Binili ko ito para sa anak ko nang minsang umalis ako na hindi siya kasama. Binili ko ito nang walang inumin, at nagkakahalaga ito ng 80 piso. Yung french fries ay nakuha ko nang libre dahil sa isang kupon. Yung ganitong itlog ng "McDo" sa kanilang mga almusal ay walang lasa para sa akin. Pero yung sausage nila sa almusal nila, gusto ko talaga. Paborito ko nga yung kanilang Big Breakfast, yung muffin ang kasama at strawberry jam.
Thursday, February 28, 2013
Wednesday, February 27, 2013
Colgate Featuring Spongebob
Mayroon kaming kamag-anak na nagbigay sa amin nitong toothpaste na ito, maraming piraso. Maliit lamang ito, at sa wari ko ay nabibili nila ito sa Estados Unidos nang maramihan. Sabi nga nila parang dito lang sa Pilipinas nakakabili ng tingi, dahil halos sa lahat ng ibang lugar ay binibili nila ang mga kailangan nila sa grocery nang bulto at maramihan kasi sa ganoong paraan lang nila nabibili ang mga bilihin. Samantalang dito sa Pilipinas, nakakabili na ng tingi, may mga sari-sari store pa na mas pinaliliit pa ang sadyang naka-tingi na. Itong toothpaste na ito ay gustong gusto ng anak kong 4-na-taong-gulang. Tsaka talagang ginawa ito para sa bata at hindi maanghang. Bubble Fruit ang tawag nila sa flavor nito.
Tuesday, February 26, 2013
Summer Vanillas Body Lotion by Bath & Body Works
Maraming iba pang variety ang Summer Vanillas ng Bath & Body Works pero nakuha ko itong Coconut. Hindi gusto ng asawa ko ang amoy nito. Kabaligtaran naman ako. Noon hindi ko rin gusto ang amoy (at lasa) ng niyog, pero ngayon ay nag-mature na siguro ako at ayos na ito sa akin. Kapag ginagamit ko ito ay talagang nangangamoy ang buong kwarto at sa mga nadadaanan ko ay naiiwan ang amoy nito. Minsan akala ng mga nakakaamoy na nagpabango ako. Parang amoy summer o tag-init nga ito, kung kailan masarap mag-outing sa mga languyan, mapa-beach pa yan o swimming pool.
Monday, February 25, 2013
Secret Wonderland by Bath & Body Works
Natanggap ko lang ito galing sa isang kamag-anak na naka-base na sa Estados Unidos. Rich ito at hindi malabnaw, pero hindi gaanong kaaya-aya ang amoy para sa akin, pero ayos lang. Gusto ko lang din maitala na minsan sa buhay ko ay nagkaroon ako nito at para maikwento sa mga susunod na henerasyon. Nakakatuwa rin na gumagawa na sila ng mga disenyo sa kanilang mga bote o lalagyan.
Sunday, February 24, 2013
Enfant Baby Soap
Napansin ko sa balat ng anak ko na kapag isang klaseng sabon lang ang ginagamit niya sa mahabang panahon ay parang natutuyo at na-a-allergy ang balat ng anak ko. Nang sinubukan kong paiba-ibahin ang sabong ginagamit niya, naging mas malusog ang nga ang balat niya.
Ito ang isang pinang-alternate ko na sabon niya. Ang bili namin dito ay 39.75 piso. Ayos naman, banayad ang amoy at talagang madulas kapag isinasabon sa balat - yung para bang may "moisturizer" kaya napapanatag ako na hindi matutuyo nang husto ang balat ng anak ko.
Ito ang isang pinang-alternate ko na sabon niya. Ang bili namin dito ay 39.75 piso. Ayos naman, banayad ang amoy at talagang madulas kapag isinasabon sa balat - yung para bang may "moisturizer" kaya napapanatag ako na hindi matutuyo nang husto ang balat ng anak ko.
