Mahilig ako bumili ng tambakol para gawing ulam. Hindi ako sigurado kung ano nga ba ang English sa tambakol, tingin ko ito na yung tuna.
Sabi sa isang supermarket na nabilhan ko, ito daw yung yellow fin
tuna. Hindi ko rin sigurado kung ito rin ba yung sikat na tuna ng
GenSan. Yung tulingan naman, bonito tuna daw sabi nung isang supermarket na nabilhan ko.
Ito ay tambakol na niluto (baked) sa oven. Sinaing ang madalas na luto ko sa tambakol. Sinubukan ko lang kung ayos lang ba i-bake ang isdang ito. Nagkataon sinubukan ko ding gumawa ng gravy dahil sa piniritong manok noong nakaraang araw. Makikita dito sa larawan ang binudbod na Italian Seasoning (nabibili sa supermarket) sa ibabaw ng gravy. Maayos naman ang naging kombinasyon ng baked tambakol at ng gravy. Nga lang sa panlasa ko, parang masyadong natuyo ang laman ng tambakol.
1. Maglagay ng ilang piraso ng tuyong kalamyas sa kaserola. Lagyan din ito ng ilang pirasong pinitpit na bawang. Linalatag ko sila sa paraan na parang sila ang ginagawa kong pangsapin para hindi masyadong dumikit ang isda sa sahig ng kaserola.
2. Ilatag ang isda sa ibabaw ng kalamyas at bawang.
3. Bago magpatong ng isda sa unang latag ng isda, budburan ito ng isang kutsarang asin. Budburan din ito ng pamintang durog. Lagyan din ng ilang pirasong tuyong kalamyas at pinitpit na bawang na para bang iyon ang sapin ng ipapatong na isda para hindi direktang magdikit ang dalawang layer ng isda.
4. Ulitin hanggang mailagay ang lahat ng isda.
5. Lagyan ng tubig ang kaserola hanggang sa kalahati nito (minsan nilalagyan ko hanggang sa 3/4 ng kaserola para mas maraming sabaw).
6. Lagyan ng 5 hanggang 6 na kutsarang suka (depende sa dami, kung mga 2 kilong tambakol ang lulutuin, maaring maglagay ng mas marami pang suka). Ito ay magsisilbing pang-iwas sa mabilis na pagsira/pagpanis. Maaari ding budburan ng paborito ninyong pampasarap (Maggi Magic Sarap, halimbawa).
7. Takpan at pakuluan ito sa mahinang apoy, 2 hanggang 3 oras (pagkatapos ng 2 oras, maaari na itong iulam, pero mas sasarap pa ito pag pinakuluan pa hanggang 3 oras)
Kung naiiga ang tubig, maari itong dagdagan ng pakonti-konti para hindi tuluyang maiga ang sabaw. Ayon sa napanood ko sa TV, pinapakuluan nila ito sa palayok sa loob ng 6 na oras sa Batangas! Gusto ko ring masubukan ang authentic na luto ng sinaing na isda sa batangas, kung saan ito taal :)
No comments:
Post a Comment