Thursday, November 29, 2012

Bubble Gum with Tattoo

Di ko na maalala kung saang kasiyahan namin nakuha ang isang "loot bag" na nasa ref namin.  Nakita ito ng apat-na-taong-gulang kong anak at nakiusap sa akin na bigyan ko siya ng kahit isa sa mga laman ng loot bag na iyon.  Ito ang pinakauna kong nakuha, at na-cute-an ako (o na-miss ko lang ang mga ganitong nakikita ko noong bata pa ako).
Pagbukas sa loob meron ngang kapirasong papel na may panuto kung paano ilagay sa balat ang tattoo.
Sa kasamaang palad, hindi tumalab agad sa balat ng anak ko ang tattoo.  Naisip ko baka dahil ang tagal na nitong nakaimbak sa ref, baka nawala na ang bisa.
Sinubukan kong idikit sa balat ko ang tattoo at pinabayaan ko lang ito.  Pagkalipas ng mga 10 minuto ay tinanggal ito ng anak ko mula sa pagkakadikit sa balat ko.  May naiwang kaunting tattoo sa balat ko, pero hindi pa rin ito buong kumapit.

Wednesday, November 28, 2012

Burger na Inipit

Nakabili kami ng Kyowa Burger and Pancake Maker sa halagang mahigit 500 piso.  Naakit ako dito kasi naisip kong hindi na kailangang magpakahirap magbaliktad ng pinipritong pancake kapag gumamit nito.  Ngayon ay napakikinabangan kong ito nang mabuti dahil iniipit ko dito itong mga hamburger buns na may kung anu-anong palaman - peanut butter, hamburger, ham at keso, at iba pa.  Mas natatakam ang pamilya ko kapag iniipi ko nang ganito ang mga tinapay namin (kahit tasty bread naiipit ko dito).

Tuesday, November 27, 2012

Mister Donut Halloween Treats

Binili namin ito isang beses noong bago mag-undas para ipasalubong sa mga bata sa bahay.
Na-cute-tan na naman ako, kaya kinuhanan ko ng litrato.
Tuwang-tuwa naman ang mga bata sa pasalubong na ito.  Di ko na maalala eksakto, pero mga tipong 95 piso ang bili ko dito.

Monday, November 26, 2012

Slush It! - Tea-rrific

Mahilig kami sa mga malalamig na inumin, lalo na ang asawa ko.  Isang beses sinubukan namin itong Green Tea ng Tea-rrific at habang ginagawa iyon ay napansin talaga ng mata ko ang salitang FREE.  Nang binasa ko ang kabuuan, ang sabi ay "Slush It for FREE" kaya kahit hindi ko masyadong alam kung ano kalalabasan non, sinabi ko na rin sa gumagawa na gawin niya iyon (tutal libre naman eh).  Dinagdagan pala iyon ng durog na yelo at konting gatas (kaya yata pumuti).  Ayos naman para sa akin, sa asawa ko, hindi siya natuwa sa pagkakaluto ng sago - hindi raw gaanong makunat o chewy.

Sunday, November 25, 2012

Breaking Dawn Treat - Swirls Ice Cream

Akala ko pa naman sasaya na kami sa halagang 49 piso nyang araw na napagpasyahan naming subukan ang Breaking Dawn Treat Eclipse Special Edition ng Swirls Ice Cream.  Hindi ito nangyari dahil wala na ang sukat na para sa 49 piso.  Ang meron na lang ay yung pag-65 piso.  Sumaya naman kami kasi ang sarap talaga nito, pero 65 piso ang binayaran namin para dito.  Pero sulit naman, malaman at masarap talaga.  Halos kagaya din ito nung una naming sinubukan kasi kape din ang pinaka-nagingibabaw na lasa dito.  Tapos ganun din kasarap yung timpla ng tamis, kape at Coffee-mate.  Sabi ko sa nagsisilbi baliktarin niya uli yung baso pagbigay samin, ala-Dairy Queen.  Pero tumanggi siya kasi baka daw mahulog yung mga kasuy sa ibabaw :D

