Tuesday, September 4, 2012

Regent Chocolate Pie

This summary is not available. Please click here to view the post.

Monday, September 3, 2012

More Luneta!

Ito rin yung araw na pumunta kami sa post ko na Luneta.
Ito pa yung mga ibang larawan na hindi ko naisama sa post na iyon.  Itong mga larawang ito ay kuha sa cellphone ko.
Naalala ko nung pumunta kami dito ay umaga at medyo mainit ang sikat ng araw, sa loob ko nun, sabi ko "sana may dala akong payong."  Di ko lang alam kapag hapon kung mainit din dito o mas malamig.
May advantage din naman yung pagpunta namin ng umaga noon -- wala gaanong tao.  Maluwag at maayos magkuha ng mga litrato.  Lunes din ng umaga noon, kaya siguro wala halos tao.  Siguro pag Sabado o Linggo ng umaga pa lang, marami na ang namamasyal dito.

Sunday, September 2, 2012

Dapithapon

Minsan kapag may oras kami pumupunta kami sa libingan (memorial park) kung saan nakalibing ang tatay ko at nakatambay lang kami doon.  Parang parke na ito para sa amin.  Isang beses ay di ko mapigilang kuhanan ng larawan ang langit na hinahabol ang lumulubog na araw.  Kahit hindi ito kasing ganda ng nakita ng naked eye ko, kinunan ko pa rin ito ng litrato sa cellphone ko kasi parang relaxing ang eksenang ito para sa akin.

Saturday, September 1, 2012

Toddler Food Art

Minsan noong 2 at kalahating taong gulang ang anak ko, binigyan ko siya ng biskwit.  Meron akong ginawang gawaing bahay at pagbalik ko sa kanya para kumustahin siya sa binigay kong biskwit, ito ang nakita kong eksena (sa larawan).  Inayos niya ang mga biskwit sa ganitong paraan!  Medyo nagulat ako kasi sa edad niyang yon, kaya na niya palang gawin ito.  Hindi pa siya pumapasok sa paaralan niyan (hanggang ngayon na malapit na siyang mag-4 na taong gulang).  Kinuhanan ko ng larawan para maitala ko ang nagawa ng anak ko sa edad niyang iyan.

Friday, August 31, 2012

Toblerone Tinys So Cute!

 
Natuwa lang naman akong kuhanan ito ng larawan kasi ang cute nila!  Nag-post na ako dito dati nung nasa kahon pa sila.  Ngayon kinuhanan ko sila nang nakalabas na sila sa kahon.


Thursday, August 30, 2012

Chic-Boy (Chicken at Baboy)

Ayan napakain na naman kami sa labas.  Narinig o nakita ko na dati itong Chic-Boy na ito, pero di ko maalala kung sa magazine ba, diyaryo, o telebisyon.  Nang makita namin ito, na-excite kami (inabutan lang kami ng gutom sa daan, tapos gusto namin na sana makatiyempo kami ng kainan na hindi pa namin nakakainan).  Mula nang mag-3 taong gulang ang anak namin, pang-3 tao ang kinukuha namin sa mga kainan.  Kaya kumuha kami ng tig-iisang CB-5, CB-6, CM-3, tatlong iced tea, at isang SO-3.
Ensaladang Mangga at Breaded Chicken
Ang CB-5 ay Lechon Manok.  Ito ay nagkakahalaga ng 99 piso at rice-all-you-can ito.  Ang CB-6 naman ay Lechon Liempo, rice-all-you-can din ito sa halagang 125 piso.  Ang mga lechon daw nila dito ay Lechon Cebu.  Ang ibig sabihin nga pala ng CB ay Chibog Busog (hindi call boy :D).  Yung CM-3 naman ay Breaded Chicken na nagkakahalaga ng 69 piso.  Hindi ito rice-all-you-can.  Ang ibig sabihin naman ng CM ay Chikito Meal.  Ang SO-3 naman ay Ensaladang Mangga.  Nakalimutan ko ang ibig sabihin ng SO, pero parang Side Order ata.  Halagang 25 piso itong Ensaladang Mangga.  Ang isang iced tea naman ay nagkakahalaga ng 20 piso.  Meron din silang bottomless iced tea sa halagang 25 piso, pero hindi kami kumuha nun kasi tama na para sa amin ang tig-iisang baso (ayaw namin uminom ng marami kasi nasa kalagitnaan kami ng malayuang biyahe, baka mapaihi kami ng madalas habang nagbibiyahe).  Para sa lahat ng kinain namin, ang binayaran namin ay 378 piso.
Hindi ko akalain na ang sarap nito!  Yung sawsawan na kasama, suka na matamis, malapot-lapot at maanghang.  Ang galing!  Tapos yung ensaladang mangga, nakakagana!  Tinikman ko rin yung CM-3 ng anak ko, ayos din!  Ang masasabi ko sa sawsawan nung Breaded Chicken nila ay "lasang chichirya" :)  Parang talagang binagay nila sa panlasa ng mga bata.  Pero grabe, nabusog talaga kami.  Hanggang gabi, hindi na kami nakapaghapunan ng asawa ko kasi sobrang busog pa kami sa tinanghalian naming ito.  Nga pala, yung mga mesa at iba pang gayak sa kainang ito, ang lapit sa gayak ng Mang Inasal ;)

