Monday, September 24, 2012

Vanilla Cream Half Roll

Kaarawan ng nanay ko ngayong araw na ito at kaninang umaga ay nagluluto siya ng pansit.  Sabi niya bumili daw ang kapatid ko ng mga karagdagang sangkap ng pansit, at parang nakaramdam ako ng kaunting "pressure" na dapat may maibigay din ako para sa kaarawan niya.  Kaya lumabas kami ng asawa't anak ko at nabili namin itong Vanilla Cream Half Roll (Vanilla Cream Roll kung ito ay buo) mula sa isang panaderya.  Nagkakahalaga ito ng 130 piso.  Nagagandahan ako sa itsura niya, parang nakakaayang kainin.  Masarap din naman ang lasa, bagamat parang nalalasahan ko ang isang mumurahing mantikilya sa icing nito.  Pero sabi naman ng nanay ko, hindi naman daw niya nalalasahan yun.  At mabuti naman at nasarapan siya (bihira kasi siyang mamuri ng cake na nabili).
Nagtataka nga rin pala ako na ganito ang kinalabasan ng macro shot nitong aming HP V5061u.  Hindi ko alam kung isang distansiya lang gumagana ang macro shot niya.  Parang nakumpara ko tuloy sa aming Kodak C433 na kahit hindi tama ang distansiya ay malinaw pa rin lumalabas ang larawan sa macro mode niya.

Sunday, September 23, 2012

Carrot Cupcake

Mahilig mag-bake ang nanay ko, at ito ang kanyang pinakabagong natutunang gawin.  Ipinagsaliksik ko siya sa internet kung paano ginagawa ang carrot cake.  Sarili niyang desisyon na gawin itong cupcakes.  Masarap ang kinalabasan at ang nakakatuwa dito, gustong-gusto din ito ng 3 taong gulang kong anak.  Ngayon nakakampante ako na kahit di niya kainin ang carrot sa ulam namin, makakakain naman siya sa ganitong cake.  Totoong carrot ang sangkap nito, at kaugnay nito, hindi pa ako nakakakita ng artificial flavoring na carrot.

Saturday, September 22, 2012

Mortein Insect Spray


Nakita ko ito sa supermarket nang minsang mamili kami. Tingin ko mas mura siya kesa sa sikat at kilala nang insect spray. Tsaka bago ito, kaya naengganyo akong bilhin ito. Nakakatuwa kasi mabango siya talaga, walang amoy na masakit sa ilong. Kaso nga lang, parang di siya kasing bagsik nang sikat at kilalang spray. Parang napapadami tuloy ako ng spray, na baka saglit lang ay maubos na ito.

Friday, September 21, 2012

Cream Cheese

Nung una akong makakita ng cream cheese noon sa supermarket (di ko na maalala, siguro 10 o higit pang taong nakalipas), parang ang mahal at di maabot.  Mula noon, hindi ko na pinapansin ito sa pamilihan.  Nitong mga nakaraang linggo, nagka-interes ang nanay ko sa paggawa ng carrot cake, at may mga nasaliksik kami na ang pangunahing sangkap sa paggawa ng icing o ng frosting nito ay cream cheese.  Nakita namin itong cream cheese na ito na nasa larawan sa isang supermarket at nagkakahalaga ito ng 129 piso.  Sinubukan kong kumuha ng kaunti at ipinalaman ito sa tinapay.  Talaga palang masarap ito!  Pero para sa akin, ang lasa nito ay hindi nalalayo sa ating kesong puti.