Saturday, November 24, 2012

Chicken Cacciatore - Middle Eats Bistro

Tinanong ko sa nagsisilbi kung ano bang pwede naming kainin na pwede na naming pagsaluhang mag-anak.  Ang inirekomenda niya ay itong Chicken Cacciatore. 
Masarap siya pero parang hinahanap ko ang tamis, pero hindi naman dapat.  Talagang lumabas yung natural na asim ng kamatis, rich din ang paglalarawan ko sa sarsa nito.  Tapos yang malaking pula sa plato, isang pyesa ng manok yan na balot na balot sa sarsa.

Friday, November 23, 2012

Cold Drinks - Middle Eats Bistro

Ang kinuha naming inumin ay ang kanilang Fruit Lassi.  Mangga ang napili naming prutas at grabeh, ang sarap nito, ang rich!!  Yung Maltese Brewed Iced Tea, masarap din.  Hindi siya lasang instant o pulbos na tinitimpla.  Lasa siyang totoong tsaa na pinalamig, tapos ang galing ng pagkakatimpla nila ng tamis at lemon.

Thursday, November 22, 2012

Mezze Platter - Middle Eats Bistro

 Wala kaming planong kumain dito, napadaan lang talaga kami at nagkataon na may bakanteng paradahan kaya napagpasyahan namin na bumaba ng sasakyan at pumasok sa Middle Eats Bistro kung saan nakalagay sa harap nilang karatola na ang pagkain nila ay Mediterranean.   

Naisip ko kasi parang sa TV lang ako nakakakita ng Mediterranean na pagkain kaya medyo nasabik ako dito.  Syempre kalahati ng isip at damdamin ko ay negatibo dahil gastos na naman ito :D Pero mabibili ba ng pera ang halaga ng karanasan at ang madadagdag na kaalaman sa karanasang ito? ;)

Namangha kami pagpasok kasi maaliwalas at maganda ang mga muebles.  Hindi masyadong malaki pero walang amoy (minsan kasi pag maliit yung lugar, naiiwan at naiipit sa loob ang amoy ng pagkain).  Meron din silang hooka na pwedeng gamitin sa halagang 120 piso.  Inirekomenda sa amin ng nagsisilbi itong Mezze Platter nila kasi sabi namin medyo busog pa kami.
Humanga ako sa pagkaka-presenta ng pagkain sa amin, ang linis tingnan at yung pita bread na nakabalot sa tela, pagbukas ko, umuusok sila!  Ang sarap, ang sari-sariwa!  Yang mga kasalo, lahat masarap.  Yung puting-puti, yan yung Tzatziki - maasim-asim na ma-sibuyas ang lasa.  Yung katabi nyan, yan yung Baba Ganoush - sa aking sariling paglalarawan, malapit siya sa lasa ng kulawo.  Para siyang nilutong talong na may lasa ng usok at ma-sibuyas din sa panlasa ko.  Yung manilaw-nilaw ay yung Hummus - para siyang makeso (cheesy) na ma-bawang ang lasa.  Yung nasa taas ay mga hiniwang pipino, kamatis at bawang.  Tingin ko ang silbi nun ay para ma-refresh ang dila kapag masyado nang natapangan sa lasa nung tatlong kasalo.  Yung may takip naman ay chili oil, hindi namin nagamit iyon.
Tumatanggap sila ng credit card na pambayad dito.  Ang presyo nitong Mezze Platter na ito ay 188 piso.  May mga natira kami nitong mga kasalo (inubos namin ang pita bread kasi akala ko hindi pwedeng iuwi) at ibinalot ang mga ito para maiuwi namin.  Kinabukasan, kinain namin yung mga kasalong yan kasama ng Sky Flakes Crackers - pasok din, ang sarap!



