung nasa Gerona, Tarlac.  Pero itong pinuntahan namin noong Marso 2012 ay yung Isdaan sa Calauan, Laguna.  Ikalawang punta na anmin ito ng pamilya ko dahil ang una ay noong Pebrero.  Hapon na nang magpunta kami, kaya naisip namin na magaan lang ang orderin.
Kaya eto ang napili namin: Halo-halo.  Hindi naman nalalayo ang lasa nito sa ibang halo-halo.  Pero ang kinukunan talaga namin ng larawan dito ay yung kanyang presentation.  Hindi ko ata makikita sa ibang lugar ang ganitong klase ng paghain/paggayak ng halo-halo.  Buti na lang ngayon madali nang nakakakuha ng litrato, kasi kahit ang cellphone may camera.  Nanghihinayang kasi akong kainin yung nga pagkaing may magandang gayak kasi ayokong masira yung disenyo nila.  Pero pag nakunan na sila ng litrato, at least mababalik-balikan ko yung nakita kong itsura niya bago ko siya sinira at kinain.
Hindi ko alam kung may katumbas o bersyon ang halo-halo sa ibang bansa.  Hindi ko alam kung maituturing bang orihinal na pagkaing Pinoy ang halo-halo.  Nakakamangha na kapag tag-init, hindi pwedeng hindi ako makakakita ng nagbebenta ng halo-halo sa tabi-tabi.  Siguro kung mapupunta ako sa ibang bansa at subukan kong gumawa nito, hindi pa rin ako sasaya.  Para sakin, mas masayang kumain ng halo-halo sa Pilipinas.
 

Monday, July 30, 2012

Dessert: Mang Inasal

Ang kinuha namin ay ang kanilang Halo-halo at Turon Split.  Di ko na maalala kung tig-magkano sila, pero ang binayaran namin para sa isang halo-halo at isang Turon Split ay 88 piso.  Natuwa ako kasi yung Turon Split ay parang Pinoy version ng banana split.  Turon yung nasa dalawang tabi ng tsokolate at ube ice cream.  Nabitin ako kasi ang payat naman nung mga turon!  Pero masarap sila pareho.

Sunday, July 29, 2012

Peach Latte

Minsan noong Disyembre 2010, naisip naming mag-kape kasi malamig ang panahon.  Buti na lang bukas na yung Figaro doon sa amin noon.  Pwede naman kaming magkape sa bahay, pero gusto lang din namin lumabas.  Medyo makati din kasi ang paa namin eh :D
Pag-order namin, inalok kami ng serbidora ng peach latte.  Bago daw kasi nila yun, tsaka parang seasonal lang yun noon.  Nung hinihintay namin yung order, di ko ma-imagine kung ano ang lasa ng prutas na ihinalo sa kape.  Nakakagulat kasi ang sarap niya!  Hint lang naman yung peach para sa akin, pero ayos yun kasi kala ko di ko na malalasahan yung kape.  Nalaman ko sa sarili ko na kahit ano pa ang i-flavor nila, ang mahalaga mangingibabaw pa rin yung lasa ng kape (at least para sa akin).
Yung isa pang kinuha namin ay macchiato ata.  Ayos lang, di naman ganun ka-pambihira (di gaya nung una akong makatikim ng Starbucks noong 1999, sabi ko "sh*t, ito ang kape!").  Pero hanga ako sa disenyong ginawa nila sa bula (froth).  Alam ko parang napakakaraniwan na ng mga nagdidisenyong ganyan sa kape, pero hanga pa rin ako kasi hindi ko kayang gawin yan pag nagtitimpla ako ng kape sa umaga.

 

Saturday, July 28, 2012

Sonya's Garden

Napanood o narinig ko na dati na pinag-usapan sa TV ang Sonya's Garden.  Hindi na ito sakop ng Tagaytay, pero malapit na ito sa hangganan ng susunod na bayan (di ko maalala kung Mendez ba yun o Alfonso, Cavite).  Hindi kami kumain dito, pero bumili kami sa panaderya nila.  Sobrang adik ako sa cheese hopia nila!
Yung mga larawan dito, kinuha ko kasi ang ganda nila!  Tapos yung isang bulaklak dito na kulay asul, hindi ako makapaniwala na kulay asul siya!  Minsan napapangiti na lang ako sa langit dahil sa paghanga sa kagandahan ng mga nilikhang ito ng Diyos.

