Tuesday, July 17, 2012

Ulam: PatisTito Garden Cafe

Minsan kumain kami ng pamilya ko sa PatisTito Garden Cafe sa Brgy. Sta.Cruz Putol, San Pablo City.  Papunta sa kainang ito, pakiramdam ko ay bukid ang pupuntahan namin.  Para ngang hinahanap-hanap ng katawan, isip, at puso ko ang pakiramdam na malayo ako sa kabihasnan, yung puro halaman at mga puno lang ang nakikita sa paligid, tapos yung hindi ka masyadong makakarinig ng ingay ng mga dumadaang sasakyan.  Kaya naman sa pagpunta naming ito, talagang gumaan ang kalooban ko.
Dahil lakad ng pamilya ito, karaniwang set ang inorder namin: kanin, ulam, inumin, himagas.  Kasi kung lakad ito ng barkada at kanya-kanya kami ng order, malamang kape at himagas o appetizer lang ang order ko.
Ang isang ulam na kinuha namin ay ang kanilang Lumpiang Shanghai with Cheese.  Sa totoo lang, naka-grupo ito sa appetizers.  Pero dahil pinoy tayo, inulam namin ito :D  Isa pa, isa ito sa mga paboritong ulam ng 3 taong gulang kong anak.
Ang sarap ha, hindi makapal yung balat ng lumpia kaya talagang malutong ito na hindi manglalaban ang ngipin o kagat.  At syempre nakakapagpalinamnam talaga ang keso kapag hinahalo ito sa mga lutuin.  Yung sawsawan, yung karaniwan ding nabibili sa mga supermarket na sweet chili sauce.  Palagay ko yun na talaga ang pinakabagay na sawsawan ng lumpiang shanghai kaya kahit hindi nila sariling gawa yung nakalagay na sawsawang ito, swak pa rin.
Yung isa pang ulam na kinuha namin ay Inasal Diablo.  Napili namin ito kasi kakaiba yung pangalan niya tsaka para maikumpara sa lasa ng iba pang inasal na nasubukan namin.  Makikita sa larawan na may kasamang kangkong yung plato ng manok na ito, nakakataka kasi ngayon lang ako nakakita ng inasal na manok na may kangkong.  Malasa din ang timpla ng manok!  Tapos yung timpla ng kangkong, parang inadobo sa bawang, ang sarap kapares sa manok!  Nakakagulat talaga.  Kung ako lang mag-isa, palagay ko kaya kong ubusin yung isang order na yung nung Inasal Diablo :D  Tapos may atsara pa, panalo talaga.

Monday, July 16, 2012

Panera Bread Potato Chips

Gaya ng nabanggit ko na, hangga't maari kinukunan ko ng larawan ang mga nasusubukan ko para naman maalala ko na minsan sa buhay ko ay nasubukan ko iyon.
Itong Panera Bread Potato Chips na ito ay uwi ng asawa ko galing Estados Unidos.  Hindi naman gaanong naiiba ang lasa niya, para din siyang karaniwang potato chips na nabibili dito sa Pilipinas.  Medyo matabang nga lang ang isang ito.
Isang bagay na nadiskubre ko mga 6 na taon nang nakakaraan ay masarap pala ang potato chips isabay sa pagkain ng gourmet na sandwich.  Para bang hamburger, bagay pala talagang sabayan ito ng french fries.

Yung chips pala nito, kamukha din ng sa Lay's, pero mas maliliit ang putol.  Tsaka gaya ng nasabi ko, medyo natatabangan ako dito, pero ayos pa rin kasi nga mukhang sinadya siyang gawin para isabay ito sa sandwich.

Sunday, July 15, 2012

Wonka

   
Madalas kapag nagkakakwentuhan at nagkakatanungan "nasubukan mo na ba yung..." tapos di mo masyadong maalala kung ano nga bang tatak o brand, o yung itsura, o yung lasa o amoy ng kung ano man yun, mase-stress ka na lang sa kaiisip, di mo pa rin maalala nang malinaw.  Ngayong 30-ish na ako, hangga't maari, kinukunan ko ng litrato ang mga pakete ng mga nasusubukan kong pagkain.
Gaya nitong Wonka Chocolate na ito na uwi ng asawa ko galing Estados Unidos.  Dati ko nang naririnig si Willie Wonka, pero nito ko lang itong lubos na naunawaan nang mapanood ko ang Charlie and the Chocolate Factory noong isang taon.  Natuwa ako sa pelikulang ito, at di ko alam na may ganoon ngang tsokolate sa tunay na buhay!  Di ko rin sigurado kung ano ang nauna, kung yung pelikula, o yung tsokolate.

