Thursday, August 16, 2012

Dirty Ice Cream

halagang sampung piso
Karamihan sa mga Pilipinong nakatira sa Pilipinas ay alam ang ibig sabihin ng "dirty ice cream."  Hindi naman talaga ito madumi, pero yung nabibili kasi sa mga grocery na sorbetes na nasa plastic container at may tatak, itinuturing nating mas malinis kaysa sa mga sorbetes na nilalako ng mga mamang sorbetero.
Isang beses ay nakita namin ang isang mamang sorbetero at tinawag namin ito para makabili kami.  Dalawa ang flavor na ibinebenta ng mama: keso at tsokolate.  Pwedeng parehong flavor ilagay sa isang apa, pwede ring isang flavor lang.  Simpleng simple lang ang lasa pero nakakapagpasaya para sa akin.  Nag-"level up" na rin ang dirty ice cream kasi meron na silang sugar cone (hindi ko kasi masyadong gusto yung tradisyunal na apa na matabang at kumukunat).

Wednesday, August 15, 2012

Ginataang Gulay

Minsan noong tag-init ay bumaba ang resistensya naming pamilya.  Paano ko ito nasabi?  Nagkaroon ako ng ubo't sipon nang mahigit 3 linggo, ang asawa ko nagkaroon ng sore eyes at hindi nakapasok sa opisina ng 5 araw (bukod pa sa may ubo't sipon din siya), at pati ang anak namin ay na-ospital ng 3 araw dahil sa ubo, typhoid fever, at UTI.  Napayuhan tuloy ang asawa ko ng kanyang doktor sa mata na kumain daw kami parati ng gulay at prutas.  Mula noon, sinisiguro na namin na may gulay kami kahit minsan sa isang linggo.
sa halip na karneng baboy, tokwa ang ginamit ko
At ito ang isang luto ko na gulay ang pangunahing sangkap: ang aking ginataang gulay.  Dahil hindi ako magaling sa pagluluto, sinunod ko lang ang recipe sa Del Monte Quick n Easy Gata Mix.  Hindi ko sinunod eksakto yung bilang o dami ng mga sangkap na nakalagay dito, pero yung pamamaraan ng pagluluto na sinabi dito ay ang pinagbasehan ko.

Ginataang Gulay

100 g pork belly, sliced
1 tsp oil
150 g squash, cut into cubes
6 pc (100 g) sitaw, cut up
1 pack (40 g) Del Monte Quck n Easy Gata Mix, dissolved in 3/4 cup water
4 pc (50 g) shrimps

Just 3 Easy Steps:
1.  Sauté pork in oil until slightly brown.
2.  Add vegetables and Del Monte Quck n Easy Gata Mix.  Cover and simmer for 5 minutes.
3.  Add shrimps.  Simmer until vegetables are cooked.  

Makes 4 servings

First time kong magluto ng ginataan na may tokwa!  Akala ko baka hindi masarap, pero ayos din naman :)

Tuesday, August 14, 2012

Gap Biscuit Stick

Nakita ko ito sa supermarket, 2 piraso na magkadikit.  Nakalagay sa price tag na 16 piso ito at buy one take one.  Kinuha ko kasi di naman masyadong mahal tapos dalawa pa ang makukuha ko.  Pangdagdag din ito sa karanasan kapag natikman namin ito ng aking pamilya.  Nagulat ako, hindi ko inakalang talagang malalasahan ko yung blackcurrant kasi ang nipis talaga ng bawat stick.  Sa tapang ng lasa ng blackcurrant, hanggang dalawang stick lang ang nakakain ko sa isang kainan dahil nauumay na ako.  Hindi ko masasabing hindi siya masarap, kasi nga talab na talab ang lasa nung prutas at yung pinaka-biskwit nito ay malinamnam din.