Thursday, September 20, 2012

My Own Egg Drop Soup

Kamakailan lang ay sumakit ang tiyan ng anak kong tatlong taong gulang, at sa sobrang sakit ay hindi siya makatulog.  Napansin kong parang lumaki ang tiyan niya.  Pinahiran ko ng manzanilla ang tiyan niya, tapos pinaihi ko siya at pinaupo sa inidoro.  Napadumi siya pero lusaw ito.  Hindi rin siya napautot at hindi rin gumaan ang pakiramdam niya.  Nagdesisyon na akong dalhin siya sa ospital.  Doon pina-X-ray ang tiyan niya at nadiskubreng may hangin ito at hindi makalabas.  Nirekomenda ng doktor na gamitan ng pampadumi na suppository ang anak ko.  Epektibo naman at napadumi siya nang marami.  Pagkatapos noon ay biglang guminhawa ang pakiramdam ng anak ko.
Kaya pala nagkaganon ay dahil may mga natirang dumi sa bituka niya.  Sa pagtitibi niya, naipon ito at nagbara, kaya hindi makalabas ang hangin sa tiyan niya.  Pinayo ng doktor na baguhin ang kanyang dyeta at dagdagan ito ng mga gulay at prutas para hindi na siya magtibi.
Swerte naman na pagbukas ko sa aming ref ay mayroong repolyo at carrots.  Naalala ko yung narinig ko sa patalastas, at napagpasyahan kong subukan yun.  Hiniwa ko ang carrots at repolyo.  Naghiwa din ako ng 1/4 ng sibuyas.  Naglagay ako ng tubig sa kaserola at pinakuluan ang 1/4 na sibuyas.  Pagkulo nito ay binuhos ko ang isang pakete ng Maggi Magic Sarap.  Hinalo ng konti at isinunod na hinulog ang repolyo at carrots.  Kumuha ako ng itlog, binasag ko ito at hinalo ang kumukulong tubig na may timpla at gulay.  Nakakatuwa kasi masarap ang kinalabasan nito.  Nagustuhan din ito ng anak ko, at kinain din niya ang mga gulay dito!

Wednesday, September 19, 2012

Sunkist Angry Birds: The Collection

Ayan nakumpleto na namin ang walong disenyo ng Sunkist Angry Birds Edition.  Sabi sa likod ng pakete, may premyo daw kapag nakumpleto ang walong standees (may tuntunin sa likod ng pakete para magawa ang standee).  Hinihintay ko pa ang anunsyo kung paano mananalo sa pagkolekta ng lahat ng disenyo. 
Sinubukan ko ang panorama shot ng aking Smartphone sa pagkuha ng larawan nitong walong pakete ng Sunkist.  Hindi rin naging madali para sa amin na makolekta lahat ito.  Mula nang makita namin ito, tuwing namimili kami sa grocery (4 na beses sa isang buwan), hindi lahat ng disenyo ay mayroong tinda.  Di ko na nabilang kung ilang pamimili din sa grocery bago namin nakumpleto ito.  Epektibo naman itong premyo sa anak kong malapit nang mag-4 na taong gulang kapag siya ay may ginawa (o ipapagawa ako sa kanya) na mabuti.  Tuwang tuwa siya dito dahil isa siyang malaking tagahanga ng Angry Birds.

Tuesday, September 18, 2012

Adobo Sandwich: The Aristocrat

Di ko maalala kung Adobo Sandwich nga ba ang eksaktong pangalan ng kinuha naming ito sa The Aristocrat.  Nagagandahan ako sa "presentation" nila nito kaya kinuhanan ko ng larawan.  Hiniwa ko yung tinapay para makita at maalala ko ang loob nito.  Hindi ko masyadong naintindihan kung bakit may kasamang ketchup ito, kasi para sa akin hindi naman sinasawsaw ang adobo sa ketchup :D
Natuwa ako na nalagyan nila ng kanilang logo o tatak itong tinapay.  Medyo naliitan lang ako sa sandwich na ito para sa presyo niyang 90 piso.  Pero masarap ang timpla ng adobo, "lasang Pinoy" talaga.  Gusto ko rin na tamang-tama lang ang pagkakatusta ng tinapay nito.