Saturday, July 14, 2012

Chocolate Cake

Wala yata akong kilala na ayaw sa tsokolate.  Ang nanay ko na mahilig mag-bake ng cake, madalas chocolate cake ang ginagawa kasi siguradong benta ito sa amin.  Ang dami na rin niyang sinubukan para malaman ang perpektong timpla.  Pero kahit ano pa mang timpla ang gawin niya, nauubos pa rin namin ang kahit anong chocolate cake na ginagawa niya.
Itong partikular na cake na nasa larawan, meron itong pinagbasehang recipe.  Yung mga nakalagay sa ibabaw, ibinudbod ng nanay ko kahit di naman iyon nakalagay sa recipe, para lalo pang gumanda ang cake na ito sa paningin ng mga apo niya.  Di ko na maalala kung saan namin nakuha yung recipe, pero kung di ako nagkakamali, galing ito sa isang palabas noon sa QTV 11 na True Confections.  Yung icing naman nito, sariling gawa ng nanay ko.  Kung di ako nagkakamali, ito ay gawa sa nilagang kondensada (as in yung lata pakukuluan ng 3 oras) at chocolate powder (nabibili sa mga baking supplies shops) o cocoa.

Easy Chocolate Cake


Ingredients:
Cake Batter:
2 cups sugar
1-3/4 cups all-purpose flour
3/4 cup cocoa powder
1-1/2 teaspoons baking powder
1-1/2 teaspoons baking soda
1 teaspoon salt
2 eggs
1 cup milk
1/2 cup vegetable oil
2 teaspoons vanilla extract
1 cup boiling water


Instructions:
Heat oven to 350ºF.
Grease and flour two-9-inch round pans or one 13x9x2-inch baking pan.
STEP 1:  Stir together sugar, flour, cocoa, baking powder, baking soda and salt in large bowl.
STEP 2: Add eggs, milk, oil and vanilla; beat on medium speed of electric mixer 2 minutes.
STEP 3: Stir in boiling water (batter will be thin). Pour batter into prepared pans.bake 30 to 35 minutes for round pans, 35 to 40 minutes for rectangular pan or until wooden pick inserted in center comes out clean.  Cool 10 minutes; remove from pans to wire racks.  Cool completely.

Friday, July 13, 2012

Cheese Top Burger

Simula nung nagkamalay ako, ang alam ko ay palaman sa tinapay ang keso.  Pero itong pinauso ng KFC o Kentucky Fried Chicken ay kakaiba - nasa labas ng tinapay ang keso!  Ang tawag nila dito ay Cheese Top Burger.  Sa totoo lang, ngayon lang ako nakakita na linagay sa labas ng tinapay ang keso.
Nung nakikita ko pa lang ito sa patalastas, nagtataka ako kung bakit hindi nila ipinalaman sa tinapay yung keso.  Pero takam na takam ako sa itsura niya sa patalastas, kasi ang ganda tingnan nung keso na parang mainit-init at malambot na yumakap sa ibabaw nung tinapay.  Parang wirdo pa rin, nasa labas ng tinapay yung keso?!?
Aaminin ko, parang nadismaya ako ng konti nung binuksan ko ang balot ng sandwich na ito kasi hindi ganito ang itsura niya sa patalastas!  Tapos nagbibitak-bitak pa yung keso kung titingnan nang malapitan.  Naaalala ko tuloy pag may kesong naiwan sa refrigerator nang matagal, tapos pagbukas mo uli sa dito, naninigas, tuyo, at nagbibitak-bitak tapos pagkagat, di na ito kasing sarap nung bagong bili pa lang ito.  Akala ko ganoon din ang keso dito sa sandwich na ito.
Sabi nga nila, "don't judge the book by its cover."  Totoo nga!  Nang kinagat at kinain ko na ito, aba, kakaiba!  Ang sarap!  Tama nga palang ilagay ang keso sa labas ng tinapay, kasi mas nalalasa ko ang keso na bumabagay dun sa dressing ng chicken fillet patty.  Sa presyong 79 piso, hindi na ito masama, may kasama pang softdrinks at fries.  Eto gasgas nang linya, pero sasabihin ko: it's a must-try :)
Salamat nga pala sa asawa ko sa pagkuha ng larawan.