Saturday, February 23, 2013
Friday, February 22, 2013
Grilled Pork Tenders Breakfast Meal: Jollibee
Ngayon ko lang nakita na ginawa ito ng Jollibee para sa kanilang almusal. Ito ang kinuha ko para masubukan. Masarap naman, para akong kumakain ng tapsilog (o parang mas malapit sa tocilog kasi manamis-namis yung timpla nila ng Grilled Pork Tenders). Ang presyo nito ay 89 piso na may kasama nang inumin. Panalo ito nang kinain ko kasama ang kape, para sa akin kapag ganito ang almusal ko ay magiging maganda ang buong araw ko.
Thursday, February 21, 2013
Chicken Sausage Pancake: Jollibee
Dati hindi ko maisip na pwede palang sabayan ng ulam ang pancake. Para sa akin, panalo itong ginawang ito ng Jollibee. Kinuha namin ito para sa 4-na-taong-gulang naming anak, at nagustuhan niya! Talagang pinagsasabay niya sa loob ng bibig niya ang "hotdog" (yun yung tawag niya dito sa Chicken Sausage na ito, pero parang sa lahat ng parang medyo kamukha ng hotdog ay hotdog na nga ang itinatawag niya) at yung pancake na pinahiran ng "cream" (para kasing butter-flavored cream ang ibinibigay ng Jollibee para dito) at maple syrup. Ang bili namin dito ay 65 piso na may kasama nang inumin.
Wednesday, February 20, 2013
Breakfast Steak: Jollibee
Iyan ang tawag nila sa kanilang Burger Steak na sinama sa sinangag at pritong itlog. Ang halaga nito ay 69 piso na may kasamang inumin (pwedeng mamili kung kape, juice, o softdrinks). Ang asawa ko ang nag-order nito kaya hindi ko masyadong nanamnam kung bagay nga ba itong kombinasyong ito. Para kasing ang hirap isipin na gusto kong mag-ketchup sa pritong itlog pero may gravy din sa sinangag. Sa susunod ay ito ang kukunin ko.
Tuesday, February 19, 2013
Plain Bagel: Country Style
Nitong huling 3 taon ko lang nalaman na ang bagel pala ang parang pandesal ng mga Amerikano sa Amerika. Dati ko nang nakikita ang bagel sa Country Style pero hindi ko ito pinapansin. Pero nito ngang nalaman kong bagel pala ang parang pandesal ng mga Amerikano, nagpabili ako nito sa asawa ko para malaman ko kung ano pakiramdam na mag-almusal ng ganito sa halip na pandesal. Nakabili siya pagkatapos ng alas-7 ng gabi kung kailan binabawasan nila ang presyo. Pinabili ko yung walang palaman, at nabili niya ito sa halagang 40 piso. Sanay ako na malambot ang pandesal, pero ito palang bagel ay bahagyang mas makunat o mas matigas kaysa pandesal. Pero di gaya ng pandesal, wala itong hangin o parang di ito gaanong maalsa, kaya mas "solid" ang kagat. Pinainit ko naman ito sa aming oven toaster, pero siguro iba pa rin ang lambot nito kung mainit-init pa itong galing sa tindahan.
Monday, February 18, 2013
Sizzling Sisig: Simple Treats
Ito naman ang kinuha ng asawa ko, ang kanilang Sizzling Sisig. Nasa ilalim ito ng kategoryang Appetizers sa menu nila, na karaniwang nangangahulugang "pulutan" sa kulturang kainan sa labas ng mga Pilipino sa Pilipinas. Kaya naman nag-order pa ng extra rice ang asawa ko para maging tanghalian niya ito (sa halip na pulutan, kasi hindi naman kami pumunta doon para uminom). Masarap at malinamnam talaga ito pero talagang langoy din sa mantika. Hindi rin ako gaanong natuwa sa dami (o unti) ng lagay nila.
