Friday, November 30, 2012

2go's St. Ignatius of Loyola

Naisulat ko na minsan dito na sabik na akong makabalik ng Boracay at makasakay ng isang barko.  nabanggit ko rin na merong bumabyaheng barko ang 2go papuntang Caticlan na nanggagaling sa daungan ng Batangas.
Sa wakas natupad din ito!  Nakasakay kami sa kanilang St. Ignatius of Loyola.  Pasado alas-8 ng gabi kami nakaakyat at nakapwesto sa loob ng barko.  Ang binili naming tiket ay yung pinakamura at ang lugar nito sa barko ay sa banda taas at may malalaking bintana sa magkabilang gilid.  Mga double-deck na higaan ang nandito sa halip na mga upuan.  Maraming telebisyon na nakapaligid kaya't di kami nakalampas sa mga balita at mga pinapanood naming palabas sa gabi.  Walang air con sa lugar na ito.  Alas-9 ng gabi umandar ang barkong ito.  Ni hindi ko naramdaman na umuusad na pala kami.
Bago kami sumakay sa barko ay wala akong ideya kung gaano nga ba ka-galaw sumakay ng barko.  Sabi kasi noon ng nanay ko, parang wala lang daw noong sumakay sila ng Superferry noong dekada 90.  Naisip ko baka mas magalaw itong sasakyan namin kasi mas maliit ata ito kumpara sa Superferry.  Iminungkahi na rin ng asawa ko na uminom kami ng Bonamine bago bumyahe para sigurado.  Maayos naman kasi chewable ito at hindi masama ang lasa.  Mainam yun dahil napakain namin iyon ng walang problema sa 4-na-taong-gulang kong anak.
Hindi ako nakatulog agad dahil first time kong sumakay nga ng barko noon at medyo kinabahan ako noon ng kaunti.  Siguro talagang normal lang iyon para sa mga bagay na first time mong gagawin.  Inalala ko noong unang beses din akong sumakay ng eroplano, meron din akong kaunting kaba noon, tapos may pagkakataon pa na nararamdaman din ang paggewang o yung parang bahagyang nahuhulog ang eroplano.  Isa pang dahilan na hindi ako nakatulog agad ay dahil pinapawisan nang kaunti ang anak ko maya't maya.  Ayokong makatulog na pinapawis siya kasi baka malamigan ang kanyang likuran.  Nakatulog din ako nang diretso mula pasado ala-1 ng umaga hanggang alas-4 ng umaga.
Paggising ko ng alas-4 ng umaga ay may ilan na ding gising na pasahero (yung ibang nakita ko na nauna pa sa aking nakatulog).  Yung mga kasama ko ay tulog pa rin (nakatulog sila mga alas-10 ng gabi).  Meron pa rin akong kaunting kaba nang oras na iyon pero mas lamang yung pananabik na malapit na kaming dumating sa paroroonan.  Nagising na rin ang mga kasama ko bago mag-alas-5 ng umaga.  Nung oras na iyon ay may umiikot na kawani ng barko na naglalako ng mainit na tubig, kape, cup noodles, at pulbos na tsokolate.  May dala kaming sariling papel na baso na pwedeng timplahan ng kape, pati kape at cup noodles may dala rin kami.  Nakabili kami ng mainit na tubig sa halagang 5 piso isang salin.
Maya-maya pa'y lumiwanag na at  may nakikita na kaming malapit na isla.  Naisip namin na malamang iyon na ang paroroonan dahil ang tantiyang oras ng pagdating namin, ayon sa tiket, ay alas-6 ng umaga.  Di nagtagal ay naramdaman naming umti-unti kaming bumagal hanggang sa naging halos di na kami umuusad.  Nang inusisa ng asawa ko sa bintana, nagtaka siya kung bakit kami'y nakatigil sa kalagitnaan ng dagat.  Nalaman din namin na kaya pala ganon ay dahil may naka-daong pa sa aming dadaungan sa Caticlan.  Iisa lang pala ang pwedeng daungan ng mga medyo malalaking sasakyang pandagat na kagaya ng sinakyan namin doon sa Caticlan.