Thursday, July 12, 2012

Kainan sa Bahay

Ito ang mga niluto ng nanay ko noong ika-60 kaarawan niya.  Simple lang, kami-kami lang naman sa bahay ang kakain eh.  Pero itong ganitong kainan, halos sigurado akong hindi ko ito mararanasan sa ibang bansa.
Mahilig din mag-bake ng cake ang nanay ko, kaya heto, meron din ditong simpleng cake.  Meron ding sinantomas, di ko alam kung nagluluto din ng ganito sa ibang bahay.  Siguro sa kaldereta ko na ito pinakamalapit na maihahalintulad.  Yung inihaw na tilapya na may sawsawang pinaghalo-halong toyo, kalamansi, bawang at sibuyas, classic talaga!  Lalo pag outing sa beach o swimming pool!  Yung lechon dito, bumili lang ang nanay ko ng 3 kilo ng liempo, tapos pina-hurno niya yun sa isang bakery.  Kung may lechon man sa ibang bansa, di ko ma-imagine kung kasing-sarap o kasing-lasa din kaya yun ng lechon natin dito.  Haay, ang sarap maging Pilipino sa Pilipinas :)

Wednesday, July 11, 2012

Kim's Egg Drop Soup

Ito ang ginawa kong Egg Drop Soup mula sa recipe sa isang pakete ng soup mix na nakita ko sa supermarket.  Ang tatak ng soup mix na ito ay Kim's Egg Drop Soup. 
Cooking Directions:
2 cups (500 ml) water
1 packet (27 g) Kim's Egg Drop Soup Mix
1 egg, slightly beaten
1/2 (1.5 ml) sesame oil (optional)
2 tbsp (40 g) chopped ham (optional)

In a small saucepan, dissolve 1 packet Kim's Egg Drop Soup Mix in water.  Bring to a boil, stirring occasionally.  Simmer for 5 minutes.  Slowly pour in the egg while stirring gently in one direction.  Add chopped ham, if desired.  Remove from heat and for a more oriental flavor, add sesame oil.  Serve immediately.
Masarap siya, parang kaya kong ubusin sa isang kainan lang!  Pero siyempre, hindi ko iyon ginawa dahil para sa buong pamilya itong ginawa kong ito.
Ang bili ko dito sa isang paketeng ito ng soup mix ay P19.75.
Mahalaga na haluin ito ng haluin habang niluluto para hindi magbuo-buo sa ilalim.

Tuesday, July 10, 2012

Luneta

Sa pagkakaalala ko, turo sa amin noon sa mababang paaralan na hindi na dapat tinatawag na Luneta ang Rizal Park.  Di ko na rin maalala kung saan nanggaling ang salitang Luneta, pero ang naaalala ko, Bagumbayan ang tawag sa lugar na iyan noong panahon ng Kastila.

Kapag sinabing Luneta o Rizal Park, ang unang imaheng nakikita ko sa isip ko ay ang sikat na monumento ni Dr. Jose Rizal dito na binabantayan ng dalawang gwardiyang hindi gumagalaw.  Sa 30 taon ng buhay ko, ito ang unang pagkakataong nakapunta ako sa liwasang ito.  Meron palang ibang itsura ang pasyalang ito!  Nakakamangha talaga, kumuha kami ng asawa ko ng ilang larawan ng mga ibang tampok sa pasyalang ito.
Sa isang bahagi, napapaligiran ito ng bakod, at ito daw yung Rizal's Execution Site, o ang lugar kung saan siya binitay.  Sabi ng mga nangangalaga doon, may palabas daw dito sa gabi kung saan nilalarawan nila, kinukuwento, at isinasabuhay ang pagbitay kay Rizal.  May bayad daw sa pagpanood ng palabas na iyon.  Dahil pumasok kami dito sa bahaging ito na "binabayaran" ang palabas, binigyan nila kami ng tiket.  Pero wala namang palabas noong nandun kami, kaya sabi nila magbayad na lang daw kami ng tig-20 piso bawat tao, mababa kesa sa halaga kapag panonoorin ang palabas.
Ito daw yung eksaktong bahagi kung saan pinatay si Rizal.