Wednesday, August 29, 2012

Waffle Crisps

Natanggap lang namin ito mula sa isang kamag-anak.  Hindi ko alam kung sa ibang bansa niya talaga ito nabili o dito lang din sa Pilipinas.  Parang nakakita na ako nito pero parang ngayon pa lang ako talaga makakatikim nito.  Nakatikim na ako ng Belgian waffle, pero sa itsura nito sa larawan sa kahon, parang malutong siya at mas matamis (di gaya ng Belgian waffle na parang malapit sa hotcake -- malambot at di gaanong matamis).
may nakalarawan na butter sa kahon nito
Masarap siya, sobrang malinamnam!  Ginawa ko itong almusal isang beses, pinahiran ko ito ng butter kasi may nakalarawan sa kahon nito na para bang iyon ang paraan ng pagkain nito.  Naisip ko rin na baka nakalarawan ang mantikilyang ito ay dahil talagang nakahalo na ito sa biskwit, pero nagpahid pa rin ako ng butter na mukha at lasang imported din (nakalimutan ko ang tatak, basta nabili siya ng nanay ko at ngayon iyon ay nasa refridgerator).  Pagkatapos ng tatlong piraso, parang naumay na ako sa sobrang tamis at sarap!  Hindi ko rin sigurado kung ganito nga ba itong kainin o baka naman dapat ilagay ito sa sorbetes?

Tuesday, August 28, 2012

Tinapay: Sonya's Garden

Kung saan ako nakatira ngayon ay bawal ang plastik -- yung "sando bags" na tinatawag nating mga pinoy.  Kapag namimili ang nanay ko sa palengke, kailangan may dala siyang sariling basket o kahit anong paglalagyan ng pinamili niya.  Kung walang dalang lalagyan, mapapabili ka ng bayong, "eco bag," supot na sako, o kahit ano pang binebenta nila para mabitbit ang pinamili mo.  Pwede lang ang plastik kung basa ang bibitbitin.
Pagkaraan ng mahigit isang taon ay nakabalik ako sa Sonya's Garden.  Nanibago ako nang matanggap ko ang sando bag na pinaglagyan ng binili kong pan de coco at cheese hopia, matagal-tagal na rin akong hindi nakabitbit ng sando bag.  Kinunan ko ng larawan ang sando bag na "eco-friendly" naman pala.  Sana dati pa ginamit ang ganito sa Pilipinas para di na nagbabara sa mga basurahan at kung saan-saan ng sa gayon ay naiwasan ang mga pagbaha.  Bata pa lang ako ay nag-aalala na ako para sa kalikasan, kaya kung anumang kaya kong gawin para sagipin ito, sinisikap kong gawin; gaya ng pagtitipid sa tubig at pagre-recycle ng mga bagay-bagay.
At nung araw nga na nakabalik ako sa Sonya's Garden, ang bagong lutong mga tinapay sa panaderya ay ang pan de coco at cheese hopia.  Nagulat ako pagkuha ko ng pan de coco mula sa basket nila kasi ang bigat para sa sampung piraso!  Yung cheese hopia naman, naging paborito ko na mula nung nakatikim ako nun.  Ang bili ko sa isang balot ng pan de coco at isang balot ng cheese hopia na may tig-10 piraso ay 220 piso.  Galing talaga ng mga tinapay nila, walang katulad :)

