Thursday, January 31, 2013

Wholly Guacamole

Nang manggaling sa Estados Unidos ang aking asawa, hindi niya makalimutan ang guacamole na sawsawan na natikman niya doon.  Lahat ng napupuntahan naming supermarket ay hinahanapan namin nito, pero kami'y bigo.  Gusto niyang makahanap nito dito sa Pilipinas dahil gusto niyang masubukan din namin ito.
Naisip tuloy niyang magpabili sa tiyo ko na nakakapunta sa Estados Unidos at pagkaraan din ng mahigit isang buwan ay nakarating na sa amin itong Wholly Guacamole.  Tinikman namin ito, masarap nga!  Gawa ito sa avocado at nalalasa ang mga timpla nitong sibuyas at bawang.  Talagang kakaiba ito sa nakasanayan nang mga sawsawan ng chichirya na nabibili dito sa Pilipinas (gaya ng salsa, cheese, sour cream, atbp.).

Wednesday, January 30, 2013

Soyfresh Mango & Peach

Nabili namin ito sa Puregold Clark, Pampanga.  Mahigit $1 halaga nito (hindi hihigit sa $2, pasensya na nakalimutan ko ang eksaktong halaga).  Masarap naman pero hindi ako masyadong natatakam.  Di gaya ng Soyfresh Malt na nakakaadik.  Minsan nakakatuwa lang talaga na sumubok ng mga hindi gaanong karaniwan na pwedeng maikwento sa mga susunod na henerasyon.  Batid din namin na mahirap din na laging uminom ng gatas na galing sa soya dahil mataas ito sa uric acid na maaaring magdulot ng mga karamdaman gaya ng hypertension o pagtaas ng presyon o ng sakit sa bato.

Tuesday, January 29, 2013

Milky Cheese

Napili ko ito sa isang supermarket dahil ito na ang pinakamura sa mga kahilera nito (116 piso).  Sulit naman dahil gustong gusto ito ng anak kong 4-na-taong-gulang.  Masarap nga naman at malinamnam talaga.  Mahilig kasi sa tinapay ang anak ko, kaya't habang nakakakita ako ng mga kakaibang palaman ay sinasamantala ko ito.  Gusto ko ring masubukan ito bilang "dip," kasi nakalagay sa pabalat nito na pwede nga itong gawing ganun.  Medyo namomroblema lang ako sa chichiryang idi-"dip" kasi malasa na ang mga chips na nabibili dito sa atin sa Pilipinas.  Naiisip ko kasi dapat yung walang masyadong flavor o lasa ang dapat ginagamitan ng mga "dip" o sawsawan.

Monday, January 28, 2013

Ginisang Corned Beef

Ilang beses ko na ding nabanggit na hindi ko talaga linya ang pagluluto at parang kabaligtaran ito ng nakasanayan na kapag Nanay ay dapat magaling magluto.  Apat na taon na akong nanay pero hindi pa rin ako magaling magluto.  Kahit papaano ay sinisikap ko pa ring maipagluto ang pamilya, kahit mas madalas ay ang asawa ko ang nagluluto, lalo na yung mga kumplikado para sa akin gaya ng sinigang o adobo (opo, kumplikado na po ang mga iyon para sa akin, ganun ako ka-"bopols" sa pagluluto :D).
Kaya kapag namimili kami ay hindi nawawala ang corned beef o karne norte, para kapag hindi makakapagluto ang asawa ko ay may mailuluto ako.  Ang ginagawa ko muna sa paggisa nito ay inuuna ko ang bawang.  Kapag medyo sunog na ito ay isinusunod ko ang sibuyas.  Minsan kapag may gulay na natitira sa ref na pwedeng isama dito ay isinasama ko na, gaya nitong huli na may mga nakita akong kamatis.  Kapag medyo malinaw na ang sibuyas ay hinuhulog ko na ang ibang gulay.  Kapag medyo mukang luto na ang gulay ay hinihulog ko na ang karne norte.  Halo-halo ng konti, lagay ng kaunting asin o Maggi Magic Sarap o Aji-ginisa, halo-halo, tapos hihinaan ang apoy at tatakpan.   Mga 5 minuto lang na nakatakip at mahinang apoy, tapos pinapatay ko na.
Nitong huli, Ligo Carne Norte ang nabili namin.  Nakalimutan kong lagyan ng asin o Maggi Magic Sarap o Aji-ginisa.  Natikman ko ito nang inuulam na namin, parang medyo natabangan ako.  Yung mga huli ko kasing naluto na ibang tatak ay sobrang alat, kaya nitong huli ay nawala sa isip ko na maglagay ng mga pampalasa.  Naku, ginisang corned beef na nga lang, sablay pa rin ako.  Pero ayos lang naman, nakain pa rin namin at nakaraos ng isang tanghalian at isang hapunan.