Nang makita ko itong mga bahagi na di ko pa nakita, naramdaman kong muli ang pagmamalaki sa Pilipinas.  Malinis ang liwasan, at hindi ako nakakita ng mga tambay na kahina-hinala.  Kumbaga, ligtas ito para pasyalan ng pamilya.
Hindi ka magugutom dito sa pasyalan, dahil kabi-kabila ang mga tindahan.  Mga ligal silang tindahan, hindi mga basta-bastang street vendors.
Nakakatuwa talaga, akala ko hindi ko na makikita ang Rizal Park sa personal, at hanggang aklat, diyaryo, o internet na lang.  Sana lahat ng Pilipino makapunta din dito.
Meron ding bahagi ang liwasan kung saan may mga ulo ng iba pang bayaning Pilipino.  Nakatatak o nakasulat din doon kung ano ang nagawa nilang kabayanihan.  Ang pagtingin at pagbasa ng mga kabayanihan nila ay isang mgandang karanasang pang-edukasyon.
Doon din sa bahaging iyon, bandang gitna ng pasyalan, ay dumadapo ang mga kawan ng mga kalapati na nagbibigay ng eksenang parang nasa Yuropa.
isang higanteng orasan.  tama ang oras nito!
Meron ding mga malalaking kalesa (kasya ang halos 8 tao) at tram na pwedeng masakyan sa loob ng pasyalan.  Tara na, biyahe tayo :)

Monday, July 9, 2012

Little Lamb

Nadaanan namin ito nung papalabas kami ng Manila Ocean Park.  Tamang tama kailangan naming maghapunan, at ito ang una naming nakita.  Ilang segundo rin kaming nakatigil bago pa namin talagang itinabi ang sasakyan at nag-park.  Nag-diskusyon pa kasi kami ng asawa ko kung kainan nga ba yan, o baka mahal diyan.  
Pagpasok namin sa loob, nagustuhan ko ang itsura at ang pagkaka-ilaw, tamang-tama lang.  Doon lang din namin nalaman na shabu-shabu pala siya.  Ngayon pa lang ako makakapag-shabu-shabu, pero matagal ko na itong naririnig at talagang gusto ko na rin makaranas nun. 


Ang sistema pala nila ay meron na silang pangunahing timpla ng sabaw, tapos pipili ka na lang sa menu nila kuna ano ang mga idadagdag.  sa pagkakaalala ko, ang mga pinadagdag namin dito ay tofu, beef balls, chicken balls, chinese pechay...meron pang iba, kaso nakalimutan ko :(  Tapos umorder na lang kami ng tig-iisang kanin at dalawang iced tea.  Masarap!  Hindi matapang ang lasa, at yung hagod ng mainit na sabaw, iba talaga.  Bagay talaga noon na medyo malamig kasi Disyembre.  Masaya talaga ako dahil sa wakas, nakaranas na ako ng shabu-shabu.
 Akala ko mahigit 1,000 piso ang babayaran namin.  Natuwa naman ako dahil halos 800 piso lang ang bill namin, at 4 na tao na kaming kumain.

Sunday, July 8, 2012

AsPin

Mas gusto ko talaga ang Aspin, o asong pinoy, kesa sa mga asong may lahing banyaga.  Hindi ko aso itong nasa larawan.  Isa lang siya sa mga asong gumagala sa resort na pinuntahan namin.  Gaya ng isang regular na aso, lumapit ito sa amin dahil nakakaamoy ito ng pagkain.
Natutuwa din naman ako sa asong may banyagang lahi, pero iba ang pakiramdam ko sa aspin.  Ilang beses na rin ako nagkaroon ng asong may lahing banyaga, pero di gaanong tumagal ang buhay nila gaya ng mga aspin ko.  Nagkaroon ako ng aspin na nabuhay ng halos 20 taon (taon ng tao).  Nagkaroon pa ako ng aspin na nagro-roll over, nabuhay siya ng mga 15 taon.  Sabi ng asawa ko, pakiramdam daw niya mas matalino ang asong may lahing banyaga.  Hindi ako sumasang-ayon sa kanya diyan.  Tingin ko pa nga mas matalino at sensitive ang aspin. Ewan ko ba kung may kiling lang ako dahil makabayan ako, o talagang nababatay lang iyon sa katotohanan :)