Wednesday, November 21, 2012

Spanish Style Sardines Spaghetti

Ilang beses na din namin ginawa ito at masasabi kong simple lang gawin ito.  Iginisa lang namin ang spanish style sardines (bawang, sibuyas) at ihinalo lang namin ang luto nang spaghetti noodles.  Dito sa larawan, makikitang binudburan namin ito ng spring onions (yung maliliit na kulay berde).  Hindi naman talaga iyon kailangan, binudbod lang namin dahil marami kaming sobra mula sa dati naming niluto.  Ang asawa ko ang nagluto at nag-plate nitong nasa larawan na ito.  Mainam ito sa mga taong mahilig sa maanghang.

Tuesday, November 20, 2012

Back From A Loooong Break!

Kung mapapansin, ang tagal kong hindi nakapagsulat/nakapagpaskil dito.  Nagkaroon kasi ng isang mahalagang kaganapan sa aming pamilya at naging abala ako dito.  Sana sa pagbabalik kong ito ay makapagtuloy-tuloy na ako at makapagbigay o makapagbahagi pa ng mas marami pang kaalaman at karanasan.
Nakita ko itong Pure & Best Milk na ito sa supermarket.  Nakuha nito ang atensyon ko kasi mga imported na gatas lang ang alam kong naka-karton ng ganito.  Naalala ko ang isang eksena sa pelikulang GROWN-UPS kung saan nang-agaw ng ganitong karton ng gatas ang isa sa mga bida para ipakita sa apat-na-taong-gulang niyang anak na ayos lang uminom mula sa karton.  Kinuha ko ito at nabili sa halagang 27 piso.  Kinabukasan ko na binuksan ito, at dun ko lang nabasa na sa Calauan pala ito ginawa!  Ang mga baka daw na pinanggalingan ng gatas ay galing daw sa Australia at New Zealand.  Sa lasa naman, masarap siya.  Hindi gaanong matapang ang lasa ng melon, hindi gaya ng sa Magnolia.  Hindi rin gaanong matamis, at iyon ang mas gusto ko sa gatas.  Nakakabilib na dito lang ito galing sa atin sa Pilipinas.

Saturday, October 13, 2012

Pan de Mani

Nakita ko ito sa mesa namin kaninang umaga.  Tinanong ko sa nanay ko kung ano yun, sabi niya pan de mani daw.  Na-curious ako kasi ngayon ko lang narinig ang ganung "pamagat" ng tinapay.  May naglalako daw niyan at iba pang klaseng tinapay kaninang umaga sa lugar namin at doon niya ito nabili.  Ang bili niya dito ay 5 piso.  Ang gusto ko talagang matikman dito ay yung palaman.  Matamis at lasang lasa ang vanilla sa palaman na iyan, at malalasa rin nang konti ang lasa ng mani.  Sabi ng asawa kong minsan nang naging panadero, gawa rin daw ang palaman na iyan sa pulbos ng mga lumang tinapay.

Friday, October 12, 2012

Bahaghari

Maghapong umulan nung araw na iyan at nakita namin ito bandang alas-4:30 ng hapon.  Parang ngayon lang ako nakakita ng bahaghari sa makulimlim na langit.  Di ko alam kung ano ang tamang setting ng scene sa aking digital camera para makuhanan ko nang naganda ang bahagharing ito, kaya ilang larawan din itong nakuha ko.


Thursday, October 11, 2012

KFC Mac and Cheese Bites

Na-intriga ako kung anong lasa ng ginawang ito ng KFC.  Ang bili namin dito ay 49 piso.  Mga 5 hanggang 6 na piraso ang laman ng kahong ito.  Ayos naman, masarap.  Nang makanguya ng ilan sa unang kagat, sabi ng anak kong 3 taong gulang, "hmm...cheese."
Parang wala namang laman ng manok ito (akala ko kasi meron komo KFC ito).  Parang may nakita akong piraso ng bacon pero di ko matiyak kung yun nga ba yun.

