Tuesday, January 8, 2013

Classic Burger: Army Navy

Nakatanggap kami ng libreng Classic Burger ng Army Navy bilang isang regalo.  Sinubukan namin agad ito kasi ramdam ko nang medyo may kamahalan ang presyo nito na tipong hindi ito ang una kong pipiliin kung kailanganin naming kumain sa labas.  Nang dumating kami doon, ayun na nga, tumpak ang pakiramdam ko dahil 165 piso ang presyo nito.  Buti na lang makukuha namin ito ngayon nang libre.
Itsura pa lang parang nakakatakam na.  Akala ko komo ito ang pinakamura nilang burger ay maliit din ito.  Pero hindi naman pala.  Malaki din ito, at ayon sa nalaman ng asawa ko ay quarter pound din ang laki nito.  Masarap siya!  Malasang malasa at lasap ang lasang baka.  Medyo tuyo o kulang sa juiciness ang tingin ko (siguro dahil well done o lutong-luto ang pagkaluto nila dito), pero di ko na alintana yun dahil sa sarap ng timpla nito.  Tsaka siguro naikumpara ko din siya sa burger ng Bite Club na natikman ko noon na parang medium-rare ang luto kaya mas malambot at juicy.   Pinaghati-hatian lang naming mag-anak ito pero hindi naman ito nagkulang sa amin (may iba pa kaming kinuha at di rin kami gutom na gutom nang pumunta kami dito).  Ang 4-na-taong-gulang kong anak ay nagustuhan din ito na talagang sinunod-sunod ang pagkagat dito!
parang salsa at tartar sauce na kasamang ibinigay sa order namin

Monday, January 7, 2013

Tanawin: Enchanted Kingdom

Una akong nakapunta sa Enchanted Kingdom noong 1996.  Parang mga 450 piso ang bayad sa "ride-all-you-can" na tiket nila.  Halos lahat naman ng rides nung punta kong iyon ay nasakyan ko.  Noon ang pakiramdam ko habang nasa loob ng pasyalang ito ay para bang wala ako sa Pilipinas. 
Ilang beses din akong nakabalik doon kasama ang mga kaibigan at kamag-anak.  Ang huling punta ko doon ay noong...naku, di ko na maalala.  Parang bandang 1999, 2000, 2001 o 2002.  Naalala ko na nakumpara ko ang kapit ng - naku pasensya na pero di ko maalala kung ano eksaktong tawag doon sa parang seat belt ng Space Shuttle -- yung ibinababa at nagsisilbing hawakan na para bang nakakapit sa katawan habang nakasakay.  Naramdaman ko kasi na parang maluwag na iyon kumpara sa kapit non noong 1996 na para bang mahigpit na mahigpit.
Ngayong Disyembre 2013 ay nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta uli sa Enchanted Kingdom kasama ang aking pamilya.  Ang kinuha naming tiket ay yung tig-150 piso na hindi "ride-all-you-can" pero makakasakay din nang paulit-ulit sa Grand Carousel at sa mga sasakyan sa Boulderville.  Sa halaga ding ito ay pwede kang magpaikot-ikot sa buong parke o pasyalan.  Merong ilang rides na pwedeng bayaran ng 50 piso sa loob ng pasyalan.  Hindi pwedeng magdala ng pagkain sa loob pero marami namang pwedeng mabiling pagkain doon. 
Hindi namin kinuha yung tiket na "ride-all-you-can" kasi di namin sigurado kung masusulit iyon ng 4-na-taong-gulang naming anak.  Pero sa mga nasakyan namin sa tig-150 piso ay masayang-masaya na siya.  Merong palaruan na mala-McDonald's Play Place o Jollibee Kiddie Land na pwede nyang paglaruan hanggang sa magsawa siya.  Sa totoo lang sa mga tanawing nakikita niya ay natutuwa na siya.  Kaya ayos na ayos din ang nabili naming tig-150 piso na tiket.
Parang gusto ko ngang bumalik doon kasi halos 2 oras lang kami nandoon.  Tsaka hindi naman pala gaanong masakit sa bulsa ang tiket para makapamasyal at matuwa ang anak namin doon.
Natuwa ang asawa ko sa mabilis na serbisyo sa pagbebenta ng tiket (pumila kami nang mahaba sa pagpasok), lalo na sa pagtanggap nila ng credit card.  Mabilis din ang pagproseso nila ng Senior Citizen Discount (yung 150 piso na tiket, naging 108 piso na lamang sa Senior Citizen).  Yung kasama naming estudyante, hindi nabigyan ng diskwento (kasi siguro sa mas mahal na klase ng tiket lamang pwedeng gamitin ang diskwento ng estudyante).
Noon parang ang pakiramdam ko ay ang laki-laki ng pasyalang ito, pero ngayon ay naikot namin ang buong parke sa mahigit isang oras at para bang nasabi ko sa sarili ko "yun na yun?  buong park na yun?"  Yung nanay ko naman na nakapunta na ng Hong Kong Disneyland ay naliitan na din sa Enchanted Kingdom.  Sabi niya, ang luwag daw sa Hong Kong Disneyland, di gaya dito na ang lalapit ng pagitan  ng mga sasakyan at atraksyon.
Siguro isa pang dahilan kaya nalibot namin ang buong parke sa maikling oras ay dahil hindi naman kami pumila sa maraming sakayan.  Kasi kung naka-"ride-all-you-can" na tiket kami ay kokonsumo din kami ng oras sa pagpila at pagsakay sa halip na makapag-lakad-lakad at malibot ang buong parke.
Noong araw na nagpunta kami ay 600 piso ang "ride-all-you-can" na tiket.  Ang mga bata na mula 31 hanggang 47 inches ang taas ay 320 piso ang kanilang "ride-all-you-can" (may ilang ride o sakayan na hindi sila pwede o kailangang may kasama silang matanda).   Ang mga sanggol na karga ay walang bayad.  Kapag kaarawan mo at nakapagpakita ka ng ID o kahit anong patunay na kaarawan mo ng araw na iyon ay wala kang bayad at ang sampung kasama mo ay may 10% na diskwento.