Friday, July 27, 2012

Shangri-La Chocolate

Sa trabaho ng asawa ko, nagkakaroon sila ng bisitang galing Estados Unidos para usisain ang kanilang opisina.  Nagtatagal sila dito ng ilang linggo.  Sa hotel sila umuuwi kapag nandito sila.
Minsan ay iniuwi ito ng asawa ko, binigay daw yan ng bisita nila bago umuwe pabalik ng Amerika.  Akala ko dala-dala niya iyon galing Amerika.  Matagal-tagal din bago ko napansin na galing pala iyon sa hotel, nakasulat sa likod ng pabalat.  Naisip ko, siguro wala nang panahon na pumunta pa sa mall o iba pang pamilihan yung bisita na yun kaya dun na lang siya sa hotel bumili.  Nakakatuwa talaga ang mga hotel ano, parang lahat ng kailangan mo naibibigay nila.
Masarap tong tsokolate.  Talagang nalalasahan yung alak at mint.  Naku-curious tuloy ako kung saan nila pinapagawa ito.  Nakalagay din homemade, hindi nga kaya isang commercial factory ang gumawa nito at sa bahay lang talaga ginawa, o yung timpla lang niya ang "homemade?"


Thursday, July 26, 2012

New Moon Chocolate

Isa uli ito sa mga uwi ng asawa ko galing Estados Unidos.  Gaya ng nabanggit ko na, hangga't maaari ay kinukuhanan ko ng larawan ang mga nasusubukan ko.  First time ko yatang makakakain ng tsokolateng galing sa isang pelikula.  Ano kayang lasa nito, parang dugo na sinisipsip ng bampira mula sa tao???
Sa totoo lang, hindi ko inakalang napakatamis ng tsokolateng ito.  Sa pabalat kasi, parang ang pakiramdam ko baka lasang dugo o atay ang tsokolateng ito.

Wednesday, July 25, 2012

Kakaibang Bulaklak

Nasabi kong kakaibang bulaklak kasi ngayon lang ata ako nakakita ng ganito kabusising bulaklak.  Sa tingin ko kasi napakasalimuot ng mga detalye nito, at ngayon ko lang nakitaan ng bulaklak ang halamang ito.  Bata pa lang ako nakikita ko na ang halamang ito, pero di ko akalaing may kakayahan pala itong mamulaklak. 
Wala itong amoy.  Hindi ko rin alam kung ano ang tawag sa halamang ito.  Meron akong interes sa halaman, pero maliit lang.  Mas malaki ang interes ko sa mga hayop gaya ng aso o pusa. 
Di ko mapigilang humanga sa ganda ng kalikasan kapag nakakakita ako ng mga kakaibang umuusbong dito.
 

Tuesday, July 24, 2012

Gummy Watch

Isa rin ito sa mga naiuwi ng asawa ko galing Estados Unidos.  Nagustuhan ko ito kasi hindi lasang gamot (yung iba kasing gummy candies na nasubukan ko, parang lasang gamot).  Tsaka natuwa talaga ako sa itsura niya, kuha niya ang ilang detalye ng isang tunay na relos.  Kahit 31 taong gulang na ako, madalas para pa rin akong bata.
Sobrang tuwa ko sa itsura nito, nanghihinayang akong kainin ito kasi ayoko itong masira.  Pero masisira/mapapanis din naman ito kung hindi kakainin!

Monday, July 23, 2012

Pringles Lemon & Sesame

Hindi ko akalain na magkakaroon ng ganitong flavor ang Pringles.  Nakita ko ito noong 2010, at na-curious ako kung ano ang lasa ng lemon & sesame flavor sa Pringles.  Sa totoo lang nangingibabaw pa rin naman ang lasa ng potato chips niya, at parang hint lang ang lemon & sesame.  Magaling ang pagkakagawa kasi kahit hint lang, dama ko yung lemon at linga.  Nakakatuwang alalahanin na minsan sa buhay ko ay nakasubok ako nito.  Narinig ko nga sa isang patalastas, "para lumawak ang karanasan, lahat ay subukan."

Sunday, July 22, 2012

Hannah Montana Toiletries

Noong napanood ko ang Hannah Montana the Movie sa telebisyon, nagustuhan ko na ang karakter niya.  Simula noon, inaabangan ko na ang palabas na ito sa Disney Channel.  Minsan napadaan kami sa isa sa mga tindahan ng mga imported goods sa Market! Market!, nakita ko itong Hannah Montana na produktong ito.  Natuwa talaga ako.  Gusto ko siyang bilhin, pero naisip kong ipambili na lang ng kung anumang para sa pamilya ang pera kaysa ipambili ko dito.  Ayos na rin sa akin, at least nakunan ko ito ng larawan.