Monday, August 13, 2012

My Breakfast Platter

Pasensya naman kung hindi masyadong kaaya-aya ang mga nasa larawan, pero ipinagmamalaki ko pa rin ito dahil ako ang nagluto nito para sa aking pamilya.  Gaya ng nabanggit ko na, hindi ko linya ang pagluluto at napakasalungat nito sa ideya na kapag nanay ka, dapat magaling ka sa pagluluto.
Ang nasa plato ay isang pritong binating itlog, isang pritong itlog na sunny-side-up, apat na pritong King Sue Hawaiian Ham at tatlong King Sue German Franks.  Ito ang handa kong ulam ngayong almusal para sa aming mag-anak.



Sunday, August 12, 2012

McDonald's Big N' Tasty

Sobrang naku-cute-tan lang ako sa lalagyan/kahon ng McDonald's Big N' Tasty kaya kinunan ko ito ng larawan.  Gusto ko balang araw malaman ng mga susunod na henerasyon na minsan nagkaroon ng ganitong kahon ang isang klase ng burger ng McDo.
Hindi lang yung kahon ang maganda, pati yung lasa.  Masarap siya kasi kumpleto sa sahog:  keso, gulay, dressing.  Kapag lahat yun nagsama-sama sa loob ng bibig habang ningunguya, boom!  :D
Hindi ko lang sigurado kung ito na ba ngayon ang kanilang Big Mac o meron pa rin nun tapos bukod pa itong Big N' Tasty. 
Ang bili namin dito ay 182 piso, may kasama na yun na large Coke at large fries.

Saturday, August 11, 2012

Spider Vs. Cockroach

Isang hatinggabi, nakita ko ang eksenang ito sa aming kusina.  Di ko maintindihan kung yung ipis ba yung kumagat sa gagamba, o yung kabaligtaran nun.  Di ko masyado malapitan kasi baka kagatin nila ako.  Naalala ko tuloy yung pelikula ni Vhong Navarro, Gagamboy ba yun?  Si Jay Manalo yung kalaban niya, si Ipis Man! :D

Friday, August 10, 2012

Pringles Multigrain

Siyempre hindi pahuhuli ang Pringles, meron din silang multigrain para sa mga nagi-"guilty."  Andun pa rin yung natatanging lasa ng Pringles, pero parang may kulang.  Parang kulang sa linamnam.  Kung sa bagay, multigrain nga siya at para ito sa mga nagdidiyeta o yung mga ayaw kumain ng mga matataba (fatty), maalat, o mataas ang cholesterol at calories na pagkain.  Tsaka ramdam ko rin talaga yung mga hibla o fibers sa mga chips nito.

Thursday, August 9, 2012

Itlog ni Kuya

Ito ay matatagpuan sa tabi/habang-daan ng kalsada papuntang Sta. Cruz, Laguna.  Kung galing Manila, nasa kaliwang panig ito.  Matagal ko nang naririnig ang kinulob na itik, pero di pa ako nakakasubok nito.  Di ko maalala yung eksaktong presyo, pero mahigit 100 piso ang benta nila sa kinulob na itik.  Yung kinulob na pekin duck naman, 290 piso.
Mga Pekin Duck ng Itlog ni Kuya
Bumili rin kami ng kanilang itlog na maalat.  Hindi ito kulay pula, gaya ng karaniwan nating nabibili.  May sticker lang sila na idinidikit sa balat ng itlog na may tatak nilang "Mr. Duck."  Tamang-tama lang ang alat ng salted eggs nila, di gaya ng madalas na nabibili na sobrang alat.  Masarap papakin kahit walang kasama.

Puto Cake ng Itlog ni Kuya
Yung kinulob na itik naman, masarap din!  Mas nagustuhan ko yun kaysa dun sa kinulob na peking duck kasi para sa akin mas malambot yung laman nung kinulob na itik.  Pero masarap din ang lasa ng kinulob na peking duck, promise :D
Yung puto cake, panalo din!  Kasi yung salted eggs nila ang nakalagay.  Must-try din talaga.  Salamat uli sa asawa ko para sa mga larawang ito galing sa kanyang cellphone.

