Wednesday, March 27, 2013

Black Pepper Burger: Minute Burger

Bata pa lang ako meron nang Minute Burger.  Nakakahanga na hanggang ngayon ay andiyan pa rin sila.  Naaalala ko pa ang natatangi nilang lasa o timpla mula noong una akong nakatikim ng pagkain nila nung bata pa ako.
At ngayong mahigit 30 anyos na ako ay nagkaroon kami ng pamilya ko ng pagkakataong makabili ng kanilang Black Pepper Burger.  Natakam kasi ako sa malaking paskil sa labas nila sa produkto nilang ito at na-enganyo naman kaming sumubok.
Ang galing kasi mahigit 40 piso lamang ito na dalawang piraso na (parang buy 1 take 1).  Bumilib din ako sa "packaging" nito.
Naka-kahon ito na sosyal ang dating!  Pati ang litrato ng mga sangkap sa labas ng kahon, ang ganda ng pagkakakuha at pagkaka-imprenta.
Itong isang gilid ng kahon, nakalagay "Bacon Cheese Burger" pero sa kabila niyan, nakalagay yung Black Pepper Burger.  Ibig sabihin ito rin yung kahon kapag "Bacon Cheese Burger" ang binili.
Meron pa talagang "Re-heating Instructions" para kung sakaling hindi ito makain agad ay pwede nga naman ipainit uli.  Galing talaga, parang pang-banyagang kainan!
Masarap din itong Black Pepper Burger, lasa nga na tinimpla siya sa paminta.  Andun pa rin yung natatangi nilang lasa o timpla, di ko masyadong mailarawan yung sinasabi kong lasa na yan, pero yun yung lasa na sa Minute Burger ko lang nalalasahan.

Tuesday, March 26, 2013

Mais Con Yelo: Mang Pablo's

Haay isa pa itong sikat dito sa Pilipinas kapag mainit ang panahon: Mais Con Yelo!  Nabili namin ito sa Mang Pablo's sa san Pablo City sa halagang 30 piso.  Gawa ito sa de-latang corn kernels, kinaskas na yelo, malabnaw na gatas, at konting asukal.  Noong bata pa ako, mas kilala ko ito kaysa halo-halo.  Tsaka nung bata pa ako, di ko pa kinakain yung ibang lahok ng halo-halo gaya ng beans at ube.  Pero ang mais, hilig ko na kahit nung bata pa ako kaya pag nakakakain ako nito, naaalala ko ang masayang kabataan ko.

Monday, March 25, 2013

Banana Con Yelo: Mang Pablo's

Hmmm...!  Panalo itong Banana Con Yelo ng Mang Pablo's!  Tatlumpung piso ang order nito at para sa amin ng pamilya ko ay sulit naman, lalo na ngayong mainit ang panahon!  Gawa ito sa minatamis na saging na saba, kinaskas na yelo, at malabnaw na gatas.  Nagustuhan din ito ng 4-na-taong-gulang kong anak.

Sunday, March 24, 2013

Tocilog: Mang Pablo's

Napakain kami sa Mang Pablo's na matatagpuan malapit sa munisipyo ng San Pablo City.  Medyo nagulat ako na karamihan sa mga pagkain nila ay 39.75 piso, lalo na yung mga "silog."  Sinubukan ko itong tocilog nila.  Mukhang ang dami pero maninipis lang pala ang hiwa ng karne ng tocino.  Pero ayos lang kasi wala pa siyang 40 piso, kumbaga hindi ko sila masisisi kung ganun lang ang hain nila.  Ayos din naman at nakabusog din sa akin.  Mauulit pa rin kami dito.

Saturday, March 23, 2013

Cold Coffee: Gloria Jeans

Pasensya naman, mahigit 1 linggo ako nawala!  Gayunpaman, I'm back ;) Ang larawan ngayon ay ang nabili naming Gloria Jeans na Iced Latte at ang kanilang Signature Iced Coffee.  Ang kabuuang halaga ng dalawang ito ay 210 piso (ang isa ay 100 at ang isa ay 110, di ko na maalala kung alin).  Masarap sila kahit di gaanong matamis.  Minsan din naman kasi kapag matamis ay parang hindi na iyon kape.  Yung Iced Latte, masarap yung pinaka-creamer o yung epekto nun sa buong inumin.  Yung Signature Iced Coffee naman ay parang medyo malabnaw na black coffee na pinalamig at nilagyan ng kaunting asukal lang.

