Thursday, July 9, 2015

Halo-halo 2015

Napakainit nitong tag-init 2015 sa Pilipinas kaya naman hindi namin napigilan na bumili ng halo-halo sa Chowking.  Ngayong taong ito, dalawang klase ang halo-halo nila at pareho namin silang sinubukan noong Abril 2015.  Pareho silang masarap.  Di ko masabi kung alin ang mas pipiliin ko sa kanila, magkaiba sila ng sarap.  Mahilig ako sa gatas at krema kaya hanga din ako dito sa mas bago nilang "Milky White Halo-halo."  Pero di ko pa rin malilimutan yung natikman ko sa Razon's nung 2009 na puro maputi lang din ang lahok.  Wala pa akong ibang natikman na malapit doon sa kanilang timpla.

Wednesday, July 8, 2015

Shakey's

 
Kuha ito noong Enero 2015. Ang binili namin ay yung isa sa mga "group meals" nila na kombinasyon na ng pizza, salad, pasta, inumin...nakalimutan ko na kung anu-ano nga bang eksaktong kasama dito.  Mahigit isang libong piso ang halaga nito at parang kasya ito para sa 4 hanggang 5 katao na hindi naman gaanong malakas kumain.  Ito lang ang nakuha kong litrato kasi gutom na ako, pati ang pamilya ko gusto na kumain.

Tuesday, July 7, 2015

Networld Hotel Breakfast

 
Sa tatlong araw na nag-almusal kami dito, ito lang ang nakuha kong litrato.  Hindi naman araw-araw ganito ang agahan doon, pero masasabi kong ayos lahat.  Sa akin naman kasi, kahit ano pa ang pang-almusal, basta may kape lahat sumasarap!  Kuha nga pala ito noong Nobyembre 2014.

Saturday, October 18, 2014

Sun Cellular

Siguro mga 4 na taon na din kaming subscriber ng Sun Postpaid.  Unang plan ay yung tig-P350 isang buwan na "unli call & text to Sun + 250 texts to other networks."  Pagkatapos ng 2 taon ay kumuha pa kami ng isang plan na tig-P600 isang buwan.  Bale dalawa na ang plan namin sa kanila.  Kada 2 taon ay may "kontratang" natatapos at kung ipagpapatuloy pa ang plan sa kanila ay nagbibigay sila ng libreng cellphone.  Kamakailan ay tapos na ang 2-taong kontrata nung isang plan namin, ang eksaktong petsa ay a-25 ng Setyembre.  Unang linggo pa lamang ng Setyembre ay nagbaka-sakali na kami sa isang Sun Shop dito sa lugar namin, baka kasi pwede na kaming makakuha nung libreng cellphone tutal malapit na yung katapusan ng kontrata namin.  Hindi pa daw kami pwedeng makakuha ng cellphone nung panahong iyon, pero meron daw silang pwedeng ibigay sa amin na libre ding cellphone na may kasamang isa pang cellphone na may tig-P150 na plan.  Hindi kami pumayag kasi dagdag P150 na bayarin din yun buwan-buwan, tapos di naman namin gaanong magagamit ang sobrang cellphone at serbisyong yun, sayang lang.  Subukan daw namin sa susunod na linggo kung pwede na namin makuha yung cellphone na hinahanap namin.  Bumalik kami ng ikalawang linggo ng Setyembre, pero ganun din ang isinagot nila.  Sunod na balik namin ay ika-27 ng Setyembre, pero wala pa daw yung cellphone na hinihiling namin!  Medyo nakakainit ng ulo kasi lagpas na sa kontrata namin tapos wala pa rin yung cellphone.  Parang ang gusto nila ay magpaputol na lang kami ng serbisyo, sa halip na i-retain kami.

Teka, may isa pang kwento na magiging kaugnay din ng kwento ko diyan sa itaas.  Kapupunta nga namin nung mga panahon na bago at hanggang unang linggo ng Setyembre, nakikita ko yung mga flyers nila.  Nabasa ko na yung plan 350 ay may 10 oras daw ng mobile internet.  Sinubukan ko kung gagana sa cellphone kong hindi naman masyadong bago.  Pumunta ako sa "settings" tapos sa "mobile networks."  Naghahanap ako ng "turn on mobile data" pero wala namang ganun dito sa cellphone ko.  Ang nakita ko "Use packet data, activate data network," sabi ko ito na siguro yun.  Nang naka-on na yon, ini-off ko yung WiFi ng cellphone tapos sinubukan ko mag-internet.  Hindi naman gumana!  Binuksan ko na lang uli yung WiFi.  Hindi ko na rin naman masyado ginagamit ang mga apps ng phone na yun kasi nga may kalumaan na.

Mga bandang katapusan ng Setyembre ay pinutol nila ang "outgoing services" ko, ibig sabihin hindi ako makakatawag at makakatext.  Nalaman namin na umabot daw sa mahigit P1000 ang bayarin namin, eh kababayad lang namin ng mahigit P800 nung ikalawang linggo ng Setyembre.  Nakakagulat kasi P350 lang dapat binabayaran nami sa isang buwan.  Kung may buwan man akong maligtangan, isa lang kaya di ako magugulat kung singilan nila kami ng doble, mga P700.  Kung may sumobra mang mga P100-200 ay siguro dahil baka may mga natawagan ako na hindi Sun.  Pero mahigit P1000???  Kaya tinawagan namin ang customer hotline ng Sun at nalaman namin na "data charges" daw ang nagpataas sa bayarin namin.  ANO DAW?!?