Wednesday, August 8, 2012

Ulap

Minsan talaga pag tinitingnan ko ang mga ulap, depende sa imahinasyon ko, may nakikita akong mga imahe.  dito parang ang nakikita ko ay yung maskara o yung simbolo ng "Phantom of the Opera."  Kuha ito ng asawa ko mula sa kanyang cellphone noong minsang tumambay kami sa puntod ng Tatay ko sa memorial park.

Tuesday, August 7, 2012

Talong

Dati tinanong ko sa asawa ko kung ano nga bang sustansya meron sa talong.  Naitanong ko yun kasi sabi nila masustansya daw ang mga gulay.  Kahit papaano ayon sa stock knowledge ko ay may iba-ibang mga sustansya nga ang iba-ibang gulay, gaya ng kalabasa--Vitamin A.  Carrot--beta carotene.  Pechay--vitamin C.  Hindi rin ako sigurado kung eksaktong yun nga bang mga sustansyang yun ang marami sa mga gulay na yan na binanggit ko, pero para sakin OK lang, ang mahalaga yung pakiramdam ko na nailalagay ko sa katawan ko ang mga sustansyang yan kapag nilulunok ko ang mga gulay na yan.  Pero ang talong, ano bang nakukuha ko pag nilulunok ko yan?  Parang tubig lang ata?

Sabi ng asawa ko, fiber daw ang nakukuha sa talong.  Mukhang sa halos lahat naman ng halaman na kinakain natin ay oo nga, nakakakuha tayo ng fiber.  Pero yun lang ba talaga ang nasa talong??

Namili kami sa supermarket ng gulay (sinisigurado na namin na lagi na kaming may ulam na gulay mula nung napayuhan kami ng doktor).  Doon sa bahagi ng mga gulay, nakasabit ang mga karatola ng mga pangalan ng gulay at ang sustansyang meron sa mga ito.  At voila!  Nakita ko doon na ang talong ay may MANGANESE!  Natuwa naman ako kasi after all, may sustansya nga siya.  Pero teka, ano ba ang halaga ng Manganese sa atin?  Hehe, ang alam ko napag-aralan ko naman ito nung nasa school pa ako, pero nakalimutan ko na.  Buti na lang, may internet.

Sabi ko na eh, periodic element sya (as in 3rd year high school, chemistry, periodic table).  Sabi ng University of Maryland, "Manganese helps the body form connective tissue, bones, blood clotting factors, and sex hormones."

Read more: http://www.umm.edu/altmed/articles/manganese-000314.htm#ixzz1xsjr5Bri

May silbi naman pala yung pagiging "phallic symbol" nitong talong noh?  Hindi lang sa pisikal nitong kaanyuan, kundi sa sustansya din na taglay nito.

Napasaliksik din lang ako tungkol sa Manganese sa internet, sinaliksik ko na rin ang iba pang benepisyo ng pagkain ng talong.  Sabi sa elements4health.com, mainam din daw ang talong para sa mga may Type 2 Diabetes.  Mainam din daw ito sa pagbawas ng cholesterol at pang-iwas sa cancer.

At least ngayon kapag kakain ako ng talong, alam ko nang may kwenta pala ito.

