Saturday, April 13, 2013

Hamburger: Hungry Hippo

Sarap din nitong Hamburger ng Hungry Hippo diyan sa gasolinahan sa SLEX.  Halagang 123 piso ito na may kasamang french fries at inumin.  Ayos naman kasi masarap at nagustuhan ng apat-na-taong-gulang kong anak.  Malaman at banyaga ang timpla.  Pati mga gulay dito nakain ng anak ko.  Madalas talaga sulit kapag sumusubok ng mga bago, nadaragdagan ang kaalaman at karanasan.

Friday, April 12, 2013

Tanawin: Hungry Hippo

Isang beses na ginutom kami sa daan ay dito kami napadpad sa Hungry Hippo sa isang gasolinahan sa SLEX.  Naaalala ko noong kalagitnaan ng dekada 90 ay nakapunta na rin ako dito, pero hindi pa ganito ang loob nito.  Walang kadise-disenyo noon at simpleng puti lamang ang mga dingding.  Sa pagkakaalala ko noon, hindi kaaya-ayang pumasok dito noon.  Pero ngayon, medyo sosyal na ito kumpara noong nakito ko noong dekada 90.  Makulay ang kapaligiran.  Kaaya-aya nang pumasok at tumambay.  Nasa sulok at likod ito ng gasolinahan na para sa akin ay nagbibigay ng pakiramdam na "exclusive" o pribado ang lugar na para bang mga piling tao lang ang makakasama mo.  Hindi katulad ng sa mga sikat na kainan na dagsa ang mga tao.

Thursday, April 11, 2013

Coffee Crumble: Magnolia Best of the Philippines Collection

Mahilig kami sa kape at na-curious kami agad dito sa Coffee Crumble ng Magnolia Best of the Philippines Collection.     
Ang cute din ng lalagyan kasi may mga larawan ng mga tanawin sa Batangas kung saan daw nagmula ang kape na ginamit sa sorbetes na ito.
 
Hindi ko alam kung ako ang may problema sa panlasa, pero parang natabangan ako sa kape nito.  Baka din naman kasi masyado akong naghanap o di kaya ay nasanay ako sa matapang na kape na naiinom ko sa umaga.
Isa't kalahating litro ito na nagkakahalagang mahigit 200 piso (pasensya na, hindi ko maalala ang eksaktong halaga).

Saturday, April 6, 2013

Dunhill Switch

Nabili ito ng asawa ko sa Duty Free sa palapagan ng eroplano.  Humigit kumulang 800 piso ang bili niya sa isang ream nito.
Ayos naman, malamig at banayad ang pagka-menthol niya kapag pinisil na ang maliit na butil sa loob ng filter nito.
Bumilib at nasarapan ako dito hanggang natikman ko yung Winston Fresh XPRESSion (paskil ko kahapon).  Nung natikman ko yun, ayoko nang magyosi nitong Dunhill ;p



Friday, April 5, 2013

Winston Fresh XPRESSion

Namangha ako na may Winston na ganito.  Akala ko sa imported lang meron.  Pero nang sinuri kong mabuti ang kaha, parang imported din pala ito.  Animnapung piso ang bili namin dito sa isang supermarket.  Pero sa isang sikat na convenience store, 63 piso ito.
Pero ang mas ikinabilib ko dito ay yung lasa nito!  Dinaig nito ang lasa ko sa Camel Crush at Dunhill Switch.  Nang matikman ko ito, ayoko nyang ibang natikman ko.  Para siyang West Ice na ang lasa ng lamig ay parang lasa ng Mentos.

Thursday, April 4, 2013

Kellogg's Rice Krispies Treats

Uwi ito ng asawa ko mula Estados Unidos.  Gusto ko din talaga itong mga ganitong pagkain mula sa bansang iyon; trail mix, granola bars, ito... Parang sumasaya ako at gumagaan ang loob ko kapag nakakakain ako ng mga pagkaing iyan.
Medyo nakakasakit ng lalamunan ang tamis nitong Double Chocolatey Chunk na Kellogg's Rice Krispies Treats.  Pero ayos lang kasi konti/maliit lang naman ito at pinaghatian pa namin ng 4-na-taong-gulang kong anak.  Sarap talaga, nakakaginhawa (at least para sa akin).
Di ko lang sigurado kung merong nabibili nito dito sa Pilipinas.  Hindi ko rin naman hinahanap kasi bukod sa baka mahal ang presyo ay hindi ko rin naman talaga nakikita ang pangangailangan ng pamilya ko dito.
Pagkagat dito ay mamasa-masa ito na makunat-kunat.  Habang ningunguya sa loob ng bibig ay natutunaw ang tsokolate sabay kagat ng konting lutong galing sa rice crispies.  Tapos lumalaban sa kagat ang lagkit at kunat, sarap talaga!

Wednesday, April 3, 2013

Marks & Spencer Red House Wine

Nawala na naman ako ng ilang araw.  Pasensya naman, naiilang kasi ako magbukas nitong desktop computer namin kapag ganitong mainit ang panahon.  Walang aircon ang kwarto kung saan ito nakalagay, kaya baka kako mainitan ang computer.  Grabe talaga ang init sa Pilipinas kapag tag-init na ang panahon!  Pero yung mga dayuhang galing sa malalamig na bansa, gusto naman ang panahon natin na ganito.
Ang larawan ngayong araw na ito ay itong Marks & Spencer Red House Wine.  Hindi ko alam kung ano ang halaga nito dahil may nagbigay lang sa amin nito.  Masarap siya, hindi matapang ang amoy ng alkohol.  Nang mainom ko ay hindi rin siya masyadong maasim, pero talagang may naiiwan na konting pakla.  Tsaka sa tingin ko hindi siya masyadong makapal inumin, banayad lang talaga.
Mainam din na ang takip niya ay synthetic lamang na tapon.  Sa karanasan ko kasi sa cork na tapon, minsan nadudurog ito at nahuhulog ang ilang piraso sa alak, at kapag ganun ay medyo nadidiri na ako.  Medyo nahirapan lang kami pagbukas kasi talagang kapit na kapit ang synthetic na tapon nito.