Sunday, January 27, 2013

Dinurog na Coffee Beans

Kahapon ay pinakita dito kung paano nadurog ang coffee beans.  Nang madurog ay isinalin ko ito sa coffee maker gaya ng nasa larawan (binigyan din kami ng paper cups na pang-sapin).
Itong coffee maker namin ay sinasalinan lang ng tubig sa banda likod nito at nakalagay na rin sa labas kung gaano karami nang tubig ang inilagay (mula 4 hanggang 12 tasa ito).  Pagkasalin ng tubig ay buksan o buhayin ang kuryente nito para magsimula na itong magkatas ng kape.  Sa ilang saglit lang ay pwede na itong inumin.  Syempre mainit ito kaya mag-ingat!

Saturday, January 26, 2013

Coffee Beans

May nagbigay sa amin ng coffee grinder at ng coffee beans.  Medyo nasabik ako kasi nagsasawa na ako sa instant na kape, tsaka hindi ata biro ang magkaroon ng ganitong kasangkapan ang isang bahay (parang luxury lang ito, kung i-ka-kategorya ko ito).  Binasa ko ang instructions at hindi na ako nagpa-tumpik-tumpik pa.  Inilagay ko ang tamang dami ng coffee beans sa grinder (mga 9 na kutsara daw ng coffee beans para sa 12 tasa ng kape). 
Inilagay ang takip.
ito yung base ng coffee grinder
Inilapat sa base.


Sa pag-grind, nakapindot lang dapat (press and hold) sa takip habang dinudurog nito ang mga butil ng kape.  Nakalagay sa panuto na mga 15 segundo ang pagpindot kapag nasa maximum ang dami ng kapeng dinudurog.
Pagkatapos ng 15 segundo ay ito na ang itsura ng dinurog na coffee beans.  Bukas ay ipapakita ko naman kung paano ito ginagamit sa coffee maker.

Friday, January 25, 2013

Our White Sauce Spaghetti

First time kong maglulutong mag-isa ng white sauce spaghetti.  Dati ay nakapagluto na ako ng nakasanayan nang red sauce ng spaghetti, pero itong white sauce ay panibagong hamon sa akin at talagang medyo kinakabahan ako dahil nga hindi ko talaga linya ang pagluluto.
Ang una kong ginawa ay niluto o pinirito ang bacon crumble (nabili sa supermarket).  Pagkaluto ay hinango ang karamihan at nagtira ng kaunti sa mantika.  Habang nasa mantika pa ang ibang natitirang bacon crumble ay inilagay ko ang sibuyas na puti.  Hinalo-halo at nang maging medyo malinaw na ang sibuyas ay inilagay ko ang mga de-latang mushrooms.  Makaraan ang ilang minutong paghalo-halo ay inilagay ko na ang hiniwang ham.  Alam kong saglit lang ay maluluto din ang ham dahil medyo luto naman na iyon nang binili, kaya't nang maramdaman kong medyo luto na ito ay ibinuhos ko na ang Angel KremQueso.  Pagkaraan ng ilang minuto ng paghahalo ay naramdaman kong parang masyadong malabnaw ang nagawa ko, kaya't tinawag ko ang asawa ko para magpatulong.  Sabi niya ay ayos lang na ganun kalabnaw iyon, pinakuha niya pa sa akin ang de-latang cream of mushroom at ibinuhos pa doon.  Naglagay pa siya ng konting pampalasa (Maggi Magic Sarap) at maya-maya'y sinabi niyang ayos na daw.  Nagbuhos ako nito sa spaghetti tapos binudburan ko nang itinabi kong bacon crumble.  Sarap!