Monday, August 27, 2012

Freshwater Hipon

Minsan pumunta ang nanay ko kasama ang kapatid ko sa isang lawa para bumili ng sariwang tahong at hipon.  Hindi ko alam na may hipon pala sa matabang na tubig, akala ko kasi sa tubig-alat lang nabubuhay ang hipon.
Inuwi nila nang buhay ang mga tahong at hipon.  Kita kong lumalangoy-langoy pa ang mga hipon sa palangganang may tubig na pinaglagyan sa mga ito ng nanay ko.  Meron pang tumatalon at nakakalabas ng palanggana.
Maya-maya ay niluto na ng nanay ko ang mga hipon.  Huhugasan ko na ang mga ginamit niya nang makita kong may isa pang gumagalaw-galaw na hipon sa palangganang wala nang tubig.  Kinuha ito ng kapatid ko at inilagay sa aquarium namin na may mga isdang molly.  Inisip ko noon kung mabubuhay nga ba ito sa aquarium na ito.
Ngayon ay mahigit isang buwan na dito ang hipon na ito.  Makikita sa larawan na nakatago ito sa ilalim ng bato, kung saan ko siya madalas makita.  Mula nung tumira siya dito, tatlong isda na ang namatay.  Hindi ko alam kung may kinalaman ba ang hipon sa mga kamatayang iyon, o naaagawan niya ba ng pagkain ang mga iyon at namatay sila sa gutom, o nagkataon lang.

Sunday, August 26, 2012

SaĆÆd Chocolat

Ipinasalubong ito sa amin ng isang kamag-anak na galing ibang bansa.  Nakakatuwa kasi sa totoo lang medyo sawa na ako sa mga tsokolateng galing Estados Unidos gaya ng Mars, M&M's, Snickers, Butterfinger, 3 Musketeers, Milky Way, at Baby Ruth. 
Nagustuhan ko ang lasa nito, parang malapit sa Cadbury.  Natuwa din ako na manipis lang siya, parang naalala ko yung Serg's.  Nakakatuwa na minsan sa buhay ko at sa buhay ng pamilya ko ay nakatikim kami nitong SaĆÆd Chocolat.

Saturday, August 25, 2012

Goat's Milk Lotion

Alam kong maraming pakinabang sa gatas ng kambing, pero di ko alam na pwede din pala itong maging lotion.  Natanggap ko ito bilang isang regalo mahigit pitong taon na ang nakakaraan, pero nakatago lang ito at hindi ko halos nagamit.  Natagpuan ko itong muli noong nakaraang taon, at medyo malabnaw na ito.  Di ko na maalala kung ganito nga din ba ito kalabnaw noon.
Nakalagay din dito na fragrance-free ito, kaya nung inamoy ko ito nung matagpuan ko ito mula sa matagal na pagkakatago, hindi ako nagtaka na wala akong maamoy na mabango dito.  Hindi rin naman siya mabaho, pero parang meron akong naamoy na gatas.  Sa totoo lang hindi ko na rin maalala kung anong eksaktong amoy nito noong bago pa ito.

Friday, August 24, 2012

Pancit ni Mang Juan

Di ko akalain na magkakaroon ng instant pancit canton ang JacknJill at si "Mang Juan."  Akala ko puro chichirya lang ang produkto at magiging produkto ni Mang Juan, pero heto't nakita namin ito sa supermarket.
Masarap siya kasi manamis-namis ito at damang-dama yung lasa ng usok.  "Barbecue" nga eh :D
Parang nakakabitin lang, parang konti siya para sa akin.  Sana dagdagan nila ito.  Meron ding ibang flavors at binili din namin.