Monday, August 6, 2012

Cold Drinks: Cinnabon

Pauwe namin galing Barasoain, tumigil muna kami sa Shell Station sa SLEX para magbanyo at mamahinga nang kaunti.  Tuwing tumitigil kami nang ganito sa mahabang biyahe, ewan ko ba, lagi na lang ako naghahanap ng malamig na inumin.
Sa loob ng convenience store, isa sa mga counter doon ay Cinnabon.  Nakita ko doon na may 50% off daw.  Lumapit ako para malaman ang detalye.  Pinaliwanag sa akin nung kahera na pag bumili ako mula doon sa isang listahan nila ng malalamig na inumin, kalahati na lang ang babayaran mo sa isa pang inumin.  Sakto, type ko talaga ang mga promo.
Ang napili ko ay yung kanilang Mochalatta Chill at yung isa ay Choco Chill - di ko masigurado kung ano nga bang eksaktong pangalan nung pangalawa.  Ang pinagbayaran ko para dito sa dalawang inumin na ito ay 205 piso.  Sa halagang yun, tig-isa na kami ng asawa ko ng inumin (madalas kasi kapag ang inumin ay halagang 125 piso o mas mataas pa, isa lang ang binibili ko at share na kami doon).  Salamat uli dito sa cellphone pics ng asawa ko.

Sunday, August 5, 2012

Barasoain Church

Hindi ko akalaing makakarating ako dito.  Tagahanga ako ng kasaysayan, at isang karangalan para sa akin ang makapunta sa Simbahan ng Barasoain.  Nagkataon na naimbitahan kami ng pamilya ko sa isang kasalan na dito ginanap.  Nasabik talaga ako nang malaman kong dito yun gaganapin.  Ito yung simbahan na nasa likod ng sampung pisong pera noon (ito yung brown na papel na pera).
Nahirapan kaming kunan ng "solo pic" ang simbahan.  Dahil na rin siguro sa mga bisita ng kasalan, ang daming sasakyan na nakaparada sa harap nito.  Mabuti nga't nakunan pa ng asawa ko ito nang ganito mula sa kanyang cellphone.  Sa loob, hindi ito gaanong kalakihan.  Wala itong "aircon."

Saturday, August 4, 2012

Shakey's

Wala pa ring kupas.  Naaalala ko pa nung bata pa ako, mga 1987-1990, kumakain kami ng Tatay, Nanay, at kapatid ko sa Shakey's pagkatapos magsimba.  Mga 6:00 ng gabi ata kami nagsisimba noon kaya eksakto panghapunan ang kakainin namin doon.  Ang naaalala ko, pagpasok doon sa Shakey's ay medyo madilim at amoy sigarilyo.  Dim lang ang ilaw, tapos colored glass yung parang pinaka-lamp shade ng mga ilaw sa bawat mesa.  Rootbeer na nasa pitsel (pitcher) ang madalas ino-order ng Tatay ko.  Tapos syempre pizza.  Yung Manager's Choice ang madalas naririnig ko sa kanya pag umo-order.  Minsan parang may tumutugtog pa nga na live show band.  Tsaka parang may nakikita ako noon sa ibang mesa na may order silang serbesa, yung iba nga nasa draft pa.
Pero ngayon iba na ang Shakey's.  Maliwanag na at hindi na amoy sigarilyo.  Wala ring serbesa sa menu.  Wala na ring tumutugtog.  Karamihan sa dating putahe, andun pa din.  Pero maraming nadagdag.
Ngayon na may sarili na rin akong anak at asawa na dadalhin sa Shakey's, at minsan nga ginawa namin.  Isa sa mga kinuha namin ay Hero Hungarian Sausage combo.  Noon lang yatang panahong iyon meron nung combo na iyon.  Yung Hero na sandwich, may kasamang iced tea.  Nagkakahalaga iyon ng 129 piso.  Isa pang kinuha namin ay Hero Salad N Chicken na nagkakahalagang 133 piso.  Kumuha rin kami ng pizza, pero yung regular (pinakamaliit) lang na sukat.  Minungkahi sa amin ng serbidora na pwedeng dalawang klase ng "flavor" sa isang pizza ang kuhanin namin.  Medyo nagtitipid kami, kaya ang kinuha naming 'flavor" ay ang kanilang Pepperoni at Classic Cheese.  Thin crust ito at nagkakahalagang 189 piso.
Naging masaya ang karanasan naming ito sa Shakey's.  Siguradong uulit kami kapag makaluwag-luwag uli kami.  Medyo naaalatan pa rin ako sa pagkain nila, pero what the heck, hindi naman ito madalas ;)  Tsaka sa pangkalahatan, masarap pa rin sila.  Salamat uli sa mga cellphone pics na ito ng asawa ko.