Saturday, July 7, 2012

Snickers Peanut Butter

Ito naman, kinunan ko kasi ngayon lang ako nakakita ng Snickers Peanut Butter.  Matagal na nating kilala ang tsokolateng ito, at meron din pala silang ibang "flavor."  Hindi ko alam kung nakakabili na nitong partikular na tsokolateng ito sa Pilipinas (pasalubong lang kasi ito galing ibang bansa).  Yung regular na Snickers, pangkaraniwan na lang yata ngayon sa mga supermarkets at convenience stores dito sa 'Pinas.

Friday, July 6, 2012

Reese's Minis

Kinunan ko ito ng picture kasi ngayon ko lang nalaman na meron palang ganitong Reese's.  Sanay kasi ako doon sa Reese's na malalapad na may balot na papel na para bang cupcake.Gustong gusto ko itong tsokolateng ito kasi mahilig din ako sa peanut butter.  Meron nga kayang taong ayaw sa tsokolate?  Noong bata pa ako, pinagbabawalan ako ng nanay ko na kumain ng tsokolate kasi nagkakaroon ako ng kulitiw/kuliti/guliti o kung ano pa man yun, basta para siyang tigyawat sa may pilikmata.  Kaya naman kapag may nag-aalok ng chocolate, tinatanggihan ko at sinasabi kong "ayoko," mukha tuloy ayoko ng tsokolate.  Pero sa totoo lang, ang ayaw ko ay ang magkaroon ng kulitiw.  Ngayon kontrolado ko na, alam o ramdam ko na kung hanggang gaano karami lang ang maari kong kaining tsokolate para hindi ako magka-kulitiw.

Thursday, July 5, 2012

Yet Another Hotdog Sandwich

Isa ulit ito sa mga sinubukan ko -- hotdog sandwich na may chili con carne.  Cheezee Squeeze ang dilaw na iyan sa ibabaw ng chili con carne.  Dito ko lang napagtanto na dapat talaga ay jumbo hotdog ang ginagamit sa ganitong hotdog sandwich.  Pasensya naman, konti lang ata ang sentido komon ko pagdating sa pagluluto ;)
Buti na lang nasubukan namin ito.  Ngayon nadagdagan na ang snack ideas ng aking pamilya.  Nasubukan namin ito dahil nag-buy one take one ang isang imported na chili con carne sa pinamimilihan naming supermarket.  Sa totoo lang, ngayon lang ako nakasubok ng chili con carne sa bahay.  Sa mga kainan lang sa labas ako nakakasubok kumain niyan.  Ngayon ko lang din nalaman na may nabibili palang de-lata at ready-to-eat nang chili con carne ;)

Wednesday, July 4, 2012

Multigrain

Kinuha ko ito nung namili kami sa supermarket kasi nakuha nito ang atensyon ko "bago sa paningin ko ito ah!"  Sabi nga dito sa balat, gawa siya sa wheat, corn, oats, brown rice, at barley, tapos baked pa.  Nagbigay ito sa akin ng impresyon na healthy ito.  Nagustuhan ko siya!  Para akong kumakain ng matamis na spaghetti :)  Yung kulay ng pabalat niya na itim, nagbibigay ng impression na maanghang siya.  Pero hindi talaga siya maanghang.