Sunday, January 6, 2013

Royal Tru Lemon

Nabili namin ito noong bandang umpisa ng Disyembre.  Napukaw nito ang atensyon ko kasi kulay dilaw ito tapos Royal ang tatak.  Hindi ko maalala eksakto pero parang mga 26 o 29 piso ang bili namin dito.  Di ko maintindihan, pero parang di ko masyadong naramdaman ang "lemon" dito sa inumin na ito.  Pero dahil sa "ispirito" o fizz nito, kaaya-aya pa rin itong inumin.

Saturday, January 5, 2013

Dr. Pepper Cherry

Dati na akong nakatikim ng Dr. Pepper pero nakalimutan ko na ang lasa nito.  Ngayong pagpunta namin sa isang "duty free" na pamilihan, nakita ko ito at ang halaga nito ay $0.55 (mahigit 22 piso).  Bumili ako nang masubukan.
Ayos naman siya, lasa talaga ang cherry flavor nito.  Mamula-mula din ang kulay nito na nahahalo sa natural na itim na kulay ng inumin nito.  Medyo natatapangan lang ako sa ispirito nito na para bang nangangagat ito ng dila at lalamunan.

Friday, January 4, 2013

Beef Curry: Ryuma Restaurant

Medyo mahilig ang asawa ko sa curry, kaya naman hindi namin pinalampas ito nang huli kaming kumain sa Ryuma Restaurant sa Paseo de Sta. Rosa.  Ang halaga nito ay 200 piso at kasya ito para sa dalawang tao.  Masarap ang espesyal nilang ito noong araw na iyon, maninipis ang hiwa ng karne ng baka.  Para ngang noon lang ako nakatikim ng Beef Curry, kasi madalas manok ang nakakain kong curry.  Para sa mga taong mahilig gumamit ng credit card, pwede din yang gamiting pambayad dito sa kainang ito.  Hindi kami nagsasawang magpabalik-balik dito dahil natutuwa ang anak namin dito at parati silang may mga "special for the day."

Thursday, January 3, 2013

Meat Sauce Spaghetti: Ryuma Restaurant

Japanese restaurant ito pero nagsilbi sila nitong spaghetti na pagkaing Italiano.  Siguro ay para ito doon sa mga taong hindi gaanong mahilig sa mga pagkaing Hapones o kaya'y para sa mga bata.  Marami din ito na kayang pagsaluhan ng dalawang tao.  Masarap din ito at katakam-takam.  Nagkakahalaga ito ng 100 piso at isa din ito sa kanilang mga espesyal noong araw na iyon.  Isa pang bagay na gusto namin dito sa Ryuma Restaurant ay ang malinis nitong kapaligiran at hindi amoy pagkain ang loob ng kainan, kaya walang pag-aalala na mangangamoy pagkain ang damit at katawan paglabas ng kainang ito.

