Kamakailan lang ay sumakit ang tiyan ng anak kong tatlong taong gulang, at sa sobrang sakit ay hindi siya makatulog. Napansin kong parang lumaki ang tiyan niya. Pinahiran ko ng manzanilla ang tiyan niya, tapos pinaihi ko siya at pinaupo sa inidoro. Napadumi siya pero lusaw ito. Hindi rin siya napautot at hindi rin gumaan ang pakiramdam niya. Nagdesisyon na akong dalhin siya sa ospital. Doon pina-X-ray ang tiyan niya at nadiskubreng may hangin ito at hindi makalabas. Nirekomenda ng doktor na gamitan ng pampadumi na suppository ang anak ko. Epektibo naman at napadumi siya nang marami. Pagkatapos noon ay biglang guminhawa ang pakiramdam ng anak ko.
Kaya pala nagkaganon ay dahil may mga natirang dumi sa bituka niya. Sa pagtitibi niya, naipon ito at nagbara, kaya hindi makalabas ang hangin sa tiyan niya. Pinayo ng doktor na baguhin ang kanyang dyeta at dagdagan ito ng mga gulay at prutas para hindi na siya magtibi.
Swerte naman na pagbukas ko sa aming ref ay mayroong repolyo at carrots. Naalala ko yung narinig ko sa patalastas, at napagpasyahan kong subukan yun. Hiniwa ko ang carrots at repolyo. Naghiwa din ako ng 1/4 ng sibuyas. Naglagay ako ng tubig sa kaserola at pinakuluan ang 1/4 na sibuyas. Pagkulo nito ay binuhos ko ang isang pakete ng Maggi Magic Sarap. Hinalo ng konti at isinunod na hinulog ang repolyo at carrots. Kumuha ako ng itlog, binasag ko ito at hinalo ang kumukulong tubig na may timpla at gulay. Nakakatuwa kasi masarap ang kinalabasan nito. Nagustuhan din ito ng anak ko, at kinain din niya ang mga gulay dito!
No comments:
Post a Comment