Wednesday, October 10, 2012

Dahil sa Bentilador

Gusto kong maalala na ngayong mga araw na ito ay kumikirot ang hinliliit ko.  Meron kasi itong sugat dahil napasok ko ito nang hindi sinasadya sa bentilador na umaandar.  Parang ironic nga kasi palagi kong pinapaalalahanan ang anak ko na wag lumapit sa bentilador para maiwasan ang aksidenteng gaya ng pagdali ng umiikot na elisi sa mga daliri.  Nangyari kasi ito isang umaga nang kailangan kong maghanda para sa pagpasok ng asawa ko sa trabaho.  Pasado alas-5 ng umaga noon, madilim pa nang bumangon ako.  Bago ako lumabas ng kwarto ay naisip kong patayin ang bentilador dahil malamig at baka ginawin ng husto ang mag-ama.  Hindi ko nakikita, nilapit ko ang kamay ko sa bentilador para maabot ang patayan o switch nito.  Pero mali pala ang tantiya ko at papasok pala sa elisi ang mga daliri ko.  Sa sobrang sakit ng pagkakadali ng hinliliit ko sa elisi, namanhid ito ng siguro humigit-kumulang isang minuto.  Tapos natiklap pa ng konti yung balat.  Naisip namin ng asawa ko na balutan ng kuritas ito, kaya lang sabi ko matatanggal lang din yun lagi dahil sa paghuhugas ko ng plato at paglalaba.  Baka medyo matagalan pa bago ito matuyo at gumaling dahil nga sa mga gawaing basa na ginagawa ko.

Tuesday, October 9, 2012

Shine Pink

Natanggap ko lang ito bilang pasalubong sa balikbayan na kamag-anak ng asawa ko.  Hindi ko nahalata agad na Victoria's Secret pala ito.  Mabango ito.  Naalala ko tuloy isang beses na nakita ako ng pamangkin ko na naglo-lotion.  Sabi niya, "bakit naglo-lotion ka pa?  Eh ang bango mo na!" (kakalagay ko lang din kasi ng pabango noon).  Sinabi ko sa kanya na hindi ako naglo-lotion para bumango, kundi para hindi matuyo ang balat ko.  Sabi rin sa akin ng asawa ko na nung bata pa siya, akala daw niya na ang silbi ng lotion ay para bumango ang isang tao.  Natawa ako sa kanilang dalawa :D

Monday, October 8, 2012

Cloud 9 Crunchy

Wala naman kaming balak bumili ng tsokolate pero kinuha ko ito nang makita namin ito sa may kahera nang magbabayad na kami ng aming pinamili sa supermarket.  Bago sa paningin ko kaya sabi ko isama na namin sa babayaran namin.  Ang bili namin dito ay 6.50 piso.  Pasensya naman, pero hindi ako masyadong nasarapan.  Yung mani sa loob, parang medyo luma na ang lasa.  Tapos yung tsokolate parang kulang sa linamnam.  Akala ko pa naman para siyang yung Big Bang na nabibili ko noong dekada 90, parang wala na akong nakikitang ganun sa panahong ito.  Paborito ko pa naman yun ;)