Saturday, July 21, 2012

Damo

Noong Pebrero 2011, 2 taong gulang pa lang ang anak ko.  Sa hapon, madalas naglalaro sila ng mga pinsan niya sa labas ng aming bahay.  Katatapos lang noon ng Araw ng mga Puso, habang naglalaro sila, tumakbo siya sa akin at iniabot itong mga nasa larawan na kinuhanan ko, sabay sabing "happy valentine's day, Mommy!"  Naantig ang damdamin ko.  Hindi ko sigurado kung naisip niya lang mag-isa yun, o tinuruan siya ng pinsan niya.  Kahit ano pa dun, nakakatuwa pa rin na nagagawa iyan ng 2 taong gulang na bata.  Kahit damo lang yang binibigay niya.  It's the thought that counts nga eh.
Yung dahon nga pala dito sa larawan ay lemongrass, nalilito ako kung salay o tanglad ba iyon sa salitang Filipino.

Friday, July 20, 2012

Gardenia Cream Roll

Bentang-benta sa pamilya ko itong Gardenia Cream Roll.  Minsan sa mga supermarket may iba-iba silang promo araw-araw.  Minsan may buy 1 take 1 ng tasty bread nila.  Minsan naman mga naka-bundle yung tasty nila sa kung anong tinapay nila na may flavor.  Ito yung isa naming natyempuhan - limang iba-ibang klaseng Cream Roll sa halagang 50 piso. 
Nung una ko itong nakita, siguro mga 4 na taon nang nakakaraan, medyo naalangan ako kasi ang palaman ng tinapay ay cream na matamis.  Sanay kasi ako na medyo maalat gaya ng keso, mantikilya, karne..kung sa bagay yung coco jam nga at kondensada matatamis din naman.  Pero cream?  Parang sa cake ko lang naiisip na bagay ang ganun.  Parang yung ice cream na ipinapalaman sa tinapay ng hamburger, naalangan din ako noon nung di pa ako nakasubok.
Pinag-isipan ko ding mabuti kung kukunin ko nga itong pakete ng promo na ito.  Banda huli, kinuha ko na rin kasi kung 50 piso lang ito, lumalabas parang 10 piso lang yung isang Cream Roll.  Sa tingin ko nakamura na ako, kasi mahigit 10 piso ang halaga ng isa kung bibilhin yun ng hiwa-hiwalay.

Thursday, July 19, 2012

Dessert: PatisTito Garden Cafe

Para kumpleto, sumubok kami ng dessert.  Ito ang kanilang Turon con Latik.  Noong bata pa ako, mas madalas kong naririnig ang salitang sagimis kaysa sa salitang turon, pero ang alam ko pareho lang sila - saging na saba na binalot sa asukal at lumpia wrapper saka ipinrito.
Ganun din naman ang turon nitong Turon con Latik, piniritong saging na nakabalot sa lumpia wrapper.  Pero ito, may sarsang latik.  Naalala ko noon, natutunan ko ang salitang latik sa tatay kong Bicolano.  Gumagawa kasi sila noon ng nanay ko ng sinukmani para sa araw ng mga patay.  Tapos nakita ko yung gata, hinahalo niya nang hinahalo sa kawali, tapos naging butil-butil siya na kulay brown.  Yung buo-buo na yun na kulay brown, yun na daw yung latik, at ibinudbod yun sa ibabaw ng sinukmani. 
Pero nitong tumatanda na ako, naririnig ko na rin na latik din ang tawag nila sa coco jam diyan sa bandang Batangas.  Mukhang ganon din ang ibig sabihin dito sa himagas na ito.  Masarap siya at talagang natural lang ang pagkagawa, di katulad ng mga naka-boteng coco jam na nabibili sa supermarket.  Yung linga nakakatulong sa pangkontra ng sobrang tamis.  Balang araw susubukan ko sigurong gumawa ng ganito sa bahay, yung turon hindi ko na lalagyan ng asukal kapag binalot.

