Saturday, June 30, 2012

Korean Egg Cake

 Ito yung Korean Egg Cake na nakita namin paglabas ng Clark sa Friendship Highway.  Kahit na male-late na kami sa okasyon na pupuntahan namin, tumigil at tumabi kami dito para makabili at masubukan ito.  Matagal na naming pangarap ng asawa ko na makasubok kumain sa kahit isang Korean restaurant sa bahaging ito ng Pampanga, pero di kami magkaroon ng magandang pagkakataon.  Nang makita namin ang karatola nito, "Korean Egg Cake P100," naisip naming kahit ito na lang muna ang masubukan namin at sa ibang pagkakataon ay sana talagang makakain kami sa loob ng isa sa mga Korean restaurant doon.
 Wala akong masabi kundi "ang sarap!"  Pamilyar ang lasa niya kasi yung pinaka-tinapay niya ay parang waffle o hotcake.  Tapos pritong itlog yung palaman, pero nakadikit siya dun sa magkataklob na "tinapay na waffle."  Sa totoo lang, parang magkakasama silang pinirito, kaya sila magkakadikit.  Andun pa yung tumututong na gilid ng itlog pag piniprito yun nang sunny side up.  Sobrang pamilyar ang lasa niya, pero ito ang first time na nakatikim ako ng pagkaing ito.

Friday, June 29, 2012

Pan = Tinapay

Ito naman nadaanan namin sa Laguna.  Nalagpasan na namin ito pero pinakiusapan ko ang asawa ko na iatras ang sasakyan at tumigil sa tapat nito.

Wala yatang Filipino na hindi alam ang pandesal.  Ayon sa stock knowledge ko, nagmula ang salitang ito sa pan de sal na wikang Kastila.  Kung hihimayin, ito ay pan = tinapay, sal = asin (hindi ako 100% sigurado kung tama ako)--"tinapay na may asin".  Noong bata pa ako, akala ko sa umaga lang pwedeng kumain ng pandesal.  Ngayon ko lang nalaman, mula sa asawa ko na marunong gumawa ng tinapay, na pinapaalsa ito magdamag bago lutuin sa hurno.  Kaya pala tayong mga Filipino nasanay na bagong luto ang pandesal pag umaga.  Sa ngayon meron na ring nagtitinda ng mainit na pandesal kahit hindi umaga.  Sabi ng asawa ko, malamang daw pinainit lang ang mga pandesal na tinitinda sa hapon.

Pinaatras ko ang sasakyan noong nakita ko itong Pan de Sally dahil akala ko puro mga bagong lutong tinapay lang ang tinda nila.  Pero nung tumapat kami dito, wala kaming nakitang bagong lutong tinapay.  Puro hamburger buns lang ang tinda nila, at iba pang hindi tinapay.  Medyo nalungkot ako kasi parang natakam pa naman ako sa mainit na tinapay.  Isa pang dahilan kaya ako nagka-interes dito ay dahil parang nakita ko na ito sa isang TV commercial.  Naaalala ko pa ang storya ng commercial: may isang lalaki na nagsangla sa sanglaan para makapagtrabaho sa ibang bansa, at bunga ng pagtatrabaho niya, nakapagpatayo (o nakapagpaayos) ang asawa niyang si Sally ng bakery na ito.

Thursday, June 28, 2012

Bag Ba 'Yun? O Bahay?

 Nadaanan namin ito sa Bulacan.  Nakita ko agad ito kahit malayo pa lang.  Hindi naman ako tagahanga/fan ng Louis Vuitton  pero naagaw ng bahay na ito ang atensyon ko.  Humanga ako na napapinturahan o nadidikitan ng ganitong wall paper ang isang bahay.
Hindi masyadong maganda ang pagkakakuha ko sa larawang ito dahil nasa loob ako ng tumatakbong sasakyan.  Mabait ang asawa ko dahil medyo binagalan niya ang pagpapatakbo para makuhanan ko ng larawan ang bahay na ito.  Tuloy may ilang katanungang tumakbo sa isip ko:

1.  Magkano kaya magpapintura ng ganito?
2.  Meron kayang ibang disenyo gaya ng Fendi, Gucci, Burberry, etc.?
3.  Ito pa lang kaya ang may ganitong disenyo ng bahay sa buong Pilipinas, o meron na ring iba?
4.  Bakit kaya sa lahat ng disenyo, ito pa ang napili ng may-ari na ipapintura sa bahay niya?
5.  Nagtrabaho kaya siya sa LV?