Thursday, January 24, 2013

Bird Ballpen

Di ko maalala kung saan ko nakuha ito, pero hindi ko na rin ito gaano nagamit dahil pagkatapos ko ng kolehiyo ay di na ako halos gumagamit ng ballpen kasi puro sa cellphone at computer na lang ako nagsusulat.
Nahalungkat ko lang ito nang minsang kailangan kong magligpit ng gamit.  Hindi na siya sumusulat nang subukan ko.  Ewan ko lang kung painitan ko sa apoy ang dulo nito, di ko pa nasubukan (nasubukan ko dati sa ibang ballpen na hindi sumusulat, nang painitan ko sa apoy ng lighter ang dulo nito na ipinangsusulat sa loob ng ilang sandali, dumulas ito at sumulat uli sa papel).
Napatawa ang 4-na-taong-gulang kong anak nang makita niya ito.  Natatawa siya sa itsura (para din kasing nangungusap ang mukha ng ibon na para bang nagpapatawa ang mukha niya).

Wednesday, January 23, 2013

Cute Lollipop

Ipinamimigay ito ng isang promo girl ng Globe Telecom sa isang mall dito sa amin.  Napadaan lang kami at iniabot ito sa 4-na-taong gulang kong anak.  May pakiramdam ako na home-made ito at hindi nabibili sa kung saang tindahan (kumbaga parang made-to-order).  Tinikman ko ito at lasa itong Kendi Mint!  Ito ay isang kendi mula sa dekada 80 na matamis na minty ang lasa tapos may tsokolate sa loob.  Di ko lang alam kung may tsokolate din sa loob itong lollipop na ito, pero wala namang nabanggit ang anak ko.

Tuesday, January 22, 2013

Enlins Ensaymada

Nabigyan kami nito ng isang kamag-anak galing Bulacan.  Hindi rin naman ito nalalayo sa mga ensaymadang natikman ko pero parang ito lang ang may itlog na maalat sa ibabaw.  Para sa akin, nadagdagan nito ang linamnam ng ensaymada.


Monday, January 21, 2013

Frying Pan at Swift Noche Buena Ham

Kapag pasko, hindi ako sanay na walang hamon sa kakainin namin.  Ayos lang sa akin kung walang prutas o queso de bola, pero pag walang hamon, parang hindi pasko.  Kaya naman nitong Disyembre, hindi namin pinalampas na walang hamon.  Kaya lang, nung bibili na kami ay isang linggo na lamang at pasko na.  Habang papalapit ang okasyon ay lalong tumataas ang presyo ng hamon.  Sanay din ako na Purefoods Fiesta Ham ang hamon, pero maluwag sa kalooban ko na sumubok ng iba para na rin makamenos. 
Nung araw na bibili kami ng hamon ay halos 500 piso na ang presyo ng Purefoods Fiesta Ham.  Ang una naming nakita na hindi Purefoods Fiesta Ham ay ang Swift Noche Buena Ham, at ang presyo nito ay 185 piso.  Walang atubiling kinuha ko ito agad kasi naisip ko naman na Swift ito, isang malaking kumpanya din na pinagtitiwalaan ko rin dahil parang magkaribal sila ng Purefoods.  Tapos malaki ang mamemenos ko kung ikukumpara ko ang presyo sa Purefoods Fiesta HamAt least noong araw na iyon ay hindi ko na poproblemahin ang hamon para sa aming Noche Buena.
Sanay din ako na tinu-Turbo Broiler ang hamon, kaya pinasalang ko iyon sa nanay ko.  Nang hahanguin na iyon ng asawa ko, napansin niya na ang lambot tusukin ng hamon de bola na iyon.  Nang matikman namin, masarap ang lasa dahil meron din ito nung matamis na sarsa kagaya ng sa Purefoods Fiesta Ham.  Pero nang kagatin na namin, ayun na!  Hindi siya buong karne!  Para itong giniling na karne na hinaluan ng napakaraming harina o extenders.  Kinabukasan ay naisip namin na hiwain na lang ito at pritusin para mabawasan yung kalambutan niya na malapit na sa salitang "malata."  Pwede na rin naman siyang kainin, ika nga sa wikang Ingles ay edible.  Pero para sa akin, hindi nito naibigay yung pakiramdam ng pasko.  At least ay alam na namin na hindi na kami bibili nito sa susunod na mga pasko.