Friday, August 3, 2012

Bundok (Part 2)

Sa nauna kong post na pinamagatang Bundok, naikwento ko na doon ang nangyari sa amin noong sumubok kaming pumunta ng Bangkong Kahoy.  Hanggang ngayon, hindi pa rin kami nakakasubok pumunta ulit doon.  Kasi naman, panay ang ulan at bagyo nitong mga huling araw.
Itong mga larawan dito sa post na ito ay noon ding araw na iyon nangyari.  Pero kuha ng asawa ko itong mga litratong ito mula sa kanyang cellphone.
Parang mga walang kwenta lang ang mga nakuha naming larawan, pero di namin mapigilan na kumuha kasi ang ganda sa paningin kapag itong mga tanawing ganito ay personal mong kaharap.  Sana talaga maintindihan ng mga tao na kailangan natin ang kalikasan kaya sana ay tumulong tayo na mapangalagaan ito.

Thursday, August 2, 2012

Tanawin: Isdaan sa Calauan, Laguna

Hindi lang talaga isang kainan lang ang Isdaan, kundi isa rin itong pasyalan.  Nabitin ako nung una kong makasama ang pamilya ko dito, kaya't bumalik kami.  Nung una kaming pumunta dito ay gabi at madilim pa.  Pero ngayong pangalwang punta namin, hapon at maliwanag pa.
Masaya talagang dalhin ang pamilya dito.  Kahit anong edad, matutuwa dito.  Una akong nakapunta sa Isdaan sa Gerona, Tarlac noong 2007.  Dalaga pa ako noon.  Hindi ko masyadong nalibot ang paligid nun kasi naiinitan ako sa sikat ng araw.
At ngayon ngang 2012, kasama ko na ang sarili kong pamilya na nakapunta sa Isdaan sa Calauan, Laguna.  Hindi rin naman nalalayo ang itsura nito sa Isdaan sa Gerona.  Meron din dito sa Calauan nung sikat nilang Tacsiyapo Wall.  Sabi nila mainam daw itong bahaging ito ng Isdaan para sa mga taong may tinatagong galit para mailabas nila ito sa pamamagitan ng pagbato at pagbasag ng mga kasangkapan sa dingding nito.  Para sakin, bago ko pa marating yung Tacsiyapo Wall, sa pasukan pa lang ng Isdaan, nawawala na lahat ng galit ko kasi ang ganda ng mga istruktura sa paligid!
Kahit doon sila pinakasikat, sa Tacsiyapo Wall, marami pang ibang dahilan para pumunta sa Isdaan.  Namamangha ako sa mga malalaking istruktura doon, gaya nung higanteng unggoy at higanteng Golden Buddha.  Pati yung mga hayop na buwaya, kalabaw, unggoy, at iba pa na mukhang totoo.  Ika nga nila, life-size.  Paano nila napagawa ang mga iyon?
Meron ding Disney characters at iba pang characters mula sa mga sikat na pelikula.  Meron ding mga pulitiko gaya nina Pres. Erap at Pres. Cory.  Meron ding mga istatwa ng mga iba-ibang lahi at kulturang Pilipino.  Nakakatuwa talaga dito.
Meron ding mga fishpond at fountain.  Meron ding boat ride na 20 piso ang bayad pagsakay.  Marami pang ibang gawain gaya ng pamimingwit ng isda.  Noong pumunta kami dito nang gabi, may nag-magic show at cultural and dance show.  Meron ding umiikot na nanghaharana sa mga kumakain, at nakasulat sa mesa na 20 piso ang tip sa mga musikerong iyon.  Bagay na bagay talaga hindi lang sa mga pamilya kundi sa mga magkakabarkada din.
Ang mga bata hindi rin maiinip dito.  Sa tanawin pa lang, natutuwa na sila.  Meron ding mga palaruan para sa kanila.  Yung anak ko at yung mga pinsan niya, tuwang-tuwa dun sa mga sasakyan at see-saw na plastik (Little Tikes).
Muli, maraming salamat sa asawa ko sa mga larawang ito mula sa kanyang cellphone.