Monday, September 17, 2012

555 Fried Sardines Bistek



555 Fried Sardines Bistek
Nasubukan namin dati yung Escabeche nito. Ang masasabi ko dito sa Bistek ay hindi natural ang lasa nito. Kahit may bakas ito ng lasa ng sibuyas, toyo, at kalamansi na mga pangunahing sangkap ng bistek, lamang pa rin ang lasang kemikal nito para sa akin. Ayos lang naman ito para sa akin, pero hindi ako masyadong bumilib.

Sunday, September 16, 2012

Kahon ng Chicken McDo

Ginawa ko na rin ito dun sa Big N Tasty.  Nakakatuwa naman itong mga bagong balutan ng McDonald's.  Naku-cute-an ako sa mga larawan sa gilid ng kahon at sa pagkakasulat nila ng pangalan ng produkto sa ibabaw ng takip ng kahon.  Tapos may nakalagay pang "love ko 'to," talagang dito lang sa Pilipinas ang kahon nilang ito.
Nabili namin ito dahil sa anak namin.  Gusto namin siyang pasayahin kasi meron siyang konting karamdaman.  Ito ay nagkakahalagang 100 piso na may kasamang inumin at laruan (Happy Meal).

Saturday, September 15, 2012

M&M's Fun Size

Noong nakaraang buwan ay nakatanggap kami ng isang balot ng M&M's Fun Size bilang isang pasalubong mula ibang bansa.  Hindi ko napansin agad na iba na pala ang disenyo nito sa likod!  Hindi ko din alam kung matagal na ba itong ganito at nahuhuli na ba ako sa mga bago ;)
Dalawang klase itong nakita ko, hindi ko sigurado kung meron pang ibang disenyo bukod sa dalawang ito.  Kinuhanan ko ng larawan kasi - kagaya ng dati - na-cute-an na naman ako at gusto kong maitala na minsan sa buhay ko ay nakakita ako nitong paketeng ito ng M&M's.

Friday, September 14, 2012

Pancit ni Mang Juan: Adobo Flavor

May ilang araw na rin ang nakalilipas mula nung matikman namin itong Pancit ni Mang Juan Adobo Flavor.  Pero nakalimutan ko na ang eksaktong lasa nito.  Ang naaalala ko, nasarapan naman ako at masasabi kong lasa nga siyang adobo.  Ang dami naman kasing klase ng adobo ang nakakain ko.  Merong walang mantika at pinakuluan lang sa toyo at suka, meron ding mamantika at konti lang ang suka, merong may laurel, meron ding walang laurel.  Kaya siguro parang di ko ma-eksakto ang pagka-adobo nitong Pancit ni Mang Juan :)

Thursday, September 13, 2012

Pancit ni Mang Juan: Tinapa with Kalamansi Flavor

Sa wakas nasubukan din namin itong Pancit ni Mang Juan Tinapa with Kalamansi Flavor.  Amoy nga ang tinapa.  Hindi nakita ng asawa ko kung ano ang flavor ng niluto kong pancit kanton, at nang tikman niya ito, sabi niya "wow sarap!  Lasang hotdog, anong flavor 'to?"  Natawa naman ako :D  Siguro yung amoy o lasang usok, yun ang pagkakapareho nila ng hotdog.

Wednesday, September 12, 2012

Pepsi Pogi


Ilang beses ko nang nakita sa commercial yang Pepsi Pogi na iyan pero di ko ma-gets kung ano ba iyun.  Kasi kapag sinabing Pepsi, cola at madilim na kulay ang unang pumapasok sa isip ko.  Pero itong Pepsi Pogi, maliwanag at malinaw ang kulay.   Naisip ko tuloy baka lasang kahel iyon.  Tapos sabi pa sa commercial, “limited time only.”  Parang nagka-urge tuloy ako na makabili sana kami nun.