Sunday, January 20, 2013

Goldilocks Puto

Hindi ako mahilig sa puto pero napabilib ako nitong nabili namin sa Goldilocks.  Ang sarap, nakakaadik!  Nabili namin ito sa halagang 75 piso.  Bumili kami  nito para ipasalubong sa isang tiyahin namin, at bumili din kami ng para sa amin para naman malaman namin kung masarap ba yung pasalubong namin.  Napanatag ang loob ko na masarap siya at hindi nakakahiya na ito ang ipinasalubong namin.


Saturday, January 19, 2013

Royal Tru-Grape

Dati nakakita kami noong Royal Tru Lemon sa bote.  Ngayon naman nakakita kami ng Royal Tru-Grape sa lata.  Humigit-kumulang 19 piso ang bili namin dito sa supermarket.  Masarap siya at nakaka-adik!  Hindi ako mahilig sa grape-flavored na inumin pero itong Royal Tru-Grape ay maiinom ko nang tuloy-tuloy.

Friday, January 18, 2013

Cherry Coke

Dati ko nang narinig na sikat ang Cherry Coke sa Amerika.  Nitong Disyembre 2012 ay nagkaroon kami ng pagkakataon na makabili nito sa Puregold Clark, Pampanga sa halagang $0.55.  Ayos naman pero mas gusto ko pa din yung natural na Coke na walang flavor.

Thursday, January 17, 2013

Brown Birds

 Di ko alam kung nakikita nga ba sa larawang ito ang kinukunan ko - mga kulay brown na ibon na nakadapo sa damo/talahib!  Di ko maintindihan kung paano sila nakakadapo sa maninipis na dahon ng talahib na hindi bumabagsak o bumababa ang mga dahon sa lupa.  Madalas lang talaga namamangha ako sa kalikasan.

Wednesday, January 16, 2013

Canada Dry Ginger Ale

Kinuha ko ito kasi curious talaga ako kung anong lasa ng ginger ale.  Dati ko na itong naririnig, at ang naiisip kong lasa nito ay malapit sa salabat na mahirap inumin.  Laking gulat namin ng asawa ko nang matikman namin, ang sarap nito!  Para itong Sprite o 7-up, tapos kulay dilaw na malinaw.  Manamis-namis ito at may "ispirito" o fizz, halos wala naman akong nalasahan na luya.  Di ko alam kung bakit siya tinawag na ginger ale pero para sa akin, softdrinks siya!  Nabili namin ito sa PureGold sa Clark, Pampanga sa halagang $0.55.

Tuesday, January 15, 2013

Coors Frost Brewed

Hindi ko alam na meron din pala nito sa Pilipinas, para kasing nakikita ko lang siya sa mga kamisetang imported.  Totoong serbesa pala ito at ngayon ay nakatikim din kami nito.  Sa supermarket namin ito nabili.  Masarap siya, lalo kung malamig na malamig.  Di ko lang alam kung mabigat ito kapag nakarami ng inom (sa karanasan ko kasi sa San Mig Light, kahit marami na akong nainom ay hindi pa masyadong mabigat sa tiyan).  Di rin ito gaanong mahal, nakakasabay din ito sa presyo ng mga lokal nating serbesa.

Monday, January 14, 2013

Mushroom & Herb Risotto: Trader Joe's

May nakapagbigay sa amin nitong Mushroom & Herb Risotto ng Trader Joe's.  Madalas naming makita ito sa mga "cooking shows" sa telebisyon, pero parang di pa talaga kami nakakatikim nito sa totoong buhay.
Kanin din naman pala ito, pero di siya sinasaing.   Ayon sa panuto ng paketeng ito, igigisa ang bigas sa 1 hanggang 2 kutsarang mantika (olive oil) tapos saka ito bubuhusan ng tubig na pinagkuluuan ng karne (broth).  Pero wala kaming pinagkuluuan ng karne, kaya nagtunaw ang asawa ko ng chicken cubes sa 3 tasa ng tubig.  Iyon ang ibinuhos niya na nagsilbing "broth."  Pina-iga iyon sa mahinag apoy at dinagdagan ng pakonti-konti pang "broth" nang naiiga na iyon hanggang sa tuluyang maluto.   May kasama ding pulbos ng flavoring na ihinalo nang maluto na ang risotto.  Masarap naman, kaya ko itong kainin nang walang ulam.