Sunday, October 7, 2012

Nivea Baby Soap

Natutuyo ang balat ng anak kong 3 taong gulang kapag ginagamit niy ang isang uri ng sabon sa matagal na panahon (di ko nasukat eksakto, pero parang tatlong linggo ang tagal bago matuyo ang balat niya sa isang sabon).  Noon ay hindi ko maintindihan kung bakit nagkakaganon, pero nadiskubre ko rin na dapat magpalit siya ng gamit na sabon tuwing ika-3 linggo ng paggamit ng isang sabon.  Naisip kong pagpalit-palitin ang Tender Care at yung Safeguard Ivory Care kada 3 linggo, at umepekto naman.  Mula noong ganun ang gawin ko, hindi na siya nagkakaroon ng magaspang na balat sa batok at sa singit ng braso.
Ngayon ay kailangan nang bumili ng sabon ng anak ko, pero ang napuntahan naming pamilihan ay walang tindang Tender Care (Safeguard kasi itong huling gamit niya).  Ang mga mapagpipilian lang namin doon sa mga tinda nila ay Enfant, Dove, at itong Nivea (pasensya naman, di na kami gumagamit ng Johnson's kasi talagang tuyo agad ang balat ng anak ko pag yun ang gamit).  Pinili namin itong Nivea kasi mas banayad ang amoy nito kaysa doon sa Enfant.  Di ko napili yung Dove kasi dalawahan ang bili sa halagang 99 piso.  Ito namang Nivea at Enfant ay pareho ang presyo na 39.75 piso at parehong 100g.
Kinuhanan ko ito ng larawan kasi na-cute-an ako sa kahon nilang ito.  Tsaka gusto ko ring maitala na minsan ay sinubukan namin ito.  Isang beses pa lang ito nagamit ng anak ko, titingnan pa namin kung hindi matutuyo ang balat niya sa mga susunod na araw.

Saturday, October 6, 2012

Swirls Ice Cream

Ay grabe sobrang nasarapan ako dito sa nabili naming Mud Spinner sa Swirls Ice Cream.  Itong Mud Spinner nila ay kape ang flavor na binudburan ng Oreo.  Pagbigay nito sa asawa ko, binaliktad nung tindero ang basong ito para ipakita na hindi siya malabnaw at tumutulo.  Di ko napigilang magsabing "wow parang Blizzard (DQ) lang ah!"  Tapos nung sumubo ako, nagulat ako, ang sarap!  Mahilig ako sa kape, naitanong ko tuloy sa mga tindero kung anong kape ang nilagay nila.  Sabi nila ay Nescafe at Coffee-mate daw.  ang bili namin dito ay 49 piso at ito ay 8 oz.

Friday, October 5, 2012

Instant Lechon Paksiw

Isang beses nakita na namin sa grocery yung Maggi Magic Meals pero nag-alangan akong sumubok.  Pero nung nakita namin ito sa pangalawang pagkakataon, kinuha ko na itong kanilang Lechon Paksiw.  Naagaw nito ang atensyon ko nang mabasa ko yung nakalagay na: Just Add 1/2 kilo pork belly.  Kaninang umaga ay tinanong ako ng nanay ko kung may ipabibili daw ba ako kasi papunta siya ng palengke.  Nagbigay ako ng 100 piso at nagpabili ng kalahating kilo ng liempo.  Pagbalik niya, agad akong naggayak para gawin itong "Magic Meal" na ito.  Hiniwa ko ang karne, pero nahirapan ako.  Kaya iminungkahi ng nanay ko na pakuluan ko ito sandali para mas madali itong hiwain.  Mga 10 minuto lang yata yun, at nahiwa ko na nga iyon nang mas madali.  Inilagay ko ang nahiwang karne sa supot ng Maggi (kasama iyon sa pakete) at ibinuhos ang pulbos na panimpla (kasama din iyon sa pakete) at 1/4 tasa ng tubig.  Ibinuhol ang supot at iminasa-masahe para maghalo ang panimpla karne.  Tsaka pa lang ako nagtakal ng bigas, hinugasan iyon at nilagyan ng angkop na taas ng tubig para maisaing iyon.  Nilagay ko sa ibabaw ng tubig ang ihinanda kong supot ng "Magic Meal" (lumutang ito).  Nakalagay sa panuto na 45 minuto ang kabuuang pagluluto sa kanin at sa "Magic Meal," na sinunod ko naman.  At iyan na nga, naluto na ang uulamin naming Lechon Paksiw.  Ayos naman kasi medyo napakuluan ko na nga ang karne bago ko pa naisupot kaya di ako nag-aalala na hilaw ito.  Nangingibabaw yung lasa ng laurel.  Tsaka para sa akin, medyo matapang din yung lasa ng pagka-instant nito - yung para bang kemikal o artificial at hindi natural ang lasa ng timpla.  Pero ayos na rin kung nagmamadali sa pagluluto ;)