Wednesday, March 13, 2013

Bench Shopping Bag

Na-cute-an na naman ako, kaya kinunan ko ito ng larawan.  Talagang nagbigay ito sa akin ng pakiramdam na tag-init na dito sa atin sa Pilipinas.  At kapag tag-init, panahon ito ng paglalangoy sa tubig, paglalakbay, pagkain ng mga prutas, pagbabakasyon...
Karamihan sa atin ay gustong magbabad sa aircon kapag mainit ang panahon.  Minsan gusto ko rin yung ganun - magpunta sa mall, kung saan malamig ang aircon, kapag mainit sa labas.  Pero mas gugustuhin ko pa ang tumambay sa lilim ng puno sa mga languyan o kahit sa bakuran lang namin at hintaying umihip ang hangin.  Mas natural kasi ang pakiramdam para sa akin.
Noon ngang bata pa ako, sa pagkakatanda ko, ay sigurado kami sa panahon.  Kapag umulan ay Mayo na ang buwan.  Kapag Hunyo ay halos araw-araw nang umuulan at naaamoy ko rin ang mga bagong papel, lapis, at iba pang gamit pang-eskwela na nagbibigay sa akin ng konting kaba at saya dahil napapalagay na sa isip ko na pasukan na sa eswela.  Samantalang ngayon, hindi na natin alam kung kailan uulan.  Minsan sa kalagitnaan ng mainit na panahon ay bigla na lang uulan.  Minsan naman sobra sobra ang ulan.

Tuesday, March 12, 2013

Coffee Flip Float: Jollibee

Limampung piso ang presyo nito.  Iced coffee ito talaga na may sorbetes sa ilalim at mga piraso ng tsokolateng biskwit, at mga piraso din ng tsokolate.  Ayos na din, masarap at tipid pa kumapara kung sa mga mamahaling coffee shop bibili ng malamig na kape.

Monday, March 11, 2013

Tuna Pie: Jollibee

Para sa mga nangingilin ngayong Semana Santa, mainam na mayroong Tuna Pie ang Jollibee.  Ang bili ko dito ay 33 piso (solo, walang inumin).
Gusto ko siya kasi hindi rin gaanong mabigat sa tiyan (o pakiramdam ko lang yun, kasi naiisip ko na hindi karne ang kinakain ko, kumbaga "hindi guilty").
Masarap din talaga ito at creamy ang timpla ng laman ng pie.  Sana nga lang iba yung crust niya kaysa sa kanilang Peach Mango Pie kasi pag kinakagat ko itong Tuna Pie, parang naiisip at nalalasa ko ang peach mango na laman ;p

Sunday, March 10, 2013

Pampanga's Best Pinya Ham

Sarap nito!  Mas masarap pa ito kaysa ibang kilalang tatak.  Di ko lang alam kung magkano ito, kasi may nagbigay lang sa amin nito.  Pero ang laki at hugis nito ay parang yung ibang mga pear-shaped ham.  Tsaka yung karne niya, parang totoong karne, yung walang harina.  Sa susunod naming pamimili bibili kami nito.

Saturday, March 9, 2013

Archer Farms Trail Mix



Di ko na maalala kung kelan ako unang nakatikim ng Trail Mix pero mula noon, naging paborito ko na ito.  Kaya naman nitong huling pumunta ang asawa ko sa Estados Unidos, pinasalubungan niya ako nitong Archer Farms Simply Trail Trail Mix.  Sa Target niya ito nabili.  Masarap naman ito, pero di ko alam na nagkakaiba-iba pala talaga ang Trail Mix depende sa tatak.  Nasabi ko ito kasi di ko pa nalilimutan kung gaano kasarap yung unang binigay sa akin ng asawa ko na Kirkland ang tatak.  Napansin ko parang nangingibabaw yung alat ng mani nito kaysa doon sa Kirkland, pero kahit ganun ay gusto ko pa rin itong Archer Farms Simply Trail Trail Mix.  Gusto ko yung pinaghalo-halong tamis ng tsokolate, alat ng mani, at yung lahat ng iba pang lasa at gaspang gaya ng pasas at almonds.  Palagay ko ang Pinoy na Trail Mix ay yung mga mixed nuts gaya ng Ding Dong

Friday, March 8, 2013

Nips Chocolate Parfait

Hindi ito yung Nips na tsokolateng pinoy na parang M&M'sCaramel ang itsura niya sa labas, pero may matigas na tsokolate sa loob.  Parang naalala ko ang Benson's nang natikman ko ito.  Meron pa nga kaya nun?  Huli ata akong nakakita at nakakain nun ay nung unang kalahati pa lang ng dekada 90.  Hindi ko naman alam kung magkano yun noon, pero kapag bumibili at binibigyan kami ng nanay ko noon ay pinapaalala niya na mahal yun at hindi siya laging makakabili nun.  Pero yung Benson's ay hindi matigas ang loob, pero caramel din siya sa labas na may malambot na tsokolate sa loob.


Thursday, March 7, 2013

Brachs Caramel

Parang kamakailan lang ay bigla kong naalala ang Kraft na caramel na cube.  Matagal na akong hindi nakakakita nun, meron pa kaya nun?
Bigla namang may natanggap kami mula sa mga kaibigan nitong Brachs Caramel na kamukha ng isiisip kong Kraft.  Masarap din siya at hindi nakakatusok sa lalamunan ang tamis.