Tuesday, July 3, 2012

Ham and Hotdog for Breakfast

Pasensya naman kung medyo hindi maganda ang itsura ng niluto kong almusal.  Nauna ko kasing pinirito yung ham, nangitim ang mga gilid nito, kasi may asukal yata.  Doon ko rin niluto yung hotdog sa parehong kawali at mantika.  Talagang isinunod ko lang ang mga ito pagkatapos ng mga ham.  Siguro dapat sa susunod ay unahin ko ang hotdog, kasi hindi ito nangingitim pag niluluto.
Naaalala ko noong bata pa ako, kanin ang lagi kong almusal.  Maaga kasi ang pasok ko noon, 7:00am Lunes hanggang Biyernes, hanggang high school.  Siguro kasi gusto ng magulang ko na mabigat agad ang kainin ko sa umaga para hindi ako magutom agad.  Tapos ngayon napapansin ko sa mga pelikula at palabas, parang halos wala pa akong nakita na nag-be-breakfast ng kanin.  Madalas nakikita ko prutas, tinapay, o cereals ang almusal.  Sabi nga nila, breakfast is the most important meal of the day.  Kung ganun, bakit ang gaan o ang unti ng almusal nila?  Mabilis lang mawawala yun, kumbaga sandali lang, baka magutom ka na uli.  Siguro kasi ang ibig sabihin nun, kahit ipagpaliban yung tanghalian, ayos lang yun.  Basta huwag lang ipagpaliban ang almusal.

Monday, July 2, 2012

Caterpillar?

 Hindi ako sigurado kung caterpillar nga ba ito, pero ang laki niya at ang linaw!  Para kasing sa mga larawan sa mga encyclopedia lang ako nakakakita ng ganito, pero ngayon, nasa harapan ko siya!
 Madalas talagang hindi ko mapigilang humanga sa kalikasan.  Sila ay mga buhay na likha ng sining/work of art para sa aking mga mata. 

Sunday, July 1, 2012

Hotdiggidy-Dog

 
 Hindi masyadong nakakahalina ang itsura nitong hotdog sandwiches ko dito sa larawan, pero ipinagmamalaki ko pa rin sila.  Malaking accomplishment na ito para sa akin, na hindi marunong at mahilig magluto.  Isa akong ina at asawa, at kapag ganun ay iisipin agad ng isang tao na siya ang nagluluto, o siya ang dapat nagluluto, ng pagkain para sa pamilya. 
 
Medyo pinroblema ko iyon nung mag-aasawa na ako.  Sabi ko noon "naku paano yan, hindi ako marunong magluto?"  Pero kailangang matuloy ang pag-aasawa, hindi naman 'yon mapipigilan dahil lang sa suliranin kong iyon.  Swerte ko naman, mahilig palang magluto ang asawa ko.  Para sa kanya, hindi siya dalubhasa sa pagluluto, pero interesado siya dito.  Palagay ko, mahalaga talaga na may interes ka para magtagumpay ka sa isang bagay.   
Sa tingin ko, kaya hindi ako natutong magluto ay dahil hindi ako interesado.  Hindi ako interesado dahil takot akong maputukan kapag nagpiprito.  Takot akong mapaso.  Ayoko ng init ng lutuan at ng pagluluto!  Pero hindi ko rin naman masasabing hindi ako lubos na natuto.  Nakakapagprito naman ako ng hotdog, gaya ng ipinakikita ko dito.  Sinusubukan ko na ring magluto ng iba pang ulam, gaya nung isa kong post tungkol sa sinaing na tambakol.  Sa totoo lang, paborito kong lutuin yun dahil pwede ko siyang iwanan sa mahinang apoy, hindi ko na siya kailangang balik-balikan.  Sinusubukan ko ring sumunod sa mga nakasulat na lutuin, gaya nung isang post ko tungkol sa spaghetti guisado.  Sinusubukan kong magluto, kahit ayaw at takot ako sa init at paso, dahil sa pamilya ko. 
Nagsimula itong paggawa ko ng hotdog sandwich dahil minsan napabili kami ng hotdog kahit wala ito sa listahan namin.  Nakabili kami dahil may libre itong laruan.  Ika nga sa Ingles, weakness ko ang mga libreng laruan, at yan ay dahil sa anak ko.  Alam kong maraming pang pwedeng ilagay sa sandwich na ito, gaya ng pickles, mustard, at iba pa, at susubukan ko rin yun sa mga susunod na araw.  Kahit di na ako masyadong bata, sobrang nasarapan ako nung kinain ko itong ginawa ko.  Siguro kasi matagal na akong di nakakain ng hotdog sandwich, pati "it brought back memories of my elementary, high school, and college days" ko.  ;)