Kahit na hindi ako fan ng LV, natutuwa ako sa pagkakakita ko sa bahay na ito.  Kung ako siguro magpapapintura ng sarili kong bahay, ayos lang din magpapintura ng may ganitong klaseng disenyo--siguro pwedeng Quicksilver, Roxy, o Billabong.  Kaya lang, ligal kaya iyon?

Wednesday, June 27, 2012

Bundok

Sinubukan namin ng pamilya ko na pumunta sa Bangkong Kahoy nitong tag-init.  Sinadya naming tumigil at itabi ang sasakyan para lang makuha ang mga litratong ito.  Nakaka-wow talaga ang tanawin, napakalinaw ng pagkaluntian ng bundok at sobrang 3D ang dating!  Umaambon-ambon pa, kaya medyo malamig din na tamang-tama sa nakikitang hamog na bumababa dito sa tinitingnan naming bundok.  Alam kong hindi 100% na nakuha ng camera ang aktwal na nakita ko, pero kinuhanan ko sya para maalala ko na minsan sa buhay ko ay nakakita ako ng ganitong tanawin--remembrance ba :)
Nakakalungkot man pero hindi kami natuloy sa Bangkong Kahoy.  Hindi kasi masyadong patag ang daan at inabutan na kami ng ulan.  Naawa na ako sa kotse namin dahil parang 2 kilometro na kaming tumatahak sa rough road na madulas (dahil sa ulan).  Tumigil kami nang may nakita kami na parang bahay na may mga taong nagsasakay ng mga labanos sa isang jeep.  Sabi nila, mula daw sa puntong iyon ay may mahigit pang 1 kilometro ang tatahakin--na mas malala pa sa dinaanan namin--bago makarating sa Bangkong Kahoy.  Nagpasya kaming wag nang tumuloy dahil nga nakakaawa na ang kotse namin (hindi na rin naman ito masyadong bago).  Gusto pa rin naming bumalik at marating ang Bangkong Kahoy balang araw, pero dapat all-terrain 4x4 na ang sasakyan namin.

Monday, June 25, 2012

Boracay

 
Tatlong beses na akong nakapunta sa Boracay.  Ang unang dalawang beses ay parehong noong 2005 at ang huli ay noong 2007.  Kahit 3 beses na akong nakapunta dito, hindi pa rin ako nagsasawa.   Gusto ko pa ring pumunta doon.  Kahit ngayong may sarili na akong pamilya.
Ewan ko ba kung bakit gusto ko pa rin pumunta doon.  Kapag summer, may kulay luntian na parang lumot na bumabalot sa pampang nito.  Hindi ko talaga gusto ang "lumot" na iyon kasi nagmumukang madumi ang tubig, tapos kumakapit din yun sa balat.  Maalat din naman ang tubig, kumbaga kahit sa ibang beach ka pumunta, ganun din naman ang tubig--maalat.  Ang daming tao, kahit hindi summer, ang dami pa ring "guests."  Sa akin kasi pag sinabing beach, nakikini-kinita ko na yung mapayapang tanawin ng kalawakan ng dagat, nararamdaman ko na ang refreshing na simoy ng hangin, naririnig ko na ang katahimikan na mga alon lang ng dagat at iba pang sounds of nature lang ang maririnig mo.
Palagay ko dahil lang ito sa white sand niya.  Di ko na naalintana kung kasing-ingay siya ng Malate o Eastwood o iba pang gimikan pag gabi.  Di ko na naalintana na para din akong nasa isang mall na may sale sa dami ng tao.  Nakakatuwa talaga yung white sand, lalo na sa may Station 1 kasi mas pino ang buhangin.  Hindi ako nadidiri kung nakadikit sa balat ko ang buhangin na yon.  Ayos lang din na higaan ko yun nang walang sapin.  Siguro talagang magical lang ang buhangin ng Boracay.  Di ko pa nakita ang buhangin sa kabilang gilid ng isla (yung gilid kung nasaan ang Puka Beach, iba rin ang buhangin doon, mas magaspang at maraming shells), naku-curious tuloy ako kung pino din ba yun o magaspang.