Wednesday, January 2, 2013

Shiromi Sakana Chili Sauce Teishoku: Ryuma Restaurant

Isa din ito sa mga espesyal nila noong araw na iyon na kumain kami sa Ryuma Restaurant sa Paseo de Sta. Rosa.  Nagkakahalaga ito ng 200 piso na may kasamang kanin at pwede nang pagsaluhan ng dalawang taong hindi gaanong malakas kumain.  May kasama din itong sabaw ng miso (nakabukod).  Kumbaga sa ibang kainan, ito ay "fish fillet in sweet and sour sauce."  Masarap din ito at nakakatakam.  Gusto namin ang pakiramdam dito sa kainan na ito dahil komportable kami at malinis ang palikuran.  Kaya naman hindi kami nagsasawang bumalik-balik dito.

Tuesday, January 1, 2013

Tori Kara - Age Don: Ryuma Restaurant

Tuwing nasa Sta. Rosa, Laguna kami, laging dito nagyayayang kumain ang 4-na-taong-gulang kong anak: sa Ryuma Restaurant sa Paseo de Sta. Rosa.  Kasi tuwing kumakain kami dito, nakakapaglikot siya nang mas malaya (kaysa mga pangkaraniwang kainan) at nakakakuha siya ng laruan.  Sa mga bata kasi, may palaro silang roleta na kung anong mabunot sa roleta ay may katumbas iyon na premyong laruan.  Pagdating pa lang doon ay may place mat na may mga gawain sa likod kung saan pwede siyang magkulay at magsulat (nagpapahiram ang mga tagapagsilbi ng mga krayola).  Hindi rin niya nalilimutan na binibigyan siya ng sorbetes na panghimagas.  Dati din ay binigyan siya ng lobo at popcorn.  Lahat ng ito ay hindi binabayaran nang higit pa sa kukunin mong pagkain.
Nito ngang huli ay napadpad na naman kami doon at isa sa mga kinuha naming pagkain ay itong kanilang Tori Kara - Age Don na nagkakahalaga ng 200 piso.  May kasama itong ensaladang gulay na estilo ng Hapon na may pulang repolyo, repolyo, kamatis, at pipino.  Piniritong manok nga pala ito na nakapatong sa kanin.  Isa ito sa kanilang mga espesyal para sa araw na iyon.  Masarap ito at pwede itong pagsaluhan ng dalawang tao (kung hindi gaanong malakas kumain o kaya naman ay para doon sa mga gustong magbawas ng pagkain/gustong magdyeta).  Nagustuhan din ito ng aking anak (kahit saang piniritong manok siguro ay talagang patok sa bata).  Ang nakikitang puti na nakabudbod sa ibabaw ay lasang makremang keso, kaya naman lalong nagustuhan ng anak ko.  Ang nasa ilalim naman ng manok ay mga repolyong hiniwa nang maninipis at mahahaba.

Monday, December 31, 2012

Spinach Soup

Nasubukan namin ito sa isang Chinese restaurant.  Ngayon lang kami nakasubok ng ganito sa panimula ng pagkain sa ganitong kainan, kadalasan kasi ay hototay o nido soup.  Sa paningin pa lang, busog na ako sa sarap.  Pero masarap din naman siya nang kinain namin, kahit yung anak kong 4-na-taong-gulang ay nagustuhan ito.
MANIGONG BAGONG TAON!!

Sunday, December 30, 2012

Take Five

Sa pabalat, hindi ko mahulaan kung matamis ba ito, o yung matabang gaya ng Sky Flakes.  Kaya binili namin para malaman.  Ayun, para siyang Sky Flakes pero mas manipis ito at hindi kasing-linamnam ng Sky Flakes.  Ayos din kasi may iba siyang linamnam, at mas malutong nang konti kasi nga mas manipis siya, at mukhang mas tustado.

Saturday, December 29, 2012

CDO Karne Norte Afritada

Ito din ang galing, kuha ang lasa ng afritada.  Hindi ito maanghang gaya nung caldereta nito.  Pero di ko na talaga malasahan yung orihinal na lasa ng karne norte.