Sunday, February 17, 2013
Beef Tapa Filipino Breakfast: Simple Treats
Ito naman ang kinuha ko para sa 4-na-taong-gulang naming anak. Kung tutuusin, tapsilog lang naman talaga ito. Napili ko ito kasi gusto lagi ng anak ko na kanin ang kinakain niya. Tinikman ko ito at nasarapan naman ako, manamis-namis ang timpla ng tapa. Nasarapan din naman ang anak ko kahit sinangag ang kanin (kadalasan sa mga bata ay hindi gusto ang sinangag). Ang halaga nito ay 120 piso na may kasamang inumin (pwedeng pumili kung kape o orange juice).
Saturday, February 16, 2013
Chicken Pesto Pasta: Simple Treats
Inabot na naman kami ng gutom sa daan at sa pagsisikap namin na maiba tuwing kakain sa labas, nadaanan namin itong Simple Treats sa San Pablo City, Laguna. Mahilig ako sa pesto at nakita ko agad sa menu nila itong Chicken Pesto Pasta kaya't ito agad ang kinuha ko. Medyo nainip lang kami sa tagal ng pagdating ng pagkain, tapos meron pa kaming kasamang 4-na-taong-gulang na anak na triple ang ikli ng pasensya kumpara sa aming mag-asawa pagdating sa paghihintay. Nasabi ko tuloy (nung hindi pa dumadating ang mga kinuha namin) na baka hindi na kami maulit dito. Pero masarap naman itong na-order kong ito. Pang-isang tao lang ang dami nito, at 135 piso ang presyo nito.
Friday, February 15, 2013
Manager's Choice: Shakey's
Hindi na namin pinapalitan ang klase ng pizza na kasama sa kinuha naming "family meal." Nanghinayang kaming mag-asawa kasi ito nga naman ang best pizza nila, bakit pa namin papalitan. Yung dalawang bata na kasama namin, pinatanggal ang baka, sibuyas, at bell pepper nang kumain sila. Ham na lang ang natirang topping. Kahit manipis ang crust, ang sarap pa rin talaga nito.
Thursday, February 14, 2013
Carbonara Platter: Shakey's
Sa kinuha naming "family meal," pinapalitan namin ang Spaghetti Platter ng kanilang Carbonara Platter. Masarap naman pero karaniwan na ang lasa nito (ibig kong sabihin ay halos ganito din ang lasa ng ibang carbonara na nabibili).
Mukha namang marami ang nakalagay pero parang eksakto lang sa amin ang pagkain sa "meal" na ito. Sabi sa menu ay pang-5 hanggang 6 na katao ito at kapag sinabing "person" ay akala ko mga pangkaraniwang "adult" (mga edad 13 pataas). Ang grupo namin ay kaming mag-asawa at tatlong batang edad 4 hanggang 8. Kaya nang kinuha namin ito ay kampante ako at naiisip ko pang baka may sobra. Pero wala, ubos lahat! Ni hindi nga ako naka-isang basong inumin (iced tea). Kaya natutunan ko sa karanasan naming ito na kaya din ng mga bata na kumain ng singdami ng sa nakatatanda lalo na kapag mga "pambata" ang pagkain (gaya ng pritong manok, spaghetti, at pizza).
Maligayang Araw ng mga Puso!
Wednesday, February 13, 2013
Chick n' Chips: Shakey's
Ito yung isa sa mga kasama sa "family meal" na kinuha namin - limang pirasong pinirito na mga piyesa ng manok at Mojo Potatoes. Maalat pa rin ang timpla, gaya nung una akong makatikim nito lampas 10 taon na ang nakakaraan. Kapag nalulunok ko ang maalat na balat ng manok o yung Mojo nila ay parang nararamdaman kong nagrereklamo ang pantog ko (sa isip ko kasi habang nilulunok ko ang alat ay magkakasakit ako sa bato). Bakit nga ba hindi nila binawasan ang alat nito? Pero bakit din ang sarap kainin kahit ganito ito kaalat?