Sa totoo lang nawala na sa loob ko na binuksan ko yung "Use packet data, activate data network" sa phone ko kasi nga hindi naman siya gumana.  Sa kakaisip ko lang kung bakit ako magkakaroon ng ganung data charges ay tsaka ko lang naalala na nabuksan ko nga iyon.  Nakiusap kami sa Sun na i-reverse o huwag nang pabayaran sa amin yun kasi hindi naman namin nagamit ang serbisyong yun. Titingnan daw nila, at habang tinitingnan nila ay ibinalik nila ang "outgoing services" ko.   Pagkatapos ng ilang araw ay natanggap ko ang text na iyang nasa larawan sa itaas (screenshot yan sa cellphone ko).  Lumuwag ang pakiramdam ko.

Pagkatapos ng ilang araw pagkatanggap ko ng mensaheng yan, naputol na naman ang "outgoing services" ko.  Pagtawag namin sa customer hotline ay sinabi nilang meron daw kaming mahigit P1000 na hindi nabayaran.  Sa isip ko, bakit pa sila nagmensahe ng ganito (yang nasa larawan)??  Sinabi namin yung tungkol dito sa text/mensahe, kaya sabi nung nakausap namin na ibabalik daw niya yung serbisyo ko.  Kinagabihan nung araw na yun, wala pa rin ang serbisyo namin!  Pagtawag namin uli sa customer hotline para itanong kung bakit hindi ibinalik ang serbisyo, pumunta daw kami sa Sun Shop para daw mas malinawan kami.

Grabe pagpunta namin sa Sun Shop pinababayaran sa amin ang kalahati nung "data charges" na na-charge sa account namin!!  Eh bakit pa nag-message sila at nalaman nilang hindi naman talaga namin nagamit yung serbisyong yun????  Alam nila diba na hindi namin nagamit??  Sabi ng Sun Shop nagastusan din daw sila sa pag-on ng mobile internet sa numero namin.  Pwede naman daw namin hindi bayaran pero i-e-extend daw nila ang aming kontrata ng 4 na buwan.  Grabe, hindi ako makapaniwala sa mga sinabi nilang ito sa amin.  Pagkatapos naming maging "loyal customer" nila ng mahigit 5 taon (as in wala kaming ibang numero/sim/network na ginagamit), ganito ang gagawin nila sa amin??  Meron kami kilala na parang ganito din ang nangyari sa kanila sa ibang network, pero hindi nila ginanito.  Naintindihan nila na nagkamali ang customer kaya hindi nila pinabayaran yung data charges.  Pero itong aming Sun...di naman namin paulit-ulit na ginagawa ito, first time (o "first offense") nga lang nangyari sa amin ito eh, tapos ganyan agad, parusa agad?  Gusto na talaga namin ipaputol, kaso kauumpisa lang ng bagong 30-buwan na kontrata namin at kapag ganun ay malaki ang halaga na kailangang bayaran.

Sunday, September 28, 2014

My Bakery Story - Pebrero 20, 2014


 Naitala ko ang mga recipe o lutuin sa ilang mga lutuan ng Bakery Story at ang tagal ng kanilang "pagluluto."  Maglalagay ako ng ilan ngayong araw na ito.
CLASSIC BREAD OVEN
hot cross buns - 1 hr
french bread - 3 hrs
l'amour special - 12 hrs
stone ground miche - 6hrs

PATISSERIE OVEN
profiterole - 6hrs
creme brulee - 8hrs
chocolate souffle - 12hrs

 Bukas at sa mga susunod na araw ay itutuloy ko ang iba pang oven o lutuan.





Saturday, September 27, 2014

My Bakery Story - Pebrero 19, 2014

 Ito naman ang sitwasyon ng paglalaro ko ng aking Bakery Story noong ika-19 ng Pebrero 2014.
May mga araw na marami akong larawan ng aking bakery, may mga araw naman na kaunti lang ang mga larawan.
Kung kaunti lang ang larawan, siguro ay binubuksan ko lamang noon ang laro minsan sa 6 o mahigit pang oras.
Kung marami naman, siguro kada 2-4 oras ay binubuksan ko ang laro dahil may layunin akong maluto na 2 oras kung lutuin.
 Kapag kasi masyadong matagal bago nahango ang isinalang dito sa Bakery Story, napapanis ito at hindi maihahain.
 Pwede namang hanguin ang napanis nang niluto basta makapagbayad ng "gems" na hindi madaling kitain.
 Merong lutuan na kahit ilang oras ay hindi napapanis ang niluto, iyon ay ang "Forever Oven" na nagkakahalaga ng 42 gems.





Friday, September 26, 2014

My Bakery Story - Peb. 18, 2014

 Sa totoo lang, tumigil na akong maglaro nitong Bakery Story.  Mag-i-isang buwan na rin siguro.
Medyo nagsawa na rin ako tsaka napagtanto ko na medyo naaaksaya din nito ang oras ko.
Ngayon na hindi na ako naglalaro, mas marami na akong nagagawa sa mga bagay na mas kailangan kong gawin gaya ng pag-iimis sa bahay.
Itong mga larawan na pinapaskil ko ngayon ay ang sitwasyon ng aking paglalaro noong ika-18 ng Pebrero 2014.