Sunday, January 13, 2013

Pringles Honey Mustard

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito kumuha ng "macro shot" ang HP V5061 namin.  Akala ko malinaw dapat ang malapit na kinukuhanan kapag "macro," pero di ko talaga maintindihan kung bakit ganito lumabas - malabo!  Mabalik tayo sa talagang pag-uusapan, ang Pringles Honey Mustard.  Masarap ito, pero parang pangkaraniwan na ang flavor na ito.  Manamis-namis at nakakaadik!

Saturday, January 12, 2013

Cali Ice

Lumabas ito noong dekada 90.  Akala ko wala na ito ngayon pero nakakita kami sa isang supermarket nitong Disyembre 2012.  Bumili kami para malaman kung ganoon pa rin ito gaya ng dati.
Ganoon pa rin nga, wala akong nalasang pagbabago.  Kung noon ay hindi ko maintindihan kung bakit nila ginawa ang ganitong inumin, hanggang ngayon ay di ko pa rin ito maintindihan.  Kasi malapit siya sa amoy ng serbesa, pero matamis naman ang lasa nito at halos wala namang pait.  Ginawa ba nila ito para sa mga 17-taong-gulang na di pa pwedeng uminom ng serbesa pero gusto na?  Para bang ihinahanda nila ang mga teenager na masanay sa amoy-serbesa?  Masarap nga itong inumin pero di ko maintindihan kung ihahanay o iuuri ko ba ito sa mga softdrinks na pwedeng gawing panulak sa pagkain ng tanghalian o hapunan?

Friday, January 11, 2013

Coke Vanilla

Parang di masyadong sikat sa Pilipinas ang cola na may flavor.  Nakita ko ito sa PureGold sa Clark, Pampanga at nabili ko ito sa halagang $0.55.  Ayos naman na lasa talaga ang vanilla sa inumin na ito, pero mukhang hindi ito gaanong magugustuhan ng karamihan sa Pilipino.  At least sa hinaharap ay masasabi ko sa mga bata na nakaranas kaming makatikim ng ganito.

Thursday, January 10, 2013

Toasted Monay Bae

Tuwing napapadaan kami sa Bay (Ba-eh) ay bumibili kami ng Monay Bae.  Nitong huling bili namin ay nadiskubre ng asawa ko na nagtitinda din sila nitong Toasted Monay Bae.  Sampung piso ang bili namin dito.  Masarap din siya at malutong, at kuha pa rin ang natatanging lasa ng Monay Bae.  Limang piso nga pala yung sariwang Monay Bae (madalas mainit-init pa ito pag nabibili namin).  Masarap papakin ito kahit walang palaman kasi manamis-namis ito at natutunaw sa bibig.

Wednesday, January 9, 2013

Chicken Burrito: Army Navy

Sa balot pa lang ay humanga na ako dahil ang ayos nang itsura.  Kumuha kami nito kasabay noong pagkuha namin ng libreng Classic Burger (paskil kahapon).  Ito na ang pinakamura nilang burrito sa halagang 165 piso (ka-presyo ng kanilang Vegetarian Burrito).
Masarap ito pero hindi ito gaanong nagustuhan ng 4-na-taong-gulang kong anak.  Baka dahil mas nagustuhan niya lang talaga kainin yung Classic Burger.  Hindi ko maalala kung nakatikim na nga ba ako ng burrito o hindi, pero medyo nagulat ako na may kanin ito sa loob!  Tapos nangingibabaw ang lasa ng beans na talagang nagbibigay ng pakiramdam na Mexicano.  Marami din itong gulay sa loob.