Wednesday, August 1, 2012

Oven-Fried Chicken

Merong cookbook sa bahay namin galing Estados Unidos na napakatagal nang nasa amin.  Matagal na ito sa amin pero hindi ko ito halos binubuksan para basahin.  Karamihan kasi ng mga cookbook na galing ibang bansa, di ko masunod ang recipes kapag may sahog na hindi nakukuha dito sa Pilipinas.  Ang pangalan ng cookbook na ito ay 50 Ways To Cook Fast.  Pagkatapos ng humigit-kumulang sampung taon, ngayon ko lang uli ito bubuklatin.  Iba na rin ang pananaw at maturity ko kesa nung huli ko itong nabasa.
Ngayon na sinusubukan ko nang magka-interes sa pagluluto, iba na ang pagtanggap ko sa mga lutuin dito sa aklat na ito.  Itong nakita ko, pwede kong subukan.  Gaya ng nabanggit ko, di ako masyadong nagluluto at wala akong common sense sa kusina.  Kaya kapag may mga recipe, kailangan ko silang sundin at hangga't maaari ay ayokong may nababali sa nakasaad na direksyon o tagubilin.  Sa dahilan ding ito, mapili ako sa mga recipe na susubukan.  Sinisigurado ko munang 1) meron ng lahat ng sahog dito sa Pilipinas, at 2)  madali para sa akin (kung isasaalang-alang na di ako "kitchen-person") ang mga paraan ng pagluluto bago ko gawin at sundin ang recipe na iyon.
Oven-Fried Chicken Pieces


2 tablespoons margarine or butter
4 boned skinless medium chicken breast halves (about 1 pound total) or 8 chicken thighs, skinned (about 2.5 pounds)
1 cup cornbread or herb-seasoned stuffing mix or cornflakes, coarsely crushed
  • Set oven to 375º.  Place margarine in a shallow baking pan; place in oven for 3 to 4 minutes or until margarine melts.
  • Meanwhile, rinse chicken; pat dry.  Dip chicken pieces into melted margarine; then roll in stuffing mix or cornflakes to coat.  Place chicken pieces atop remaining melted margarine in the pan.  Bake in a 375º oven 20 to 25 minutes for breasts or 35 to 45 minutes for thighs, or till tender and no longer pink.  Makes 4 servings.
 

Ang galing!  Malasang-malasa ang kinalabasan ng luto ko!  Ewan ko ba kung may kiling lang ako kasi paborito ko ang manok (lalo na ang fried chicken), pero masarap siya talaga.  Sa totoo lang, ang ginawa ko dito, yung dinurog na cornflakes, hinaluan ko ng breading mix.  Kung hindi lang talaga mas malaki ang konsumo sa gasul ng paggamit ng oven o hurno kesa sa paggamit ng kalan, palagi ko na lang gagawin ito.
Sa susunod na paggawa ko nito, mas pipinuhin ko pa ang pagdurog sa cornflakes.  Hindi ko kasi masyadong dinurog, yung medyo malalaking piraso kasi ng cornflakes dito sa ginawa ko, kumunat.  Pero kahit makunat, nasipsip naman niya yung pinaghalong lasa ng manok at nung breading mix, kaya panalo pa rin yung lasa kahit makunat ;)
Salamat nga pala sa asawa ko sa pagkuha ng mga larawang ito gamit ang kanyang cellphone.