At eto nga nung isang araw, sa aming regular na pamimili, nakita naming itong Pepsi Pogi.  May malaki at maliit na bote.  Pinili naming yung maliit na bote (500mL) na nagkakahalaga ng 19 piso at 50 sentimos (19.50).  Nang mainom naming ito sa bahay, nasarapan kami agad!  Tapos pagkalunok ko, tsaka ko napagtanto na Pepsi din ang lasa nito.  Pero parang sinasabi ng isip ko na may lasa itong kahel kasi nakikita ng mata ko na kulay kahel ito.  Pero nang namnamin ko uli, parang Pepsi lang talaga ang nalasa ko.  Mainam na karanasan ito para sa amin :)
 

Tuesday, September 11, 2012

Pancake o Hotcake?

Natakam kami ng asawa ko sa Hotcake/Pancake (ano nga bang pinagkaiba?) kaya nagluto siya kanina nito para sa aming almusal.  Ang ginamit namin ay Strawberry syrup, di gaya ng nakasanayan na maple syrup.  Masarap din siya!  Nagulat ako kasi akala ko kapag hindi maple syrup ang ginamit, hindi na sasarap ang pagkain ng pancake.
Tiningnan ko ngayon sa Merriam-Webster sa Smartphone ko, yung hotcake - pancake.  Yung pancake - a flat cake made of thin batter and cooked (as on a griddle) on both sides.

Monday, September 10, 2012

Mukhang Scorpion?

Ilang beses ko nang nakita itong insektong ito pero hindi ko alam kung anong insekto siya.  Parang hindi rin siya nangangagat, kasi pinadapo ko ito sa kamay ko pero di naman ako nasaktan.  Ano ngakayang insekto ito?  Gusto din ba niya yung mga pagkain sa kusina namin?  Kasing dumi ba siya ng langaw?  Yung insektong "atangya" narinig at naamoy ko na, pero hindi kopa rin alam ang itsura niya.  Pero hindi naman mukhang ito yun kasi wala naman itong amoy.  Kuha lang ang larawang ito sa Smartphone ko, sana may macro para mas maganda ang kuha.

Sunday, September 9, 2012

Inside Toblerone Tinys

Ganito pala sa loob yung Toblerone Tinys: tatlong tatsulok lang, yung regular kasi na Toblerone ay isang tatsulok kada letra ng TOBLERONE. Ang cute talaga nito at kasya sa isang subuan ko itong buong 'Tinys. Pinakasya din yung salitang TOBLERONE sa maliit na tsokolateng ito.

Saturday, September 8, 2012

555 Fried Sardines Escabeche

Nung una akong makakita ng "Fried Sardines" na nakasulat sa etiketa ng lata ng sardinas, di ko maisip na tuyo at walang sabaw o sarsa ang nasa loob ng lata (kasi naman, kapag sinabing "fried" o pinirito, yung itsura na kahahango pa lang sa kawali ang pumapasok sa isip ko).  Pero nalaman ko rin na hindi naman pala ganoon.  Kaya ata siya tinawag na Fried Sardines kasi pinirito muna yung isda, tsaka siya nilagyan ng sarsa (at least parang ganun ko siya naintindihan).
Ito nga at napabili kami nitong 555 Fried Sardines Escabeche.  Kahit na alam ko nang may sarsa din naman ang mga ganitong "fried sardines" ay naaakit pa rin ako sa tunog nito.  Ngayon ay binuksan ko ito para sa aming tanghalian (meron ding iba pang ulam, ipinangdagdag ko lang ito kasi konti na lang yung ibang ulam).  Ayos naman kasi matamis siya, pero parang hinahanapan ko rin siya ng konti pang asim (kasi ang alam ko sa escabeche ay sweet and sour).

Friday, September 7, 2012

Young's Town Corned Beef

Akala ko dati sardinas lang ang Young's Town. Meron din pala itong karne norte.  Ito ang niluto ko para sa hapunan namin.  Ayos naman ang lasa, at sa tingin ko siksik ito sa laman.  Pero mas masarap pa rin yung Purefoods na karne norte.  Meron na din kaming nasu ukan na ibang karne norte na masarap din, pero yung Purefoods pa rin yung pinaka-hindi-ko-nalilimutan na lasa (sa mga local na karne norte).  Itong Smartphone ko nga pala ang ipinangsusulat ko ngayon dito, ngayon ko pa lang ito nagawa.