Wednesday, July 18, 2012

Drinks: PatisTito Garden Cafe

Nung kumain kami sa PatisTito Garden Cafe, ang mga inumin na kinuha namin ay Pandan Iced Tea at Lemongrass Kalamansi Tea 
Refreshing para sa akin yung Lemongrass Kalamansi Tea, ngayon lang ako nakatikim ng pinaghalong lemongrass at kalamansi, kahit pareho kaming may tanim ng mga iyan sa bakuran namin.  Yung anak kong 3 taong gulang, mas nagustuhan yung pandan iced tea.
Kumuha din kami ng brewed pandan coffee.  Akala ko nung una ko itong narinig ay gawa sa pandan ang kape.  Sabi ng asawa ko, yung tubig na ginamit dito ay pinakuluan sa dahon ng pandan, kaya ito tinawag na pandan coffee.  Nakaka-curious kung ano ang lasa ng pinaghalong pandan at kape.  Kung sa bagay, meron na rin akong mga nasubukan na kapeng may halong di-ko-akalain, gaya nung peach latte sa Figaro.  Pero itong brewed pandan coffee, kakaiba.  Talagang pakiramdam ko ay malayo ako sa stress ng siyudad. 

Tuesday, July 17, 2012

Ulam: PatisTito Garden Cafe

Minsan kumain kami ng pamilya ko sa PatisTito Garden Cafe sa Brgy. Sta.Cruz Putol, San Pablo City.  Papunta sa kainang ito, pakiramdam ko ay bukid ang pupuntahan namin.  Para ngang hinahanap-hanap ng katawan, isip, at puso ko ang pakiramdam na malayo ako sa kabihasnan, yung puro halaman at mga puno lang ang nakikita sa paligid, tapos yung hindi ka masyadong makakarinig ng ingay ng mga dumadaang sasakyan.  Kaya naman sa pagpunta naming ito, talagang gumaan ang kalooban ko.
Dahil lakad ng pamilya ito, karaniwang set ang inorder namin: kanin, ulam, inumin, himagas.  Kasi kung lakad ito ng barkada at kanya-kanya kami ng order, malamang kape at himagas o appetizer lang ang order ko.
Ang isang ulam na kinuha namin ay ang kanilang Lumpiang Shanghai with Cheese.  Sa totoo lang, naka-grupo ito sa appetizers.  Pero dahil pinoy tayo, inulam namin ito :D  Isa pa, isa ito sa mga paboritong ulam ng 3 taong gulang kong anak.
Ang sarap ha, hindi makapal yung balat ng lumpia kaya talagang malutong ito na hindi manglalaban ang ngipin o kagat.  At syempre nakakapagpalinamnam talaga ang keso kapag hinahalo ito sa mga lutuin.  Yung sawsawan, yung karaniwan ding nabibili sa mga supermarket na sweet chili sauce.  Palagay ko yun na talaga ang pinakabagay na sawsawan ng lumpiang shanghai kaya kahit hindi nila sariling gawa yung nakalagay na sawsawang ito, swak pa rin.
Yung isa pang ulam na kinuha namin ay Inasal Diablo.  Napili namin ito kasi kakaiba yung pangalan niya tsaka para maikumpara sa lasa ng iba pang inasal na nasubukan namin.  Makikita sa larawan na may kasamang kangkong yung plato ng manok na ito, nakakataka kasi ngayon lang ako nakakita ng inasal na manok na may kangkong.  Malasa din ang timpla ng manok!  Tapos yung timpla ng kangkong, parang inadobo sa bawang, ang sarap kapares sa manok!  Nakakagulat talaga.  Kung ako lang mag-isa, palagay ko kaya kong ubusin yung isang order na yung nung Inasal Diablo :D  Tapos may atsara pa, panalo talaga.

Monday, July 16, 2012

Panera Bread Potato Chips

Gaya ng nabanggit ko na, hangga't maari kinukunan ko ng larawan ang mga nasusubukan ko para naman maalala ko na minsan sa buhay ko ay nasubukan ko iyon.
Itong Panera Bread Potato Chips na ito ay uwi ng asawa ko galing Estados Unidos.  Hindi naman gaanong naiiba ang lasa niya, para din siyang karaniwang potato chips na nabibili dito sa Pilipinas.  Medyo matabang nga lang ang isang ito.
Isang bagay na nadiskubre ko mga 6 na taon nang nakakaraan ay masarap pala ang potato chips isabay sa pagkain ng gourmet na sandwich.  Para bang hamburger, bagay pala talagang sabayan ito ng french fries.

Yung chips pala nito, kamukha din ng sa Lay's, pero mas maliliit ang putol.  Tsaka gaya ng nasabi ko, medyo natatabangan ako dito, pero ayos pa rin kasi nga mukhang sinadya siyang gawin para isabay ito sa sandwich.