Tuluyan din kaming nakadaong ng pasado alas-7 ng umaga.  Sabay naming binili ang tiket naming papunta at pabalik, at ang schedule ng alis ng barko sa aming pagbalik ay alas-8 ng umaga pagkatapos ng 3 gabi mula nang kami'y dumating sa Caticlan.
Sa aming pagbalik, pasado alas-8 na rin nang kami'y makasakay.  Noong papunta pa lang kaming Caticlan, iniisip ko nang mag-abang ng dolphins sa byahe naming pabalik ng Batangas kasi maliwanag at buong araw ang byahe namin.  Pero pagsakay namin, hindi pa man nakakaandar ang barko ay gusto ko nang matulog sa sobrang antok.  Palagay ko tuluyan nang nawala ang kaba ko, di gaya noong unang sakay ko noong papunta pa lang kaming Caticlan.
Nasa Tourist Class kami pabalik dahil ito ang naisip naming bilhing tiket.  Itong Tourist Class nila ay sa ibaba noong una naming pwesto (noong papunta pa lang kaming Caticlan) at mga double-deck na higaan din ang mga nakalagay dito.  Air con ang lugar na ito at meron din namang mga bintana pero maliliit at madalang lang.  Naisip namin ito dahil maghapon ang byahe namin at naisip namin na baka mainit ang byahe kapag ganon.  Isa pang dahilan ay para maranasan namin ang magkaibang lugar na ito.
Inaantok talaga ako pagsakay pa lang pero pinilit ko pa ring huwag matulog at mag-abang ng dolphins sa pagtingin sa bintana (nakakuha kami ng pwesto na may katabing bintana).  Nakatulog ang anak namin (masarap ang tulog niya at hindi mainit).  Nagising din naman siya tamang-tama sa oras ng tanghalian.
Pumunta kami sa kainan ng barko kung saan may nabibiling pagkain.  Ang bili namin sa 1 tasang kanin, 1 side dish (buttered vegetables/corn, carrot, green peas, 1 ulam, at 1 inumin (1 set meal ang tawag nila dito) ay 115 piso. Naging maayos naman ang pagkain namin.
Pagkatapos ng tanghalian ay hindi ko na kinaya ang antok.  Sa  totoo lang ay masakit na nga ang ulo ko sa antok.  Nagising ako mga alas-3:30 ng hapon.  Nakita ko ang sarap pa ng tulog ng mag-ama ko.  Naisip kong magkape (may dala kaming sariling baso at 3-in-1 na kape) para mawala ang sakit ng ulo ko.  Tsaka nagising ata ako sa sobrang ginaw (nakalimutan kong gamitin ang kumot na pagamit ng barko kung kasama ito sa binayaran sa tiket).
Lumabas ako sa "lobby" kung saan may tindahan.  Nakabili ako ng mainit na tubig para sa aking kape sa halagang 5 piso.  Ininom ko ang kape habang nakaupo sa "lobby" kung saan kabi-kabila din ang telebisyon.  Hindi talaga ako nainip.  Nang maubos ko ang kape ay natakam ako sa cup noodles na kinakain ng ilang pasaherong nakaupo din habang umiinom ako ng aking kape.  Bumalik ako sa pwesto namin at naisip kong kainin ang dala naming cup noodles at sa pagkakataong ito ay gusto ko na sanang makasama ang mag-ama ko.  Pero pagbalik ko ay masarap pa rin ang tulog nila.  Sinabi ko sa asawa ko na nagkape na ako, pero bumalik uli siya sa pagtulog.  Hihintayin ko na lang sana silang gumising, pero hindi ko kayang tagalan ang lamig ng air con sa pwesto naming iyon.  Bumalik ako sa "lobby" at pinabuhusan ko ng mainit na tubig ang cup noodles ko (sa totoo lang bowl noodles ata dapat ang tawag doon dahil mas malaki talaga iyon sa karaniwang cup noodles) at 5 piso pa rin ang bayad sa mainit na tubig na iyon.  Ipagpapatuloy ko ang aking kwento sa susunod kong post/paskil.

No comments:

Post a Comment