Ngayon gusto namin pumunta doon ng pamilya ko, at natuklasan namin na pwede na palang pumunta doon sakay ng barko.  Mula sa Batangas Port, mayroong bumabyahe papuntang Caticlan araw-araw.  Gusto naming subukan yun kasi di pa ako nakakasakay ng barko, at mas mura ang pamasahe!  Walong oras ang biyahe, di na yun masama:)  Sabik na talaga ako, hinihintay na lang namin ang magandang pagkakataon kasi di basta makaalis sa opisina nang matagal ang asawa ko (mga 3 araw na hindi ipasok sa opisina, baka magalit ang mga boss :p).

Sunday, June 24, 2012

Tambakol

Mahilig ako bumili ng tambakol para gawing ulam.  Hindi ako sigurado kung ano nga ba ang English sa tambakol, tingin ko ito na yung tuna.   Sabi sa isang supermarket na nabilhan ko, ito daw yung yellow fin tuna.  Hindi ko rin sigurado kung ito rin ba yung sikat na tuna ng GenSan.  Yung tulingan naman, bonito tuna daw sabi nung isang supermarket na nabilhan ko.
Ito ay tambakol na niluto (baked) sa oven.  Sinaing ang madalas na luto ko sa tambakol.  Sinubukan ko lang kung ayos lang ba i-bake ang isdang ito.  Nagkataon sinubukan ko ding gumawa ng gravy dahil sa piniritong manok noong nakaraang araw.  Makikita dito sa larawan ang binudbod na Italian Seasoning (nabibili sa supermarket) sa ibabaw ng gravy.  Maayos naman ang naging kombinasyon ng baked tambakol at ng gravy.  Nga lang sa panlasa ko, parang masyadong natuyo ang laman ng tambakol.

Masarap naman talaga ang kinalabasan, pero hindi ko na uulitin ito dahil natutuyo pala ang laman ng tambakol kapag niluluto ito sa ganitong paraan.  Kung tatanungin naman ako kung paano ko niluluto ang sinaing na tambakol, ganito ko yun ginagawa:

1.  Maglagay ng ilang piraso ng tuyong kalamyas sa kaserola.  Lagyan din ito ng ilang pirasong pinitpit na bawang.  Linalatag ko sila sa paraan na parang sila ang ginagawa kong pangsapin para hindi masyadong dumikit ang isda sa sahig ng kaserola.
2.  Ilatag ang isda sa ibabaw ng kalamyas at bawang.
3.  Bago magpatong ng isda sa unang latag ng isda, budburan ito ng isang kutsarang asin.  Budburan din ito ng pamintang durog.  Lagyan din ng ilang pirasong tuyong kalamyas at pinitpit na bawang na para bang iyon ang sapin ng ipapatong na isda para hindi direktang magdikit ang dalawang layer ng isda.
4.  Ulitin hanggang mailagay ang lahat ng isda.
5.  Lagyan ng tubig ang kaserola hanggang sa kalahati nito (minsan nilalagyan ko hanggang sa 3/4 ng kaserola para mas maraming sabaw).
6.  Lagyan ng 5 hanggang 6 na kutsarang suka (depende sa dami, kung mga 2 kilong tambakol ang lulutuin, maaring maglagay ng mas marami pang suka).  Ito ay magsisilbing pang-iwas sa mabilis na pagsira/pagpanis.  Maaari ding budburan ng paborito ninyong pampasarap (Maggi Magic Sarap, halimbawa).
7.  Takpan at pakuluan ito sa mahinang apoy, 2 hanggang 3 oras (pagkatapos ng 2 oras, maaari na itong iulam, pero mas sasarap pa ito pag pinakuluan pa hanggang 3 oras)

Kung naiiga ang tubig, maari itong dagdagan ng pakonti-konti para hindi tuluyang maiga ang sabaw.  Ayon sa napanood ko sa TV, pinapakuluan nila ito sa palayok sa loob ng 6 na oras sa Batangas!  Gusto ko ring masubukan ang authentic na luto ng sinaing na isda sa batangas, kung saan ito taal :)

Spaghetti Guisado

Ito naman sinubukan kong lutuin noong 17 June 2012.  Spaghetti Guisado ang tawag dito.  Nakita ko ito sa pakete ng Sunshine Spaghetti at sinunod ko ang instructions.