Thursday, September 6, 2012

Mer-Nel's Chocolate Cake

Halos lahat ng kakilala kong taga-Laguna ay alam ang Mer-Nel's.  Sa Los Banos ko ito unang nakita, pero kamakailan lang ay may nakita kaming maliit na pwesto nito sa SM City Calamba.  Para sa akin, ang kasarapan ng chocolate cake nila ay hindi malilimutan at babalik-balikan.
Isang maliit na roll lang itong nabili namin.  Hindi ko na maalala kung magkano ito eksakto, pero wala pa itong 200 piso (at mahigit naman sa 100 piso).

Wednesday, September 5, 2012

Palabok

Sa totoo lang, nalilito na ako sa dami ng klase ng palabok.  Merong Pansit Malabon, Pansit Palabok, Pansit Luglog... tapos iba-iba yung noodles - may bihon, may makapal, may malapad.  Pero ang pareho sa kanila ay yung dilaw na sarsa na nagde-define na palabok siya.
Itong palabok na nasa larawan ay inorder namin para sa kaarawan ng asawa ko noong isang taon.  Nagkakahalaga ito ng 480 piso.  Masarap naman siya, pero mas magugustuhan ko ito kung meron nung mga hiniwang dahon ng sibuyas na nagbibigay ng maliliit na berdeng kulay sa palabok.  Kahit wala nang chicharon at/o tinapa, basta meron nung dahon ng sibuyas, kumpleto na ang palabok para sa akin.

Tuesday, September 4, 2012

Regent Chocolate Pie

This summary is not available. Please click here to view the post.

Monday, September 3, 2012

More Luneta!

Ito rin yung araw na pumunta kami sa post ko na Luneta.
Ito pa yung mga ibang larawan na hindi ko naisama sa post na iyon.  Itong mga larawang ito ay kuha sa cellphone ko.
Naalala ko nung pumunta kami dito ay umaga at medyo mainit ang sikat ng araw, sa loob ko nun, sabi ko "sana may dala akong payong."  Di ko lang alam kapag hapon kung mainit din dito o mas malamig.
May advantage din naman yung pagpunta namin ng umaga noon -- wala gaanong tao.  Maluwag at maayos magkuha ng mga litrato.  Lunes din ng umaga noon, kaya siguro wala halos tao.  Siguro pag Sabado o Linggo ng umaga pa lang, marami na ang namamasyal dito.

Sunday, September 2, 2012

Dapithapon

Minsan kapag may oras kami pumupunta kami sa libingan (memorial park) kung saan nakalibing ang tatay ko at nakatambay lang kami doon.  Parang parke na ito para sa amin.  Isang beses ay di ko mapigilang kuhanan ng larawan ang langit na hinahabol ang lumulubog na araw.  Kahit hindi ito kasing ganda ng nakita ng naked eye ko, kinunan ko pa rin ito ng litrato sa cellphone ko kasi parang relaxing ang eksenang ito para sa akin.

Saturday, September 1, 2012

Toddler Food Art

Minsan noong 2 at kalahating taong gulang ang anak ko, binigyan ko siya ng biskwit.  Meron akong ginawang gawaing bahay at pagbalik ko sa kanya para kumustahin siya sa binigay kong biskwit, ito ang nakita kong eksena (sa larawan).  Inayos niya ang mga biskwit sa ganitong paraan!  Medyo nagulat ako kasi sa edad niyang yon, kaya na niya palang gawin ito.  Hindi pa siya pumapasok sa paaralan niyan (hanggang ngayon na malapit na siyang mag-4 na taong gulang).  Kinuhanan ko ng larawan para maitala ko ang nagawa ng anak ko sa edad niyang iyan.