Thursday, August 23, 2012

Colette's Cassava Bibingka

Akala ko iba pa itong Cassava Bibingka ng Colette's doon sa alam kong cassava pudding na lagi kong pinapabili sa nanay ko sa palengke.  Iyon din naman pala, at masarap din gaya ng nalalasahan kong cassava pudding noong bata pa ako.  Nagkakahalaga ito ng 140 piso.  Ang init pa nung kunin ko ito kasi bagong luto!  Hindi pa ito nahihiwa noong binuksan namin ang kahon, sabik pa naman ako kainin ito kahit nasa sasakyan pa lang kami.  Mula noon, naisip kong dapat may nakatambay na laging kahit disposable na kutsilyo at kutsara o tinidor sa sasakyan :D  Pero pwede naman atang makiusap na hiwain ito doon sa tindahan bago ito bitbitin paalis.

Wednesday, August 22, 2012

Babycino: Cafe Antonio

Madalas kong natyetyempuhan sa HBO yung pelikulang Sex and the City 2 at pinapanood ko yun kahit ilang beses ko nang napanood yun kasi tagahanga ako ng palabas na iyon.  Hindi ko rin nalilimutan yung eksenang bumangon sa kalagitnaan ng gabi si Carrie at pumunta sa kusina para kumuha at uminom ng gatas.  Nagulat siya nang biglang sumulpot sa kusina ang kanilang "butler" o alalay para tulungan siya.  Habang pinapainit ang gatas, iminungkahi ng alalay na lagyan ng cinnamon ang gatas at pumayag naman dito si Carrie.  Mula noong una kong napanood yun, curious na ako kung ano ang lasa ng gatas na nilagyan ng cinnamon.

Nagkaroon ako ng pagkakataon nang makapunta ako sa Cafe Antonio sa Los BaƱos, Laguna.  Nakita ko sa menu nila ang Babycino at nalaman namin ng mga kasama ko mula sa barista na iyon nga daw ay gatas na may cinnamon.  Walang duda, iyon ang inorder ko.  Masarap naman siya, hindi matapang ang lasa ng cinnamon.  Hindi ko lang nasubukan kung anong lasa niya kapag dinagdagan ko ng asukal itong timpla na ito, pero malamang ito uli ang orderin ko kapag nakabalik ako doon.  Ang bili ko dito ay 70 piso.

Tuesday, August 21, 2012

Ding Hao Chinese Cuisine

Minsan nag-ikot kami ng pamilya ko sa Batangas at Calamba, Laguna para tingnan ang mga "open house" ng ilang mga nagbebenta ng bahay at lupa sa mga bagong village o subdivision (parang old school naman ng term na "subdivision" :D).  Inabot na kami ng gutom sa daan, kaya nagpasiya kaming tumigil sa may makakainan.  Sa isang mall sana kami titigil, kaya lang medyo nahirapan kaming maghanap ng paradahan.
At nakita nga namin itong Ding Hao Chinese Cuisine sa Calamba, Laguna.  Hindi kami nahirapan sa pagparada ng sasakyan namin dito.  Madalas namin itong nakikita kasi nadadaanan talaga namin ito kapag pauwe na kami galing sa pagdayo sa Hilaga (North).  Tuwing napapadaan kami dito, pareho kami ng asawa ko na may kanya-kanyang pagbabahagi ng masayang alaala sa kainang ito.  Kaya naman itong pagpunta naming ito, hindi lang basta para mawala ang gutom namin, kundi makahulugan din ito dahil pumunta kami dito ngayon bilang isang sariling pamilya.  Gagawa kami ngayon ng sarili naming bagong masayang alaala dito.
Double Bola-Bola With Asparagus Soup
Pagpasok namin, parang may kakatapos lang na reception ng isang kasalan.  Sa loob, makikita ang isang malaking bulwagan sa gawing kaliwa na mukhang pinagdausan nung reception at unti-unti na itong iniimis.  Sa kanan naman ay may saradong bahagi kung saan dito kami ginabay ng naninilbihan sa Ding Hao.  Iyon pala ang bahagi para sa mga dumadayo ng kain doon.  Mukhang maliit na bahagi na lang ang kainan para sa dayo at ang pinakamalaking bahagi ay ang para sa mga salu-salo.  Noong bata pa ako, sa pagkakaalala ko, ito talaga ay isang malaking-malaking kainan at maliit na bahagi lamang ang para sa mga nagpareserbang salu-salo.
Ang kinuha namin ay Double Bola-Bola With Asparagus Soup, Sliced Beef with Broccoli in Oyster Sauce, at Ding Hao Fried Rice.  Tatlong sukat ang meron sila para sa mga putahe: S, M, L.  S o small ang kinuha namin sa lahat ng putaheng pinili namin kasi sabi ng tagapagsilbi, ang sukat na ito ay kasya sa 2-3 katao.  Kumuha din kami ng isang Coke in can.  Mahigit 600 piso ang pinagbayaran namin dito.  gumamit ako ng credit card sa pagbayad.
Masaya kami sa karanasan naming ito.  Masarap ang kinain namin at naubos namin, wala na kaming pinabalot.  Mababait din ang mga naninilbihan.  Meron kasing ibang kainan na walang kabuhay-buhay ang mga naninilbihan na para bang mararamdaman mong ayaw nila sa trabaho o ginagawa nila.  Pero dito sa Ding Hao, mababait at matutulungin ang mga tauhan.  Hindi sila OA sa enerhiya, pero hindi rin sila masungit at nakasimangot.