Wednesday, March 6, 2013

Ginataang Tinadtad na Kilawin na Hipon

Hilaw daw ito na tinadtad na hipon, buko, at sibuyas.  Yung ibang nakain ko na ganito, may balat pa ng hipon na hindi ko gusto dahil ayokong lumulunok ng magagaspang.  Masarap itong huling nakain ko dahil walang balat ng hipon.  Nasasarapan ako dito na kaya kong papakin ito ng walang ibang kasamang kinakain o iniinom.  Lalo na kapag pinipigaan ko ito ng kalamansi, sarap!

Tuesday, March 5, 2013

Austin Choco Cremes

Dala rin ito ng asawa ko galing Estados Unidos.  Naku-cute-an ako dahil ang liit nito pero ang daming biskwit sa loob kumpara sa nabibiling ganitong uri dito sa Pilipinas.
Masarap siya, malapit sa Oreo ang lasa.  Kung titingnan, hindi naman gaanong mukhang makapal ang biskwit, pero nang kinain ko ay parang mas matagal ko siyang ningunguya dahil parang makapal o malaman ang biskwit.
Yung tamis niya ay hindi yung parang nakakatusok ng lalamunan.

Monday, March 4, 2013

Camel Crush

Bago ako naging nanay at asawa, isa akong "yosi girl."  Nang mabuntis ako, natigil ang paninigarilyo ko.  Emosyonal akong matatawag noong buntis ako.  Inintindi ako ng asawa ko dahil sabi nga nila ay nagiging mas emosyonal daw ang mga babae kapag buntis.  Pagkapanganak ko, hanggang ngayon ay emosyonal pa rin ako.  Iniisip ko na kaya siguro ganoon ay dahil biglang nagbago ang pamumuhay ko.  Nagkaroon ako ng dagdag na responsibilidad dahil naging ina at asawa ako, mas marami akong inintindi at inisip kaysa noong dalaga at nag-iisa pa ako.  Madalas ako umiiyak, minsan kahit maliit na bagay lang ay naiiyak ako.  Kapag malinaw ang isip ko, napapagtanto ko na inilalabas ko ang nararamdaman ko sa pamamagitan ng pag-iyak.  Kinukumpara ko noong dalaga pa ako, mas madalas talaga ako maiyak at magalit ngayon.  Minsan kapag naiyak na ako sa sobrang galit, gusto ko pala magyosi.
Nitong huling nagalit nga ako ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapag-isa at nakaalis ako ng bahay.  Dahil wala akong kasama, naisip kong bumili ng yosi.  Pagkatapos kong magyosi ay mas lumuwag ang pakiramdam ko.  Nagkaroon ako ng pakiramdam na "guilt" dahil pakiramdam ko ay trinaydor ko ang anak ko.  Pagkatapos nito ay umuwi ang asawa ko galing Estados Unidos at may dala siya nitong Camel Crush.  Doon niya ito nabili.  Namangha ako dun sa "click" nito, kung saan may pinipisil o kinakagat sa filter nito at kapag lumagitik o nabasag na yung kini-click na iyon sa loob ng filter ay nagiging menthol na ito.  Bumili rin siya ng Dunhill na may ganun.  Sinubukan ko iyon at totoo nga, nagiging menthol ang hindi menthol na sigarilyo.  Hindi ko akalain na may malilinang na ganitong teknolohiya sa sigarilyo, ang galing.

Sunday, March 3, 2013

Nonni's Biscotti

Galing uli sa Estados Unidos ang asawa ko at nakapag-uwi siya ng isa sa mga meryenda nila sa opisina doon.  Ang galing nito kasi matigas siya na biskwit na may nakadikit na tsokolate sa ilalim na hindi malambot pero kapag nasa bibig na, natutunaw ang tsokolate!  Ang sarap ng kombinasyon.  Pati yung matigas na biskwit, natutunaw sa bibig.  Parang hindi pa ako nakakita dito sa Pilipinas ng kagaya nito. 

Saturday, March 2, 2013

Beef Brisket: Tin Hao Dimsum

Akala ko naman kung anong Beef Brisket, parang nilagang baka lang pala ito na walang gulay.  Ang bili ko dito ay 65 piso na maayos naman at nairaos ang tanghalian.  Gaya ng nabanggit ko kanina, parang nilagang baka lang ito pero inalatan pa o nilagyan ng toyo, tapos ayun nga, walang gulay.  Yung dami naman, ayos naman, ibig kong sabihin ay hindi siya maunti.

Friday, March 1, 2013

Mocha Frappe: CDC Cafe

Sinubukan ko ang kanilang Mocha Frappe na nagkakahalagang 80 piso (mas maliit, 90 ata o higit pa yung mas malaki).  Natatamisan ako sa kanya, parang hinahanap ko yung pait.  Matatagpuan ito sa San Pablo City, Laguna.