Para kumpleto, sumubok kami ng dessert. Ito ang kanilang Turon con Latik. Noong bata pa ako, mas madalas kong naririnig ang salitang sagimis kaysa sa salitang turon, pero ang alam ko pareho lang sila - saging na saba na binalot sa asukal at lumpia wrapper saka ipinrito.
Ganun din naman ang turon nitong Turon con Latik, piniritong saging na nakabalot sa lumpia wrapper. Pero ito, may sarsang latik. Naalala ko noon, natutunan ko ang salitang latik sa tatay kong Bicolano. Gumagawa kasi sila noon ng nanay ko ng sinukmani para sa araw ng mga patay. Tapos nakita ko yung gata, hinahalo niya nang hinahalo sa kawali, tapos naging butil-butil siya na kulay brown. Yung buo-buo na yun na kulay brown, yun na daw yung latik, at ibinudbod yun sa ibabaw ng sinukmani.
Pero nitong tumatanda na ako, naririnig ko na rin na latik din ang tawag nila sa coco jam diyan sa bandang Batangas. Mukhang ganon din ang ibig sabihin dito sa himagas na ito. Masarap siya at talagang natural lang ang pagkagawa, di katulad ng mga naka-boteng coco jam na nabibili sa supermarket. Yung linga nakakatulong sa pangkontra ng sobrang tamis. Balang araw susubukan ko sigurong gumawa ng ganito sa bahay, yung turon hindi ko na lalagyan ng asukal kapag binalot.
No comments:
Post a Comment