Monday, August 20, 2012

Katakataka

Mula sa hardin ng isang kamag-anak, nakita namin ang isang halaman na parang may tumutubong bulutong o tigyawat sa dulo ng mga dahon nito.  Sabi ng nanay ko, katakataka daw ang pangalan ng halamang iyon.  Kumuha ang nanay ko noong "tigyawat" niya at nilagay sa isang plastik at inilagay sa kanyang bag.  Tinanong ko kung ano ang gagawin niya sa mga iyon, sabi niya itatanim niya daw pag-uwi namin.
Nakalimutan na ng nanay ko na naglagay siya ng "bulutong" ng katakataka sa bag niya, naalala niya lang 2 araw na mula nung umuwi kami galing dun sa kamag-anak naming may katakataka.  Nilabas niya ang mga "tigyawat" na ito at binudbod sa ibabaw ng lupa na nasa tasa.  Nakakagulat kasi kinabukasan, parang nagkaroon na nga sila ng ugat!  Itong larawan ay kuha 8 araw pagkatapos itong ibudbod ng nanay ko sa tasang ito.

Sunday, August 19, 2012

Sunkist Angry Birds

Hindi ako fan ng Angry Birds, pero na-cute-tan ako sa inumin na ito.  Panalo din itong papremyo sa anak kong 3 taong gulang.  Kapag kasi may pinagawa ako sa kanya, minsan susundin niya lang ako kapag may premyo siya.  Minsan naman pag may maganda siyang nagawa, kusa ko siyang binibigyan ng premyo.
Meron din itong ibang kulay, ibon, at flavor.  Madalas ang natetyempuhan lang namin sa aming pamimili ay itong apple at orange.  Sana makatagpo na rin kami ng grape at mango sa susunod naming pamimili.  ang bili namin dito ay P13.50.

Saturday, August 18, 2012

Toblerone Tinys

May nagbigay samin nito at parang ngayon lang din ako nakatanggap ng ganitong pakete ng Toblerone.  Bata pa lang ako, kilala ko na ang tsokolateng ito at hanggang ngayon ganun na ganun pa rin ang itsura ng balutan nung pinakasikat nilang produkto - yung dilaw na tatsulok na kahon.
Nakakita na ata ako dati ng Toblerone Minis, at parang ganito din yun.  Pero ngayon lang ako nakakita ata ng ganito karami na nasa ganitong kahon.  Na-cute-tan ako at siyempre, kinunan ko ito ng larawan para sa hinaharap ay maalala ko na naka-inkwentro ako nito.
Pasensya naman kasi hindi ko nabilang kung ilang piraso ang laman ng buong kahon na ito, pero para sa akin ay madami yun!