Spaghetti Guisado

Ingredients:

450g Sunshine Spaghetti, uncooked
3 tbsps cooking oil
1 tbsp garlic, minced
1 pc large onion, minced
400 grams pork or chicken, boiled and sliced or shredded (keep broth)
1/2 head cabbage, cut into shreds
1 pc large carrot, cut into strips
3 tbsps soy sauce
3-4 cups broth (from boiled pork)
1/2 cup kintsay or Chinese leeks
salt or patis (fish sauce) to taste

For Garnishings:

2 pcs Chinese sausage, fried and sliced
1/2 cup spring onion, chopped for toppings
5 pcs sliced calamansi

Directions:

1.  Cook spaghetti according to package instructions.  Drain and set aside.
2.  Saute garlic in oil.  Add onions, cooked pork or chicken, carrot, and cabbage.
3.  Season with soy sauce and stir fry for 2 minutes.
4.  Add broth and simmer.
5.  Add kintsay.
6.  When vegetables are cooked, add cooked spaghetti.  Season with salt.
7.  Garnish with Chinese chorizo and spring onions.
8.  Serve with sliced calamansi on the side.

Serves 8-9.


Masarap siya!  Sa susunod susubukan kong wag munang lagyan ng kintsay (hindi ko kasi gaanong type yung kintsay), pero lulutuin ko uli ang recipe na ito :)

Saturday, June 23, 2012

Vanilla-Flavored Margarine

Noong 11 June 2012, nadiskubre ko na ang sarap pala ng Star Margarine Vanilla Flavor!  Nagulat talaga ako kasi akala ko parang hint lang ng vanilla ang malalasahan ko.  Sa panlasa ko, pwede na syang ipang-topping sa cupcake.  Sabi nga ng asawa ko, pwedeng iyon na lang ang maging icing ng cupcake.  Hindi nangibabaw ang lasa ng margarine.  Kung di ko makikita na sa lalagyan ng Star Margarine siya nanggaling, di ko aakalaing margarine pala siya. 


Una ko itong nakita sa Eat Bulaga, sponsor ata ng Little Miss Philippines ang Star Margarine.   Doon ko lang nakita na may iba-ibang flavors na pala ang Star Margarine.  Kaya noong nag-grocery kami, naisip kong bumili ng isang bagong flavor para masubukan.  At iyon, nakita ko nga itong Star Margarine Vanilla.  Hinanap ko rin yung chocolate flavor, pero sabi nung nag-aayos ng display, out of stock daw.




Friday, June 22, 2012

The First Blog

Naisip kong lumikha ng blog na ito para may maitala para sa sarili ko.  Pangarap ko magkaroon ng diary na parang kay Doogie Howser, MD -- isinusulat sa computer kapag natapos na ang kanyang araw.  Gusto ko rin na maitala kung meron ba akong bagong natututunan araw-araw, o meron ba akong bagong natutuklasan.  Naisip ko ang ganitong paraan -- ang mag-post ng larawan at ikwento ang tungkol sa larawan/picture na iyon, o di kaya'y magkwento o maglahad ng saloobin ukol sa paksa ng larawan na iyon.  Bawat araw, layunin kong maglabas ng isang larawan o paksa at iyon ang aking magiging pic/pick/topic of the day.  Ako ang kumuha ng mga larawan sa blog na ito.

Ngayong 22 June 2012 ako nagsimula, at ito ang aking unang pic of the day:


Hindi kagandahan ang pagkakakuha ko dito.  Nananakbo kami sa loob ng sasakyan nung kinuha ko ang larawang ito.  "Refreshing" ang pakiramdam habang ito ang nakikita namin sa biyahe.  Papunta kami noon sa Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon.  Ang lugar na ito ay sa Majayjay, Laguna.  Kinunan ag larawang ito noong ika-8 ng Abril, 2012.  Mali ang petsa sa larawan kasi pag inaalis ang baterya ng camera, tumitigil din ang orasan nito.  Hindi ko naitama agad ang orasan dahil nagmamadali akong makuhanan ng larawan ang nakikita namin habang tumatakbo ang sasakyan.