Friday, December 28, 2012

CDO Karne Norte Caldereta

Lasa ngang Caldereta, pati yung anghang kuha.  Kaya lang parang nalungkot ako na maunti lang ito.  Isa pang ikinalungkot ko ay nawala yung talagang lasa ng karne norte. 

Thursday, December 27, 2012

Hakaw: Hap Chan

 
Bakit nga ba ang sarap ng hakaw?  Tapos ang mahal!  Humigit kumulang 100 piso ang 4 na piraso ng hakaw, tapos ang isang piraso, isang subo ko lang!  Hindi ko sigurado kung ito rin ba yung shrimp dumplings...

Wednesday, December 26, 2012

Fried Beef: Hap Chan

 
Kasama ito sa mga tig-99 piso na meals na binili namin.  Ito naman ang panalo, masarap ito.  Ang mga meals pala ay may kasamang soup o sabaw, kaya para sa amin na gusto ng mga hindi tuyong pagkain, pasok ito.  Kumbaga kahit prito ang ulam, may sabaw naman na mahihigop at pwedeng ipang-basa sa kanin.  Yung sarsa o sawsawan pala nito, parang medyo maalat para sa akin.

Tuesday, December 25, 2012

4 Chinese Sausages: Hap Chan

 
Tanghalian na at nakita namin ang mga paskil ng Hap Chan sa lugar namin na mayroon silang mga meals na tig-99 piso.  Kaya't pumunta kami dito para masubukan namin.  Ito ang isang sinubukan namin, ang kanilang 4 Chinese Sausages.  Makikita sa larawan na ito ay rice toppings, o nakalagay sa ibabaw ng kanin ang ulam.  Ito ang kinain ko at ayos naman siya habang kinakain ko.  Meron lang ibang sausage na parang hindi ko gusto ang lasa pero kaya ko naman kainin.  Pagkatapos naming kumain ay nag-grocery kami.  Sumama ang lagay ng tiyan ko habang nag-go-grocery hanggang sa talagang hindi na ako makapagsalita (hindi ako maka-concentrate o maka-focus sa pakikipag-usap).  Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa mga sausages na hindi ko gusto ang lasa na kinain ko din :(

Monday, December 24, 2012

Jack and Coke

Dati ko nang naririnig na sikat na kumbinasyon ang Jack Daniel's (para na itong "Colgate" ng Tennessee Whiskey) at ang Coke.  Nagulat kami ng asawa ko na meron na palang nabibili na magkahalo na nito!  Nakita namin ito sa isang supermarket.  Bumili kami para masubukan, at ang bili namin dito ay 125 piso.  Sa tunog nito ay mura siya kasi naka-Jack Daniel's ka na ng wala pang 200 piso.  Pero nang mabuksan at makatikim na kami, naku, ang liit lang pala ng boteng ito!  Ang sarap kasi kaya parang gugustuhin mong tumagay nang tumagay.  Tapos hindi pa siya matapang kaya parang ayos lang na inumin siya na parang umiinom ka lang ng softdrinks.  Naalala ko tuloy noong mga bandang 1999 hanggang mga unang taon ng bagong milenyo, ang mga sikat na inumin sa mga bar/club/sayawan ay Mule at Vodka Ice na mga tig-125 din ang isa.  Siguro yang mga ganyang inumin ang gustong maabot ng Jack Daniel's kaya nila ginawa yang Jack Daniel's with Cola.
MALIGAYANG PASKO!!

Sunday, December 23, 2012

Krispy Dinuguan: Kanin Club

 
Minsan nang nabanggit sa amin ng kamag-anak ang tungkol sa Krispy Dinuguan ng Kanin Club.  Sa wakas any nagkaroon din kami ng pagkakataon na masubukan ito.  Hay grabe, nakaka-tulo-laway talaga ang linamnam nito!  Kaya pala Krispy Dinuguan ay dahil mala-tsitsaron ang laman nito.  At kung makikita sa larawan, talagang makapal ang sarsa nito.  Di gaya ng nagisnan kong dinuguan na malabnaw ang sabaw.  Ang Kanin Club na nakainan namin ay nasa Paseo de Sta. Rosa sa Lungsod ng Sta. Rosa, Laguna.