Tuesday, February 12, 2013
Iced Tea Pitcher: Shakey's
Pumunta kami sa Shakey's isang hapon. Ang kinuha namin ay isa sa kanilang "Family Meals." Nakalimutan ko na ang eksaktong pangalan ng kumbinasyon na iyon pero ang mga kasama ay isang pitsel o 1 pitcher ng kanilang Iced Tea, isang large na Manager's Choice Pizza (pwede raw palitan ng ibang flavor na mapipili ng panauhin), Chik n' Chips o yung limang piraso ng iba-ibang pyesa ng pritong manok at Mojo Potatoes, at Spaghetti Platter o isang bandehado ng spaghetti. Ang halaga nito ay 985 piso at nakalagay doon sa kanilang menu na ito ay pang-5 hanggang anim na tao. Mahigit isang libong piso din ang pinagbayaran namin dahil meron silang service charge.
Monday, February 11, 2013
Melliwel in Pangil
Narinig ng isang kamag-anak namin sa Radyo Veritas ang tungkol sa Melliwel Carbo Vegetalis na isang gamot na herbal o gawa sa mga natural na halaman. Narinig niya na may pwesto sila ng panggagamot sa Pangil, Laguna. Pumunta kami at nang magtanong-tanong kami doon para malaman ang daan patungo sa "bundok" na gusto naming puntahan ay walang nakakaalam kung nasaan ito. Kinutuban lang kami doon sa isang makipot na daan na paakyat sa tabi ng highway. Pumasok kami at itinuloy-tuloy ang pag-akyat. Habang daan ay may nakikita kaming mga taong nakaputi na nagtitiyaga talagang maglakad paakyat. Hindi kami tumigil hangga't may nakikita kaming mga taong naglalakad, at sa may halos tuktok na nga ay sa wakas nakita namin na mayroon ngang pinatunguhan ang mataas na inakyat namin.
Heto nga at kinuhanan ko ng larawan ang tanawin mula sa itaas na ito ng Pangil. Nakilala namin dito si Dra. Mel na siyang nagsaliksik at nagsagawa ng Melliwel Carbo Vegetalis.
Sunday, February 10, 2013
Kamay ni Hesus
Ilang beses na kaming nakapunta dito pero di pa rin kami nakakaakyat hanggang sa pinakataas. Hanggang sa may unang set ng mga rebulto pa lang, o sa may paanan ng hagdanang paakyat sa malaking rebulto ni Hesus. Ngayon ay hindi na naman kami makaakyat dahil umuulan at kulang ang aming payong. Maya-maya ay nagutom kami (kahihintay tumila ang ulan) at naisip naming lumabas para sumubo kahit kaunti. Maraming tindahan at karinderya sa labas, at lagi ring merong pansit habhab! Sampung piso ang isang order nito, naka-dalawang order ang asawa ko! Ayos lang, bente lang ang pansit niya. Dito lang talaga ako sa Lucban, Quezon nakakakain ng pansit na ito. Ibang-iba talaga siya sa mga pansit na madalas kong nakakain (bihon, canton, malabon, palabok, miki). Mas manipis ito sa miki at parang "starchy" ang texture pag kinagat at nginuya. Yung timpla nila dito, masabaw o may kaunting sarsa. Tapos bagay talaga taktakan ng suka. Masarap talagang maranasan. Naghabhab (kinain ng hindi ginagamitan ng kubyertos) din ako nito noong una akong nakasubok nito, pero ngayon ay nagtinidor na ako :D
Saturday, February 9, 2013
Ham and Hotdog for Dinner
Madalas ay ang asawa ko ang nagluluto ng mga kakainin namin, pero ngayong hapunan ay kailangang ako ang magluto dahil wala siya (naiba ang oras ng pagpasok sa trabaho). Bukod sa ito lang ang pwede kong maluto nang mabilisan, ito lang din ang maluluto ko na siguradong makakain namin ng anak ko. Madalas pang-almusal ito, pero ngayon ay ulam namin itong pang-hapunan. Ayos lang dahil Pinoy naman tayo eh :D
Subscribe to:
Posts (Atom)