Thursday, October 4, 2012

Magic Creams Junior

Na-cute-an na naman ako kaya ko nabili itong Magic Creams Junior Butter & Berry Cracker Sandwich.  Pati pag namimili kami, hangga't maaari kumukuha ako ng hindi pa namin nasubukan para naman lumawak ang karanasan at kaalaman namin.  Ang liit nito, parang pang mga pre-schoolers lang talaga.  Pero masarap siya, tamang-tama ang tamis at ang pagkakasama nila ng flavors.

Wednesday, October 3, 2012

Voice Overload

Yung original na Voice Combo Sandwich na lumabas nung 2006, naadik ako doon noon.  bago kasi yung konsepto na pinalaman nila sa matabang na crackers yung chocolate na wafer, ang galing ng kumbinasyon.  Ngayon sinubukan naman namin itong Voice Overload, ayos din naman.  Kaso medyo ilang nga ako sa sobrang matamis kasi sumasakit ang lalamunan ko at nung bata pa ako, nagkakakuliti ako kapag nasosobrahan ako sa pagkain ng matatamis, lalo na ng tsokolate.  Chocolate crackers kasi ito na may palamang chocolate cream tapos nababalutan pa yung buong sandwich na iyon ng chocolate coating.  Pero masarap siya talaga, kung hindi nga lang ako nagkakaroon talaga ng mga "side effects" sa pagkain ng matatatamis, kakain din ako nito lagi.

Tuesday, October 2, 2012

Blend 45

Nang makita ko ito sa grocery, na-cute-an na naman ako.  Medyo nag-aalangan ako kung susubukan ko, kasi nung huling sinubukan ko ang kanilang 3-in-1 ay hindi ako nasarapan.  Pero dahil natuwa talaga ako sa pabalat nila, kumuha ako nang masubukan.  Nauna kong nasubukan yung Puti, masarap nga at nadama ko yung anggo ng gatas ng kalabaw!  Tapos yung Pula, masarap din!  Parang may sunog na matamis, sabi pa nga ng asawa ko parang may ganung timpla sa Starbucks!  Sumag-ayon naman ako doon.  Ang bili namin dito ay 40 piso ang sampung piraso.

Monday, October 1, 2012

Nestle Bear Brand Probiotic Drink

Sanay tayo sa Yakult, at di ko noon naisip na may lalabas pang ibang tatak para sa ganoong uri ng inumin.  Bata pa lang ako meron nang Yakult, pero di ko alam kung para saan ba ang inumin na iyon.  Nito na lang matanda na ako nang malaman ko na nakakatulong pala ito sa pagtunaw ng pagkain sa ating tiyan.  Nakita namin itong Nestle Bear Brand Probiotic Drink at kinuha namin ito nang masubukan.  Pareho lang din sila ng lasa ng Yakult.  Pareho din sila ng presyo, 40 piso.
Nais ko sanang painumin nito ang anak kong 3 taong gulang dahil nagkaroon siya ng problema sa pagdumi nitong nakaraang buwan.  Nang inalok ko siya nito, sabi niya, "ayoko, pang-adults lang 'yan."  Natawa ako at nagulat sa sinagot niyang iyon!  Hindi pa siya nakakapagbasa, pero nung nakita niya ang logo sa bote, inakala niyang ito yung inaalok ni John Lloyd Cruz sa kanyang patalastas na Bear Brand Plus for Adults.  Natawa talaga ako, o baka naman may kiling lang ako dahil anak ko siya :)